Ni: Jonnalyhn Cortez
MALAKING dagok sa mga Pilipino ang nagdaang kakulangan ng tubig sa ilang parte ng Metro Manila at Rizal. Idagdag mo pa ang dalang matinding init ng El Niño at ang epekto nito sa magsasaka at mga palayan, lalo nang nagkaroon ng mas malaking problema ang bansa.
Bunsod nito, gumawa ang gobyerno ng roadmap upang mabawasan, kung hindi man masolusyunan, ang epekto ng El Niño at siguruhing may tamang supply ng tubig ang bawat lugar sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na kabilang sa roadmap, na iprinisinta sa nakaraang 36th cabinet meeting ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang layuning magtayo ng Department of Water and Department of Disaster Resilience.
“A roadmap was presented, which included immediate, medium, and long-term interventions, such as making an intensive campaign for the conservation of water and energy, creating a Department of Water and a Department of Disaster Resilience,” wika ni Panelo.
Kabilang din sa plano ang paglilinis ng waterways, pagpapalit ng tunnels at aqueducts, paglagay ng water tank systems sa lahat ng ospital sa ilalim ng Department of Health (DoH) at pagbibigay ng pondo sa pagtatatag ng water treatment plants.
KAKULANGAN sa tubig, isa sa mga problemang nais solusyunan ng gobyerno.
Department of Water
Maraming lugar ang biglaang nawalan ng tubig dahil umano sa magulong pamamalakad ng mga opisyal na namamahala sa patubig.
Una nang iminungkahi ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia ang pagtayo ng Department of Water noong Marso, ngunit sinabi ni Panelo na hindi na ito kailangan dahil nasolusyunan na ang problema sa tubig.
Mayroon ding panukalang-batas na nakabinbin sa Senado na naglalayon ng pagtatatag ng nasabing Department of Water, Irrigation, Sewage and Sanitation Resource Management, na ang mandato ay pamahalaan at protektahan ang water resources ng bansa.
Sa kabilang dako, si National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Adoracion Navarro ay iprinisinta ang mungkahing executive order (EO) upang baguhin at palakasin ang National Water Resources Board (NWRB).
“The EO will merge the NWRB and the River Basin Control Office into the National Water Management Council (NWMC),” pahayag ni Panelo. “This will streamline and consolidate planning and regulation of all water and river basins in the country. It will also draft a National Water Management Framework Plan.”
SOCIOECONOMIC Planning Secretary Ernesto Pernia iminungkahi ang pagtatatag ng Department of Water upang solusyunan ang problema sa tubig.
Water Summit
Isinagawa ng pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Norte ang 3rd Water Summit kamakailan upang talakayin ang mga maaaring hakbang na tutulong mabawasan ang matinding epekto ng El Niño, na dinaluhan ng iba’t-ibang sektor mula sa magsasaka hanggang sa mga stakeholders at mga opisyal at representante ng Department of Agriculture (DA), National Irrigation Authority (NIA), at Philippine Rice Research Institute (PhilRice).
Inihayag ni Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) chief meteorological officer ng Laoag City na si Cynthia Iglesias na ang epekto ng El Niño sa lalawigan ay “minimal lamang,” ngunit mayroon ng mga hakbang ang probinsya upang hindi na lumala ito.
“We have at least five measures that are readily implementable to cushion the impact of El Niño: rain harvesting, switching to short-gestation crops that do not require abundant water to grow, such as monggo, watermelon, and pechay, the use of enhanced fertilizers having better water-retention properties, installation of pond liners to serve as reservoirs, and the use of gray water to avoid wastage and maximize water use,” sabi ni Sustainable Development Center (SDC) head Edwin Cariño.
Parehong payo naman ang ibinigay ni Ilocos Norte Water District (INWD) manager John Teodoro at Department of Environment and Natural Resources (DENR) member Vic Dabalos na magtipid ang publiko sa paggamit ng tubig.
PAGLALAGAY ng solar powered irrigation system, isa sa mga nakikitang pansamantalang paraan upang hindi lumala ang epekto ng El Niño sa mga palayan.
Solar-powered irrigation system
Buong pagmamalaking inihayag ni Agriculture Secretary Emmahnuel Piñol ang paglalagay ng DA ng 6,200 solar-powered irrigation systems sa buong bansa bilang pansamantalang solusyon sa epekto ng El Niño sa mga sakahan.
“This is our short-term solution for El Niño, to build a solar-powered irrigation system. The project has a fund of P4 billion. The solar panels will produce the energy needed for the irrigation to be functional. This will be very effective during dry season,” wika ni Piñol.
Una nang sinabi ng dating journalist na ang paggawa ng panukalang-batas na mag-uutos sa lahat ng komunidad na ipatupad ang water conservation at preservation programs tulad ng pagkakaroon ng maliit na water impounding at water catchment basin ay magiging malaking tulong upang solusyunan ang problema sa tubig.
“We will do our best for this bill to be included in the President’s legislative agenda,” pahayag ni Piñol.
Karaniwang 22 na bagyo ang dumaraan sa bansa taon-taon na maaaring mapagkuhanan ng maiimbak na tubig na gagamitin kung kinakailangan.
“The bill, once it is signed into a law will urge the public to conserve and utilize water resources and can be put in good use during dry season,” dagdag ni Piñol.
Ang mga hakbang na ito umano ang dapat gawin ng mga Pilipino upang mapatupad ang sustainable agriculture.
“There will be a time that our resources will not be able to feed the population in the manner we produce food right now and we do not want that to happen,” sabi ni Piñol.
Ekonomiya mananatiling malakas
Mananatiling malakas ang ekonomiya ng Pilipinas sa kabila ng epekto ng El Niño.
Sinabi ni Pernia na kabilang na sa pinababang 6 to 7 percent growth na target para sa taong 2019 ang resulta ng epekto ng El Niño sa ekonomiya.
“The 6 to 7 percent is the more realistic target given the reenactment of the budget and the effects of El Niño,” wika ni Pernia.
Inihayag naman ni NEDA Assistant Secretary Carlos Bernardo O. Abad Santos ang epekto ng El Niño sa gross domestic product growth (GDP) para sa buong taon ay papatak ng 0.2 percentage points lamang.
“When the DBCC revised the target for the 2019, that already presumed the weak El Niño and was included in the calculation. It was already incorporated in the revised target,” paliwanag ni Santos. “However, depending on the response that we have, that might even be less. We are very bullish [on growth]. We are still at 6 to 7 percent.”
Naniniwala ang NEDA na mananatili sa 2 to 4 percent ang inflation rate sa kabila ng banta ng El Niño.
“I think we can be confident that we will stay within the target range of 2 to 4 percent. If there’s some impact, then inflation will still be within the target,” pahayag ni Pernia.
Umabot sa bilyun-bilyong halaga ang pinsala ng El Niño sa agrikultura. Inaasahang hihina ang epekto ng tagtuyot sa mga susunod na buwan, ayon sa PAGASA.