IDINEKLARA ng Manila City Government na persona non grata ang militanteng grupong Panday Sining dahil sa ginawang vandalism sa mga istruktura sa lungsod.
Ito ang inanunsyo ni Manila Vice Mayor Honey Lacuna sa Mayor’s weekly Facebook live broadcast matapos aprubahan ng Manila City Council ang resolusyon na nagdedeklara sa Panday Sining bilang persona non grata.
Nabatid na ikinairita ng pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pangunguna ni Manila Mayor Isko Moreno ang makailang beses na pagsusulat at pagpintura ng nasabing grupo sa mga poste ng LRT, pader ng Lagusnilad at maging sa pader ng Araullo High School.
Binigyang diin ni Lacuna na hindi makatarungan na ang pagsusumikap ng lokal na pamahalaan na linisin at pagandahin ang lungsod ay dudungisan sa paghahayag ng kanilang saloobin kontra gobyerno.