HANNAH JANE SANCHO
NAGHANDA ng espesyal na paparty si Senator Christopher Lawrence ‘Bong’ Go para sa mga batang may sakit na Leukemia sa Philippine Children’s Medical Center sa Quezon City nitong December 18, 2019, katuwang ang Touch of Love na isang nonprofit organization.
Binigyang diin ng Senador sa mga bata kasama ang kanilang pamilya na huwag mawalan ng pagasa.
“Mga bata, wag kayong mawalan ng pag-asa. Nandiyan ang Panginoon, nandiyan ang gobyerno para tumulong sa inyo,” ayon kay Sen Go.
Naghandog ng mga pamasko si Sen Go kung saan nakatanggap ang bawat pamilya ng panghanda sa noche buena at pamasahe sa mga gustong umuwi sa kanilang mga probinsya.
Ipinakilala rin ni Sen Go ang isang batang leukemia patient na si John Paul Culiao na naging malapit sa kaniya magmula nang makilala nito noong nagdiwang ito ng kaniyang kaarawan sa mga cancer patients taong 2018.
Tinulungan ni Sen Go si John Paul sa kaniyang pampaospital mula noon at hanggang ngayon at ipinakilala pa kay Pangulong Duterte.
Binigyang diin ni Senador Go na seryoso itong ipagpatuloy ang paghahatid ng serbisyo lalong lalo na sa mga kababayan nating may sakit.
“Ang kasiyahan ko sa mundong ito ay makapagserbisyo sa inyo at makapag-iwan ng ngiti sa inyong mukha. Ngayong panahon ng Pasko, kalimutan muna natin ang problema. Magkasiyahan muna tayo,” ayon kay Sen Go.
Patuloy din ang ginagawang paliwanag ni Sen Go sa mga kababayan natin na nangangailangan na lumapit lamang sa pinakamalapit na Malasakit Centers para sa kanilang problema sa medical at financial na pangangailangan.
Layunin ng Malasakit Centers na mapadali at maibigay agad ang tulong ng gobyerno sa taumbayan mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Magugunitang nitong unang linggo ng Disyembre nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Malasakit Center Act of 2019, na isa sa priority measure ni Senator Go.