House Deputy Speaker for Finance Lray Villafuerte
KINONTRA ng ilang kongresista ang panukala na ilagay sa Universal Health Care Law ang kikitain mula sa Expanded Motor Vehicles Users Charge (MVUC) tax.
Batay sa house bill 4695 ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Sarte Salceda, 50% ng kita mula sa road user’s tax ang ilalaan sa UHC law habang 50% din sa PUV Modernization Program.
Binigyang diin ni House Deputy Speaker for Finance Lray Villafuerte na may ibang maaring pagkuhanan ng pondo ang pamahalaan para sa Universal Health Care Law katulad ng “off budget” mula sa PAGCOR at savings mula sa ibang ahensya ng pamahalaan.
Bukod dito, malaki na rin aniya ang kinikita ng PhilHealth mula sa mga premium contributions pa lamang.
Ayon naman kay Marikina Rep. Stella Quimbo, nasa P144 billion ang nakolekta na ng PhilHealth sa premium contributions at sapat na niya ito upang pondohan ang hospitalization at primary care ng mga pasiyente na layong tulungan ng Universal Health Care Law.
Aniya, mas mainam na ilagay na lamang ang 50 percent allocation ng MVUC sa road safety.
MJ MONDEJAR