Ni: Edmund C. Gallanosa
SA katatapos pa lamang na 42nd Season ng Philippine Basketball Association (PBA) ipinakita ng defending champions Barangay Ginebra San Miguel na kaya nilang idepensa ang kanilang korona sa Governor’s Cup Reinforced Conference. Sa labanang Ginebra San Miguel versus Meralco Bolts, nagtala ng best record attendance ang laban na ito sa kasaysayan ng PBA, sa Game 7 umabot sa 54,086 fans ang tumungo sa Philippine Arena, noong nakaraang Oktubre lamang.
Kung susumahin ang top 10 attendance ng PBA, masasabing 70% dito ay attendance para sa laban sa Ginebra. Kung mayroon mang koponan na may kakayahang pumuno ng isang venue, tulad ng Philippine Arena o Araneta Coliseum, Ginebra ito. Anong mayroon sa Ginebra na wala sa ibang koponan? Bakit tinatangkilik at kinasasabikan ang laban ng koponang ito, kahit na hindi sila ang win ingest team sa PBA?
Sa laki ng fan base ng Ginebra, maaaring kapantay nito ang dami kung pagsasama-samahin ang mga fans ng ibang koponan sa PBA. Patunay lamang na noong nakaraang laban ng Ginebra versus Meralco, halos 80% ng fans na nasa loob ng Philippine Arena ay Ginebra.
Kulelat noon, sikat na ngayon
Ang Ginebra San Miguel na team ay sumali sa PBA noong 1979 bilang expansion team ng La Tondena Inc. Nangungulelat noon ang bagong team, at pinagtatawanan.
“Walang star player ang Ginebra noon. Nagsimula kasi ang team na ‘to as an expansion team—so hindi gano binibigyan ng budget. Walang makuha na star player o mai-draft na superstar noon. Wala silang Alvin Patrimonio, Allan Caidic, at wala rin silang Benjie Paras noon. Noong dumating si Big J at Francis Arnaiz sa Ginebra, nang-iba ang takbo ng pamamalakad. Sabi sa isang pahayag ng late sports broadcaster Pinggoy Pengson. “This team was built by spits, guts and Jaworski Pride.”
Pagtungtong ng 1984, tuluyan nang nag-ibang anyo ang koponan at nakarating sila sa Finals ng All-Filipino Conference sa unang pagkakataon, natalo lamang sila ng malakas na team na Crispa Redmanizers.
Taong 1985 naman, labanang Ginebra at Northern Consolidated Cement (NCC), naghahabol ang Ginebra sa halos lahat ng quarters ng laro. Dehado ang koponan, dalawa ang import ng NCC kontra sa isa ng Ginebra. At sa kasamaang palad, nasiko sa labi si Jaworski ng NCC import na si Jeff Moore, nabiyak ang kaniyang labi kung kaya’t kailangan siyang umalis ng laban at dumiretso agad sa isang ospital. Napipinto ang siguradong pagkatalo ng Ginebra.
Hindi pa man natatapos ang laro ay bumalik agad si Jaworski matapos ang 7-stitches na tahi sa kaniyang labi at naupo sa sidecourt ang playing coach. Ginawa ni Ginebra import Michael Hackett ang lahat ng kaniyang makakaya subalit malakas talaga ang NCC ni Coach Ron Jacobs. Sa huling pitong minuto ng 4thquarter, naghahabol pa rin sa tambak na 15 puntos ang Ginebra, at matatapos na ang laban. Sa ‘di inaasahang pangyayari, bumalik sa loob ng court si Jaworski sa gulat ng buong NCC, tila natutula ang kalaban sa pagkakagising ng team-Ginebra at naungusan nila ang NCC. Nang matapos ang laro, panalo ang Ginebra. “And the never say die team was born.” Ani Pengson.
The NSD Spirit, the game, the fans
May tatlong bagay na taglay ang Ginebra, na maaaring wala sa ibang koponan. Tatlong bagay na ipinagtibay na ng panahon. Ang never-say-die spirit ng koponan, ang istilo ng kanilang laro, at ang mga fans.
“I think it’s the legacy that Coach Sonny Jaworski left behind. And were just trying to continue that. ‘Yung Never say die spirit—perhaps the way we play, whenever we’re down we never give up. Also the fans see that and they like it and enjoy it, and also inspires them not to give up as well.” Sabi ni Ginebra player Jayjay Helterbrand.
Sa mga laro naman natatak na ang laban hanggang sa huli sa Ginebra. Makailang beses na ‘ring nagkaroon ng mga hindi makakalimutang laban ang koponan. Mga buzzer beater games na forever nang tatatak sa damdamin at isipan ng mga fans ng team. Ang huli, ang pagkapanalo ng Ginebra sa Meralco noong 2016, partikular na ang buzzer beater ng import na si Justin Brownlee upang makapo ang Governor’s Cup at maputol na rin ang 8-year title drought ng koponan.
Sabi pa ng current coach Tim Cone, mismo siya ay umamin na namangha sa laki ng fan base ng koponan. “It was truly amazing, I used to be on the other side of the cheers when I was still in Alaska, and then Star-Purefoods but when I transferred to Ginebra, man, the fans were absolutely amazing. I mean, it was so deafening. The cheers, it’s really gonna pumped up anyone who would play for Ginebra. Now I know how it feels,” masayang pahayag ni Coach Tim.
Dagdag pa ng multi-titlist coach, isa sa dahilan kung bakit ganito na lang kamahal ng mga fans ang koponan, ay marahil na rin sa pagtrato nito sa kanilang mga fans. “Well we have seen in the past how Coach Sonny Jaworski handles their fans. He knows they’re nothing without them, so they owe it to them. Every game Jaworksi plays it is dedicated to them. We are just trying to live up to that.” Sabi pa ni Coach Tim.
At nagtuloy-tuloy ang sinimulan ng ‘the Living Legend’ hanggang sa panahon ngayon ng nagdadala ng latest generation ng mga Ginebras-particular na sina Marc Caguioa, Jayjay Helterbrand at Scottie Thompson. “We share the same passion and we badly wanted to win for the fans. We owe it to them.” pahayag naman ni Marc Caguioa.
Bagama’t nakaka-sampu pa lamang na kampeonato ang Ginebra sa loob ng 38 na taon, sigurado namang madaragdagan pa ang mga titulo nito sa pagdating ng mga panahon. Sa dami ba naman ng fans ng team, malabong kapusin sila sa inspirasyon. Laging may magtatangkilik sa kanilang ‘fight till the end, never say die’ spirit ng Ginebra San Miguel.