Ang exclusive interview kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ni Kingdom of Jesus Christ founder and lead pastor, Apollo C. Quiboloy sa programang “Give Us This Day” sa Sonshine Media Network International (SMNI) Studio sa Davao City. ACE MORANDANTE/PRESIDENTIAL PHOTO
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
MATINDING kalbaryo para sa libo-libong motorista at commuter ang pagbiyahe sa EDSA dahil sa mabigat na daloy ng trapiko dito. Araw-araw, tinitiis ni Juan Dela Cruz ang maipit sa mala-pagong na pag-usad ng mga sasakyan sa isa sa mga pangunahing arterial roads ng Metro Manila.
Sa matinding problema ng trapiko sa bansa, marami ang nawawala sa Pinoy. May mga nawawalan ng pasensya at umiinit ang ulo sa kalye. May nawawalan ng oras na para sana makagawa ng mahalagang bagay. At pagdating sa ekonomiya, malaki din ang nawawala dahil sa heavy traffic.
Ayon sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) araw-araw ay nalulugi ang bansa ng aabot sa P3.5 bilyon dahil sa mabigat na trapiko. At kung walang aksyon na gagawin ang pamahalaan dito, maari itong lumobo pa umano sa P5.4 bilyon na daily loss pagsapit ng 2035.
Ayon sa pag-aaral, mahigit P3 bilyon ang nalulugi sa Pilipinas dulot ng mabigat na trapiko sa Kalakhang Maynila. (Larawan mula sa PNA)
Sa panayam ni Pastor Apollo Quiboloy kay Pangulong Rodrigo Duterte sa programang “Give Us This Day” sa Sonshine Media Network Inc., muling ipinahayag ng Chief Executive ang kanyang determinasyon na lutasin ang sakit sa ulong trapik sa EDSA. Isang pangako na aminado siyang di pa niya natutupad hanggang ngayon.
Matagal nang nais ng Pangulo na pabilisin ang takbo ng mga sasakyan sa EDSA sa pamamagitan ng emergency powers subalit hindi ito naipagkaloob sa kanya ng Kongreso. Kung maibibigay ito kay Duterte, mapapabilis ang procurement process at pagpapatupad ng mga proyekto sa pamamagitan ng direct contracting, repeat order, at direct negotiation.
Inaprubahan ng House of Representatives ang hiling ni Duterte, subalit hindi ito nakapasa sa Senado dahil sa mga pangamba ng kurapsyon.
Sa ekslusibong panayam, muling ipinahayag ng Pangulo ang kanyang kagustuhan na magdulot ng ginhawa sa mga pagbyahe ng mga Pinoy sa EDSA. idineklara nga ni Duterte na, mula sa isang oras, ibababa niya sa limang minuto na lamang ang biyahe mula Quezon City hanggang Makati bago matapos ang taon.
“You just wait. Ayaw ko mag-ano but things will improve maybe God willing, December smooth sailing na. You don’t have to worry about traffic. Cubao and Makati is just about five minutes away,” wika ni Duterte.
Kabilang sa kanyang massive infrastructure program na Build, Build, Build, ang pagtatayo ng mga imprastrakturang lulutas sa problema sa trapiko gaya ng Metro Manila Subway at ang North Luzon Expressway-South Luzon Expressway connector road, na kasalukuyan ang konstruksyon.
TOO GOOD TO BE TRUE?
Subali’t may ilang mga napakunot ang noo at napataas ng kilay sa pahayag ng Pangulo dahil imposible umano ang limang minutong QC to Makati na biyahe sa EDSA, lalo na sa pagsapit ng Christmas Season dahil ito ang peak season ng mga malls at maraming sasakyan sa lansangan.
“If PRRD delivers on just two promises he recently made: (1) to cut travel time from Cubao to Makati to five minutes within six months and; (2) to eliminate flight delays in NAIA within one month, for being superhuman, he deserves to be president for life,” sabi ni Senador Panfilo sa kanyang tweet.
Positibo namang tinanggap ng Malakanyang ang pahayag ng senador. Wika ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, paghanga sa Pangulo ang nais na iparating ni Lacson.
“Ang ibig sabihin, si Senator Lacson, hanga siya kung magagawa ‘yun. Kung magawa ni Presidente ‘yun, gusto niya siya na yung President for life,” wika ni Panelo.
Subali’t nang tanungin ang tagapagsalita ng administrasyon sa detalye kung paano magagawang pabilisin ang takbo ng trapiko sa EDSA, hindi ito nagbigay ng detalye.
“Surprise! He has something up his sleeves,” ani Panelo.
Nguni’t umaasa din ang Malakanyang na pagbibigyan sa 18th Congress ang kahilingan ng Pangulo na emergency powers para malutas na ang trapiko sa Metro Manila sa madaling panahon.
Isusulong ni Senator-elect Francis Tolentino sa 18th Congress ang pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para lutasin ang problema ng mabigat na trapiko sa Metro Manila. (Larawan mula sa PNA)
Ipinahayag naman ni Senator-elect Francis Tolentino na isusulong niya ang pagbibigay ng emergency powers sa pangulo sa Senado gayon din ang pagpapalakas sa mandato ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagtugon sa trapiko sa Kalakhang Maynila.
“Nabanggit ko iyon noong campaign na kung kinakailangang ire-file iyong emergency powers, gagawin po natin ‘yan,” sabi ni Tolentino na dating MMDA chairman at political adviser ng Pangulo.
Siniguro naman ni Transportation Secretary Arthur Tugade na walang mangyayaring katiwalian sa mga transportation projects kung sakali mang tuluyang maisabatas ang emergency powers.
Metro Manila Development Authority Special Operations Group head Bong Nebrija (Larawan mula sa PNA)
MMDA NAKAHANDANG TUGUNAN ANG HAMON
Naniniwala si MMDA Special Operations Group head Bong Nebrija na, bagama’t mahirap, posibleng mangyari ang sinabi ni Duterte na tapyasin ang isang oras na biyahe sa EDSA mula QC hanggang Makati.
Bumuo ang MMDA ang Task Force Cubao-Makati (CubMA), isang inter-agency task force para maisakatuparan ang pangako ng Pangulo.
“Alam niyo naman po lahat ng pronouncement ng Pangulo, it becomes a directive and a mandate not only to MMDA but to all government agencies. “Recently, tinayo na po natin yung Task Force CubMa ahead of the President’s pronouncement,” wika ni Nebrija.
Sa ilalim ng Task Force CubMA, sanib pwersa ang mga ahensya ng pamahalaan gaya ng MMDA, Department of Transportation, Land Transportation Office, PNP-Highway Patrol Group, Inter-Agency Council on Traffic, at Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko mula Cubao hanggang Makati.
Bukod pa dito, magsasagawa din ang Deparment of Public Works and Highways ng engineering interventions para pabilisin ang mga road repairs sa EDSA upang mabawasan ang mga hassle sa kalsada.
Dagdag pa ni Nebrija, ang paglutas sa problema ng trapiko ay maisasakatuparan kung lahat ay magtutulungan at paiiralin ang disiplina sa mga lansangan.
“Everybody should be on board not only the government agencies but also the people as the President has already spoken. Ang disiplina ay napakalaking bagay,” aniya.