Ni: Louie C. Montemar
TINATANTIYANG nasa isang milyon o higit pa ang mga Pilipinong may kapansanan. Sila iyong tinaguriang mga persons with disability o PWD na kinakalinga ng batas.
Ayon sa Batas Pambansa o Republic Act (RA) 7277 (kilala bilang Magna Carta for Disabled Persons) “Walang mga taong may kapansanan ang tatanggihan ng access sa mga oportunidad para sa angkop na trabaho, at ang isang kwalipikadong empleyado na may kapansanan ay sasailalim sa parehong mga alituntunin at kondisyon ng trabaho at kaparehong kabayaran, mga pribilehiyo, mga benepisyo, mga insentibo o mga allowance bilang isang kwalipikado at may-kakayahang tao.”
Ang implementing rules and regulation (IRR) o patakaran sa pagpapatupad at regulasyon ng RA 7277 ay nag-uutos sa Deparment of Labor and Employment (DOLE), sa pakikipagtulungan sa mga lokal na yunit ng pamahalaan, mga pribadong korporasyon, at Office of Public Employment Service, na tumulong sa pag-access ng mga PWD sa mga oportunidad sa pagtatrabaho sa pamamagitan ng mga job fairs, career guidance, coaching, at iba pang mga serbisyo hinggil sa pagtatrabaho.
Sinusugan na rin ang RA 7277 ng RA 10524. Tampok sa RA 10524 ang sumusunod na probisyon: “Hindi bababa sa isang porsiyento ng lahat ng mga posisyon sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno, mga tanggapan o mga korporasyon ay dapat italaga para sa mga taong may kapansanan. Ang mga korporasyon na may higit sa 100 empleyado ay hinihimok na maglaan ng hindi bababa sa isang porsiyento ng lahat ng mga posisyon para sa mga taong may kapansanan.”
Dahil dito, may kampanya pa ngang tinatawag na “May 1% Ka Ba?” ang Unilab Foundation at Asia Foundation upang ipaalala na ang mga PWD ay dapat na binibigyan ng pantay na pagkakataon sa trabaho. Layon nito na mas maipaalam sa publiko ang nilalaman ng RA 10524, at hikayatin ang mga ahensya ng gobyerno at mga pribadong kumpanya na magbigay ng trabaho para sa mga PWD. Tinatampok sa kampanya ang dokumentasyon ng mga kwento ng tagumpay ng mga PWD sa kanilang trabaho at ang mga kapasidad ng mga PWD upang mapahusay ang kanilang kakayahan.
May isang milyong may kapansanang kababayan natin. Kung gayon, para matulungan sila, may isang mahalagang tanong ako sa iyo kung ikaw ay namamasukan din lamang: “May 1% ba man lang sa pinapasukan mo?”