Paolo Duterte
Mga pulitiko, naghahanda na sa Halalan 2019
Ni: Kristin Mariano
LUMULUTANG na ang ilang mga pangalan ng mga kakandidato sa darating na halalan sa 2019. Kasabay ng paghahanda ng Comelec sa mga kakailanganin sa eleksyon ay ang paghahanda rin ng iba’t ibang political parties sa kani-kanilang mga manok sa pagka-senador.
Sa hanay ng administrasyon, matunog ang pangalan nina Asec. Mocha Uson, Presidential Spokesperson Harry Roque, Presidential Adviser on Political Affairs Francis Tolentino, and Representatives Carlo Nograles (1st District Davao), Geraldine Roman (1st District Bataan), Albee Benitez (3rd District Negros Occidental) matapos ideklara ni House Speaker Pantaleon Alvarez na gusto niyang isama sa PDP-Laban’s senatorial slate. Hindi naman kinumpirma ni PDP-Laban president at Senate President Koko Pimentel o kahit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga napipisil na kandidato mula sa kanilang partido.
Inakala ng marami na susunod sa yapak ng ama ang mga batang Duterte na may hawak na mga lokal na posisyon sa Davao. Sa isang hindi inaasahang pagpapahayag, inanunsiyo ng magkapatid na Sara at Paolo Duterte na hindi sila tatakbo sa pagka-senador. Ayon kay Paolo Duterte, wala siyang balak na tumakbo sa kahit anong posisyon sa susunod na eleksiyon. Ang kasalukuyang mayor ng Davao na si Sara ay wala ring balak na tumakbo sa mas mataas na posisyon.
Hindi naman naging mainit ang pagtanggap ng mga netizen sa pahayag ni House Speaker Alvarez lalo na ng sabihin niya ang pangalan ng blogger at PCOO Assistant Secretary Mocha Uson na tatakbo sa pagkasenador. Naglabasan ang pagprotesta ng mga netizens sa Facebook kontra dito. Sinabi ni Uson na hindi siya tatakbo sa Senate Elections, ngunit siya ay nag-enroll sa School of Law ng Arellano University. Ito kaya ay ang kanyang paghahanda para sa darating na halalan?
Naging maasim rin ang paglipat ng partido ni Representative Geraldine Roman mula sa Liberal Party sa PDP-Laban. Tumakbo si Roman sa ilalim ng LP noong nakaraang eleksiyon, subalit ilang buwan sa kanyang termino ay nanumpa ito bilang bagong miyembro ng PDP-Laban. Lipat partido rin ang kalaban ng mga Duterte sa pulitika na si Carlo Nograles.
Sa kampo naman ng Liberal Party, wala pang listahan ng mga pangalan na maibigay si Senate Minority Leader Franklin Drilon.
Ayon kay Drilon, wala pang napipisil ang partido para kumandidato sa darating na halalan. Sinabi ng partido na gusto nilang makumpleto ang “full slate” o 12 senador na kakandidato.
Sa kabila nito ay lumutang ang pangalan nina Dingdong Dantes, Karen Davila, at Kris Aquino sa mga posibleng kandidato sa ilalim ng partido. Wala naman pahayag ang bawat kampo sa kanilang balak na pagtakbo.
Sa isang pahayag ni Ifugao Representative at LP Vice President for Internal Affairs Teddy Baguilat, kailangan mag-adjust ng LP mula sa pinakamalaki at pinakamalakas na political party sa pagiging puwersa ng oposisyon.
Paghahanda ng Comelec
Matatandaang nagbitiw si Comelec Chairman Andres Bautista noong Oktubre matapos ang sunud-sunod na kontrobersya sa kanyang termino at pamilya. Tinalaga na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong Chairman na si Sheriff Abas. Maninilbihan si Abas bilang chairman hanggang Pebrero 2, 2022. Ngunit kailangan pang kumpirmahin ng Commission on Appointments ang pagtatalaga kay Abas. Sa pagtatalaga ng bagong chairman, hiling ng bayan ang isang malinis na halalan.
Ilan sa paghahandang binibigyang pansin ng Comelec ay ang absentee voting at pagpaparami ng mga kababaihang bumoboto. Binuksang muli ang voters’ registration noong Nobyembre 6 para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na gaganapin sa Mayo 2018. Bukas na rin ang registration para sa absentee voting ng mga botanteng nasa ibang bansa o mangingibang bansa sa araw ng eleksiyon sa Mayo 13, 2019.
Hinihikayat naman ng Comelec na makilahok ang mas maraming kababaihan sa darating na halalan. Inatasan ng Comelec ang Election Officers na hikayatin ang mga kababaihang mag-register. Ang mga EOs ay ia-assist ang mga babaeng may dalang maliliit na bata na nais magparehistro.
“In the conduct of registration, the Election Officers (EO) shall encourage the LGUs, through the Gender and Development Focal Point System Office, to open their day care centers during registration days, at no cost to the Commission,” ayon sa In Resolution No. 10166 na inilabas ng Comelec.
Madalas ipinagpapaliban ng mga kababaihan ang kanilang pagboto tuwing halalan dahil sa mga gawain sa bahay at maliliit na anak na kailangan alagaan. Nais ng Comelec na matulungan na mapadali ang rehistrasiyon at pagboto tuwing halalan.
Mas pinadali rin ng Comelec ang registration ng Indigenous People (IP) at Persons With Disabilities (PWD), at Senior Citizen sa pamamagitan ng pagpunta mismo sa kanilang bahay at pagbubukas ng online registration.
Inaasahan ang ilang pagbabago sa darating na eleksyon. Ipinahayag ng Comelec ang posibilidad na magdaos ng mas maagang eleksiyon para sa mga Indigenous People (IP), Persons With Disabilities (PWD), at Senior Citizen. It ay para hindi na sila kailangan makipagsabayan sa buhos ng tao sa araw mismo ng halalan. Bibigyan din sila ng prayoridad sa pila sa araw ng eleksyon.
Vice Mayor Paolo Duterte, magpapahinga na sa Politika
Konsehal sa Davao City, tumanggap ng P5-M para kay Paolo Duterte – Taguba
Muling humarap sa ika-apat na pagdinig ng senado sa P6.4 bilyong halaga ng smuggled shabu mula sa China si Mark Taguba ang Custom broker na nagbibigay ng tara sa mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) upang makalabas ang kanyang mga shipment na ipinapasok sa bansa.
Sa umpisa ng hearing ng Senate blue ribbon na pinangunahan ni Sen. Richard Gordon na s’yang chaiman ng komite, tinanong nito si Taguba kung paano nagsimula at nagkaroon ng impluwensya sa Customs.
Ikinuwento nito na sa pamamagitan ng kanyang ama na dating vice mayor ay ipinakilala s’ya sa nagngangalang Jojo Bacud na hindi naman kilala ng mga opisyal ng BOC na dumalo sa pagdinig.
Ayon kay Taguba nagbibigay s’ya ng limanlibong piso kay Bacud sa bawat container na ipinapasok nito sa Customs.
Mula kay Bacud din nakilala ni Taguba ang Tita Nanny na may koneksyon naman umano sa Davao Group.
Ayon kay Taguba na sina Tita Nany, Jack at Davao Councilor Nilo Abellera alyas “Small” ang bumubuo ng Davao Group.
Inilahad din ni Taguba na nagbigay s’ya ng limang milyong piso kay small para umano kay Davao City Vice Mayor Paolo Duterte nang magkita sila sa Davao bilang enrolment fee.
Maliban pa aniya sa paunang limang milyong pisong ibinigay n’ya kay “Small” at nagbibigay rin s’ya ng sampung libo buwan-buwan kay Jack.
Ngunit nang makalipas ang ilang buwan ay na-alert sa Customs ang mga shipment na ipinapasok ni Taguba kung kaya’t lumipat s’ya ng grupo na muli umanong titiyak na makakapasok ang shipment n’ya na hindi nasisita.
Samantala, hindi naman nakadalo sa pagdinig si “Small” matapos padalhan ng imbitasyon ng Blue Ribbon Committee.
Hiningi naman na ni Sen. Gordon ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) upang hanapin at iharap sa senado sina Tita Nanny, Jack, at Jojo Bacud na mga binanggit ni Taguba sa mga binibigyan n’ya ng tara sa BOC.
Kenneth Dong, itinangging malapit kay Paolo Duterte
Itinanggi ng umano’y middleman sa 6.4 bilyong pisong shabu shipment mula China na malapit siya sa presidential son at Davao City vice mayor Paolo Duterte.
Ayon kay Kenneth Dong, isa sa middleman ni Richard Tan na may-ari ng warehouse kung saan nasabat ang shabu, “acquaintances” lamang sila ng bise alkalde.
Sa pagdinig, nagpakita ng mga litrato si senador Antonio Trillanes IV pero ipinagkibit-balikat lang ito ni Dong at sinabing mahilig siyang magpakuha ng litrato.
Una nang sinabi ng Malacañang na propaganda lamang ang pagpapalabas ng naturang mga litrato.