Ni: Assoc.Prof. Louie C. Montemar
NAGUGULAT ang mga banyagang unang dating pa lamang sa bansa kapag nakikita nila ang mga naglalakihang “malls” sa Kalakhang Maynila. Mas malalaki pa raw kasi ang mga malls natin kum-para sa mga nasa bansa nila, kahit na sa mga mauunlad na bansa. Kapansin-pansin din sa kanila ang bilang ng mga makabagong pamilihan at sentro ng pagliliwaliw na ito—oo, hindi ba’t pamilihan at lugar ng kasiyahan naman sa esensiya ang mga malls?
Sa Kalakhang Maynila (Metro Manila) pa lamang, may mahigit dalawandaang malls o “shopping centers” na. May tinatawag na mga “supermalls” (may hindi bababa sa labing-anim sa Maynila) Sila iyong mayroong higit sa isandaang mga lokal at internasyonal na tindahang pinagsasama-sama at nakaangkla sa hindi bababa sa isang department store at supermarket o hypermarket. Maraming mga kainan at lugar aliwan (entertainment) sa mga ito. Halimbawa nito ang Mall of Asia sa lungsod ng Pasay.
Mayroon pang 22 Lifestyle Malls gaya ng Century City Mall at Circuit Lane sa Makati; 41 Strip Malls gaya ng Harbour Square sa Pasay City at Centris Walk sa Quezon City; 33 Retail Podiums gaya ng Serendra Piazza sa Taguig City at The Podium sa Mandaluyong City; 16 Bargain Malls at open shopping plaza gaya ng Baclaran Supermall sa Parañaque City at Tiendesitas sa Ortigas Center, Pasig City.
Ang SM Prime, ang pinakamalaking mall operator ng bansa, ay may aabot sa 370,000 trabahador. Noong 2015, P35 bilyon, ang ini-ambag na kita ng mga SM malls sa grupo ng SM, ang SM Prime ay may 56 mall sa Pilipinas at anim na shopping malls sa China, sa Ayala Land naman, ang kita mula sa mga shopping center ay umabot sa P13.37 bilyon noong 2015 kung iisipin, malawak na daloy ng kasaysayan at paghubog ng lipunan, ang mga malls ngayon ang sentro ng kalinangan o kultura sa ating mga pangunahing lunsod. Kung dati nariyan ang mga plaza at parke o pasyalan, ngayon nariyan na ang mga malls, pati nga mga misa ay ginaganap na rin sa mga ito.