Panukalang batas ni Pacquiao aprubado na ng Senado.
Ni: Jonnalyn Cortez
Inaprubahan na ng Senado sa pangatlo at panghuling pagdinig ang panukala ni Senador Manny Pacquiao na Senate Bill 1306 o ang Philippine Boxing and Combat Sports Commission Act of 2018.
Nais ng nasabing panukala na magtatag ng bagong Philippine Boxing and Combat Sports Commission na siya namang mamamahala sa kaligtasan at kapakanan ng Pilipinong atleta.
Nakakuha ang panukala ng 20 positibong boto sa Senado. Wala naman itong nakuhang negatibo at salungat na boto.
KAPAKIBANGAN NG BAGONG PANUKALA
Pinaliwanag ni Pacquiao na ang kanyang Senate Bill No. 1306 ay para sa kapakinabangan ng mga kapwa niyang atleta.
Bubuo at magpapatupad ito ng isang pambansang polisiya para sa kaunlaran, kaligtasan, at kapakanan ng mga propesyonal na boksingero at manlalabang Pilipino.
Pormal din na kinikilala ng nasabing panukala ang “combat sport” bilang anumang klase ng paligsahan, martial art at iba pang klase ng aktibidad na may kaugnayan sa pagsipa, pakikipaglaban, pagsuntok, paghawak, paghagis at pagtira sa kalaban.
Bukod sa mga lokal na atleta at iba pang mga stakeholder sa larangan ng propesyonal na pagboboksing , iniutos ng Lider ng Minorya ng Senado na si Franklin Drilon ang komisyon na magbigay din tulong ang ipinakilala nitong susog sa mga propesyonal na kasali sa mga paligsahang labanan.
“It is about time that these passionate athletes who bring honor to our country while risking their lives inside the ring be given due attention, proper aid and necessary support,” ani Pacquiao sa kanyang sponsor speech.
PAGBUO NG BAGONG BOXING AND COMBAT SPORTS COMMISSION
Bubuuin ang bagong Philippine Boxing and Combat Sports Commission ng limang miyembro. Isa rito ay ang magiging chairman ng komisyon, samantalang apat naman ang mga kasapi. Sasailalim ito sa administratibong pangangasiwa ng Pangulo.
Kailangang magpalista ang mga propesyonal na boxers at manlalaban sa Social Security System (SSS), National Health Insurance Program-Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth), at ng Home Development Mutual Fund (Pag-Ibig) sa ilalim ng panukalang batas.
Kailangan ding may pisikal at medikal na eksaminasyon ang lahat ng propesyonal na boksingero at mga manlalaban bago sumabak sa isang labanan. Inihain din ni Pacquiao na maglalaan ito ng mga alternatibong programa sa kabuhayan para sa mga retirado at sugatang boksingero at mga manlalaban.
“We are aware that some have met their untimely death due to the lack, if not absence, of safety and emergency medical services while others face retirement without any kind of financial assistance or access to medical care,” ani Pacquiao.
Nakikita ng Senador ang malaking potensyal ng Pilipinas pagdating sa larangan ng boksing at iba pang mga paligsahan. Ginawa naman nitong halimbawa ang tagumpay ng mga kapwa boksingerong sina Pancho Villa, Gabriel “Flash” Elorde, Rolando Navarette, Luisito Espinosa, at Gerry Peñalosa bilang inspirasyon sa mga kabataang nais subukan ang larangan ng boksing.
“How many more of the likes of Nonito Donaire Jr., Donnie Nietes and Brian Viloria are waiting to be given the chance to give pride and honor to our country?” tanong nito.
Bagong Philippine Boxing and Combat Sports Commission bubuuin.
ANG PINAKAMATAGAL NA LABAN NI PACQUIAO
Natagalan naman bago naaprubahan ang Senate Bill 1306 o ang Philippine Boxing and Combat Sports Commission Act of 201 ni Pacquiao.
Sa katunayan, maituturing itong pinakamahabang laban ng Pambansang Kamao.
Isinumite ni Pacquiao ang nasabing batas noon pang Hunyo 30, 2016 sa unang araw ng 17thCongress. Isinangguni naman ito sa kanyang komite sa sports.
Pagkatapos ng anim na buwan, isinumite at sinuportahan ni Pacquiao ang ulat ng komite noong Enero 2017.
Sa kasamaang palad, walang naganap na pagdinig sa loob ng isang taon pagkatapos tuligsain ni Drilon ang panukalang batas.
Sa katunayan, tinuturuan pa ng Lider ng Minorya ang baguhang senador ng mga pangunahing kaalaman ukol sa batas. May mga oras din na hindi masagot ni Pacquiao ang mga tanong nito.
Sinimulan ni Drilon ang pag-uusig ukol sa panukalang batas noong Marso 14, 2017 na nagpatuloy hanggang Mayo 2017. Muli naman itong nagpatuloy nito lamang Agosto 1, 2018. Pagkatapos ng mahigit dalawang taon, pumayag si Drilon na tapusin na ang “interpellation.”
Una ng tinuligsa ni Drilon ang paglalagay ng Senate Bill 1306 sa ilalim ng Opisina ng Presidente. Anito, maaari namang palakasin na lamang ang kasalukuyang Games and Amusements Board (GAB) at huwag ng bumuo ng bagong komisyon.
Pinaliwanag naman ni Pacquiao na may pagkukulang ang GAB sapagkat meron lamang itong 154 na empleyado at may hawak na 22 iba’t-ibang uri ng paligsahan.
Bunsod nito, pinalitan at isinaayos na lamang ni Drilon ang panukalang ginawa ni Pacquiao habang isinasagawa ang indibidwal na susog mula Agosto hanggang Septyembre ngayong taon.