HANNAH JANE SANCHO
IPINAGBABAWAL na ngayon ng city government ng Pasay ang paggamit ng vape sa mga pampublikong lugar sa lungsod.
Sa isang pahayag, sinabi ni Pasay Mayor Emi Calixto-Rubiano na ang city ordinance 6061 ay mahigpit na ipatutupad para protektahan ang publiko lalo na ang mga kabataan laban sa masamang epekto ng usok ng sigarilyo at vaping.
Sa ilalim ng ordinansa, bawal ang paggamit ng e-cigarettes sa indoors kabilang ang mga workplace, hospital, healthcare center, government office, educational facilities, at recreational facilities.
Ang mga enclosed areas na bukas naman sa publiko ay papayagan ang paggamit ng vape depende sa diskresyon ng may-ari ng pasilidad.
Ipinagbabawal din sa ordinansa ang pagbebenta ng e-cigarette products sa mga menor de edad.
Sa mga lalabag ay papatawan ng isang libong piso hanggang apat na libong piso o magsasagawa ng 12 hanggang 24 oras na community service.
Matatandaang Enero nang inihayag ng Department of Health na hindi “healthy alternative” ang vape sa tobacco.