DALAWAMPUNG ruta ang dinagdag upang mapaganda ang serbisyo ng PITX.
Ni: Jonnalyn Cortez
MARAMI ang natuwa sa pagbubukas ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na itinuturing na kauna-unahang landport sa Pilipinas. Ngunit kasabay ng pagdiriwang ng marami, meron ding mga nagrereklamo sa diumanong mabagal at matagal na serbisyo nito.
Kaya upang solusyunan ang reklamo ng mga commuter, nagdesisyon ang Department of Transportation (DOTr) and Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magtakda ng karagdagang 20 bagong ruta para sa public utility vehicles (PUV) upang maibsan na rin ang lumalalang trapiko.
Ayon sa nakasaad sa Memorandum Circular (MC) No. 2019-005, magkakaroon ang public utility buses (PUB) ng 10 bagong ruta habang ang mga UV Express naman ay madagdagan ng dalawang ruta. Ang Class 2 public utility jeepneys (PUJ) naman ay magkakaroon ng walong bagong ruta.
Mahigit na 600 PUV ang mabibigyan ng bagong prangkisa kasunod ng pagbubukas ng mga bagong ruta.
Ang mga nais mag-apply para rito ay kinakailangang may pondong P10 milyon para sa mga bus, P2.2 milyon para sa mga UV Express van at P2,000 naman para sa mga jeepney na siya namang i-multiply sa kabuuang bilang ng mga sasakyan sa bawat ruta.
Ang mga kasalakuyan o area-based operators naman ay kailangang bigyan ng preference dahil na rin sa kanilang pagsunod sa kanilang mga kwalipikasyon.
MAGIGING mas madali na ang pagbyahe ng mga communter dahil sa PITX.
MGA BAGONG RUTA NG PITX
Sumusunod at nakabase sa direktiba ng DOTr at ng LTFRB ang naturang MC noong isang taon upang magbukas ng mga bagong ruta ang PITX.
Para sa mga PUB, ang 10 mga bagong ruta ay sa Ternate, Alfonso/Mendez, Palapala, Dasmariñas, Silang, Cavite, Tagaytay City, Cavite City, Indang, Manggahan, General Trias, Lancaster New City at Nasugbu sa pamamagitan ng pagdaan sa Ternate.
Para naman sa mga UV Express van o Class 3 PUJ, ang dalawang nadagdag na ruta ay sa Alabang at Tanza.
Ang Class 2 PUJ naman ay may walong nadagdag na ruta sa mga sumusunod na lugar: Bayang Luma, Imus, Alabang, Tanza, Bicutan sa pamamagitan ng pagdaan sa East Service Road, Bicutan sa pamamagitan ng pagdaan sa West Service Road, Sucat sa pamamagitan ng pagdaan sa Sucat Avenue, Blumentritt at Bacoor.
Sinabi ng LTFRB na kinakailangang maisagawa ang pag-improve ng accessibility ng PITX matapos ng napakaraming reklamo na natanggap nito mula sa mga commuters.
HALOS 600 PUV ang mabibigyan ng bagong prangkisa kasunod ng pagbubukas ng 20 bagong ruta ng PITX.
MGA PWEDE SA BAGONG RUTA
Plano ng LTFRB na magbigay lamang ng prangkisa sa mga operators na kayang mag-provide ng mga sasakyan sa sumusunod sa guidelines na itinakda ng PUV modernization program ng gobyerno.
Sa ilalim ng modernization plan, papayagan lang ang mga PUV na may edad na hindi hihigit sa 15 taon, environment-friendly at may mga safety measures. Kinakailangan ding may Euro 4 engines o mas mataas pa ang mga sasakyan.
Ayon naman sa guidelines mula sa DOTr, ibibigay ang prangkisa sa mga bus na may single-deck, dalawang pinto, air-condition, CCTV, dashboard camera, libreng Wi-Fi at automatic fare collection system.
Para naman sa mga UV Express units, ang mga sumusunod lamang sa Omnibus Franchising Guidelines ang mabibigyan ng lisensya upang mag-operate sa mga nasabing bagong lugar.
Kinakailangan namang fit para sa urban travel, kayang magdala ng mahigit 22 pasahero, na pawang lahat ay nakaupo, at pwede rin ang mga nakatayo, ang mga Class 2 na sasakyan na bibiyahe sa mga bagong ruta. Ganito rin ang kinakailangan para sa mga Class 3 na sasakyan, ngunit bawal ang mga nakatayong pasahero dahil na rin sa mas malayo at matagal ang mga dadaanan at byahe nito.
INTERIM SERVICE
Dahil sa hindi naman lahat ng operator ay may kakayanang sundin ang lahat ng nasa ilalim ng PUV modernization program, mayroon ding mga probisyon na nakasaad sa MC 2019-005 para sa isang Interim Service.
Sa ilalim nito, ang mga napiling aplikante ay kinakailangang may 2/3 ng kinakailangang bilang ng sasakyan 15 araw mula mabigay ang Notice of Selection.
May karagdagang pamantayan para sa mga PUB sa ilalim nito, tulad ng hindi dapat mas tatanda pa sa limang taon ang edad ng sasakyan, habang hindi naman dapat hihigit pa sa tatlong taon ang mga UV Express vans.
Ang mapipiling operator ay kinakailangang may 25 porsyento ng kinakailangang bilang ng sasakyan sa loob ng tatlong buwan pagkatapos mabigyan ng Notice of Selection. Kailangan naman ay 50 porsyento na ang bilang ng sasakyan na hawak nito sa loob ng anim na buwan at makumpleto na lahat ang bilang pagkatapos ng siyam na buwan.
Bunga ng masusing pag-aaral ng mga ahensya ng transportasyon ang MC 2019-005 upang solusyunan ang pangangailangan ng mga commuters na gumagamit ng PITX.
Alinsunod din ito sa kagustuhan ng administrasyon na magkaroon ng PUV modernization program upang makapag-provide ng ligtas at maasahang paraan ng transportasyon na hindi lamang nangangalaga sa mga commuters kundi maging sa kapaligiran.
Ang PITX ang kauna-unahang integrated at multi-modal terminal sa southwestern part ng Metro Manila. Nagsisilbi itong transfer point sa pagitan ng mga provincial buses ng Cavite at Batangas, maging ng mga transportasyong in-city mode. Nagsisilbi rin itong interconnectivity sa pagitan ng mga iba’t-ibang paraan at serbisyo ng transportasyon upang siguruhin ang mahusay at tuluy-tuloy na biyahe ng mga commuter.
“As the first integrated and multi-modal terminal in the southwestern part of Metro Manila, the PITX is a landmark project, a landport that feels and functions like an airport,” pagmamalaki ni Pangulong Rodrigo Duterte sa inagurasyon nito.
Nagbukas ang PITX noong Nobyembre 2018. Bukod sa pagiging transportation bay ng mga bus, jeepney at UV Express, meron din itong commercial spaces at office buildings.