HANNAH JANE SANCHO
KASABAY ng paggunita ng National Consciousness Day for the Elimination of Violence Against Women, nagpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte ng suporta sa kampanya sa pagtatapos ng karahasan laban sa mga kababaihan sa bansa.
Sa mensahe ng pangulo, nanawagan ito ng “greater public awareness’ sa mga isyu na kinakaharap ng sektor ng mga kababaihan para makahanap pa aniya ng ibang mga panukala na magbibigay proteksyon sa mga ito sa anumang uri ng harassment o diskriminasyon.
Kinilala rin nito ang mga ginawang hakbang ng Philippine Commission on Women para mabigyan ng kapangyarihan ang mga kababaihan.
Inilahad din ng presidente sa kanyang mensahe ang mga batas para sa protection at promosyon ng mga karapatan ng mga kababaihan gaya ng Violence Against Women and their Children Act of 2004 at ang Magna Carta of Women.
Matatandaang nito lamang taon nang lagdaan ni Pangulong Duterte ang Bawal Bastos Law.
Nagpapataw ang nasabing batas ng multa at pagkakakulong sa mga iba’t ibang uri ng sexual harassment tulad ng cat-calling, stalking at online sexual harassment.