HANNAH JANE SANCHO
NAIS nang ipawalang bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kasunduan ng Pilipinas at Estados Unidos na nagpapahintulot sa mga sundalo ng dalawang bansa na magkasamang magsagawa ng military exercises.
Taong 1998 nang pormal na nilagdaan ang Visiting Forces Agreement o VFA.
Nag-ugat ang naging desisyon ni Pangulong Duterte na kanselahin ang VFA matapos isapubliko ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na kinansela ng Estados Unidos and visa nito at walang ibinigay na paliwanag kung bakit.
Si Dela Rosa ang dating hepe ng Philippine National Police at siyang chief architect ng kontrobersiyal na war on drugs ng Administrasyong Duterte.
Nagbabala ang Pangulo na kapag hindi ibinalik ang visa ni Dela Rosa sa loob ng isang buwan ay kaniyang i-abrogate ang VFA.
Una nang inihayag ng Estados Unidos na hindi nito pahihintulutan ang mga taong nasa likod ng pagpapakulong kay Senator Leila De Lima sa diumano’y pagkakasangkot nito sa iligal na droga.
Tinawag ni De Lima na political persecution ang pagkakapiit sa kaniya at labag sa kaniyang karapatang pantao. Na siya ring tingin ng ilang mambabatas sa Estados Unidos kaya nito inihain ang US resolution para hindi makapasok sa kanilang bansa ang mga nagpakulong kay De Lima.
Naniniwala si dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na bagamat hindi perpekto ang VFA ay mahalaga at may pakinabang ito sa Pilipinas.
Ani Del Rosario, na kapag wala ang VFA, hindi gagana ang Mutual Defense Treaty para sa mga joint training exercises sa pagitan ng mga sundalo ng Pilipinas at Estados Unidos.
Mahalaga aniya ang mga Balikatan Exercises na may layuning makatulong sa paghahanda ng ating mga sundalo sa mga kinakaharap na banta ng terorismo at pagkilos sa mga kalamidad.
Ipinunto ng dating DFA Secretary na dahil sa VFA ay nakatulong ang mga Amerikanong sundalo para makapaghanda ang pwersa ng Pilipinas nang tumama ang 2013 super typhoon Yolanda.
Maraming bansa sana ang nais magpadala ng kanilang sundalo para tumulong pero sa Estados Unidos lamang may ganitong kasunduan ang Pilipinas.
Pero maituturing nga bang nasa tamang rason o kapritso lang ang desisyon ni Pangulong Duterte na tuldukan na ang VFA?
Para kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi dahil sa kapritso kaya umabot sa ganitong desisyon ang Chief Executive kundi dahil na rin ito sa serye ng pambabastos sa Pilipinas ng ilang senador ng bansang Amerika.
Sinabi ni Panelo na nagdesisyon ang Pangulo dahil ang pagkansela ng visa ni Dela Rosa ang “last straw that broke the camel’s back.”
Dagdag pa ni Panelo sa mga dahilan ni Pangulong Duterte ay ang pagdemand ng ilang senador ng Estados Unidos gaya nina Richard Durbin ng Illinois, Patrick Leahy ng Vermont at Edward Markey ng Massachusetts na palayain si de Lima; ang US Senate Resolution na nagkokondena sa umano’y human rights violations ng Pilipinas kaugnay ng war on drugs; ang probisyon sa US National Budget na hindi nagpapahintulot na makapasok sa kanilang bansa ang mga nasa likod ng pagpapakulong kay De Lima.
Ayon kay Panelo ang mga hakbang na ito ay itinuturing ni Pangulong Duterte na panghihimasok sa affairs ng Pilipinas.
Sana man lang daw ani Panelo ay nagbigay ng paliwanag ang Estados Unidos kung bakit nito kinakansela ang visa ni Dela Rosa bilang paggalang sa mambabatas ng bansa.
Ipinunto rin ng Malakanyang ang special privilege na mayroon ang Estados Unidos sa ilalim ng VFA.
Sa ilalim ng kasunduan, walang kapangyarihan ang Pilipinas na magkaroon ng jurisdiction kapag nakagawa ng krimen ang isang military personnel ng Amerika maliban na lang kung ang krimen ay sa Pilipinas naganap.
Sa pamamagitan ng VFA, binibigyan ng exemption ang mga sundalo ang Estados Unidos ng visa requirements at pinahihintulutan ang mga eroplano at barko nito na pumasok sa kahit anumang bahagi ng bansa.
Una nang inatasan ng Pangulo si Justice Secretary Menardo Guevarra na magsagawa ng preliminary impact assessment sa posibilidad na tuluyan nang tapusin ang VFA.
Gayunpaman nilinaw ng Malakanyang na wala pang inilalabas na final decision ang Pangulo na tuluyan nang tapusin ang VFA kundi nagpahayag lang ito ng kanyang reaksiyon sa pagkansela ng visa ni Dela Rosa.