Ni Jonnalyn Cortez
DUMARAMI ang mga pet lovers at conscious na ang karamihan sa kahalagahan ng mabuting pag-aalaga ng mga hayop. Sa katunayan parang anak na ang turing nila sa mga alagang aso, pusa, at iba pang alaga.
Kasabay ng pagdami ng pet lovers sa bansa ay ang pag-usbong din ng mga negosyo at pasyalan kung saan pwedeng dalhin ang mga fur baby. Isa rito ay ang bagong bukas na Paw Park, isang pet haven sa Davao City.
Kahit pa nga hindi kilala bilang pet-friendly place ang Davao, merong ilang mga aktibidad dito na pwede kang mag-enjoy at mag relax kasama ang iyong aso o pusa.
Kaya, halina’t tuklasin ang Paw Park kasama ang iyong fur baby.
Matatagpuan ang Paw Park sa loob ng Azuela Cove sa Lanang, Davao City.
Libre ang entrance sa parkeng ito. Yun nga lang, katulad ng iba pang mga parke sa bansa, may rules at regulation na kailangang sundin dito upang mapanatiling malinis at maayos ang parke.
Syempre pa, kailangang linisin ang dumi ng mga hayop at wag iiwan sa parke. Bawal din kumain at manigarilyo rito.
Para naman sa mga alaga, kailangang kumpleto ang bakuna ng aso para makapasok at may edad na apat na buwan pataas.
“Ang mga rules na i-apply is for the benefit ng mga pumupunta dito sa park to maintain health and conditioning sa kanilang dog. Isa dalawa o tatlong dog ang inaadmit dito. This is open to the public,” wika ng manager ng parke na si Quinn Jarabelo.
Ang Paw Park ang kauna-unahang parke para sa mga hayop sa Davao City. Pinamumunuan ito ng Belgian Malinois Davao Inc. (BMDI).
Kwento ni Jarabelo, tinanong sila ng Azuela kung nais nila magkaroon ng Paw Park sa naturang lungsod.
“We immediately said yes since that’s our dream to have one here in Davao like in Tagum City,” paliwanag nito. “We want a place for every pet lover in the city since there is no specific place in Davao where we can bring our pets.”
Inaasahan ni Jarabelo at ng buong grupo na ma-a-appreciate ng mga Dabawenyo ang Paw Park at dalhin ang kanilang mga alagang hayop dito.
Sinisiguro rin nito ang kaligtasan ng kanilang mga alaga sa loob ng parke na napapalibutan ng mga bakod.
Benepisyo ng parke
Ipinagmamalaki ni Jarabello na kumpleto ang kagamitan ng Paw Park na makakatulong sa pag develop ng agility at skills ng isang aso. Nagsasagawa rin umano ng mga seminars ang kanilang grupo para sa mga taong interesadong mapag-aralan ang tamang pag-aalaga ng aso.
Merong din mga obstacle course sa loob ng Paw Park para sa inyong mga alaga.
Ginawa rin ang parke upang ipabatid sa mga taong may alagang mga hayop na ang kanilang mga alaga ay may sariling kaligayan at kinakailangan din ng oras upang mag relax.
“They can now bring their pets here without much restriction. Dog lovers can expect a place where their dogs can play freely without fear,” dagdag pa ni Jarabelo.
Pinaalalahanan din nito na maging responsable ang lahat bilang pet owners at mahalin ang kanilang mga alaga na parang tunay nilang mga anak kesa iwan at ikulong lamang sila sa apat na sulok ng maliit na kulungan.
“Give them love and time for they will also love their owners unconditionally in return,” pagtatapos ni Jarabelo.
Bukas ang 1,000-square-meter na Paw Park mula ala-6 ng umaga hanggang ala-6 ng gabi. Libre ito para sa lahat ng gustong pumunta.