Ni: Melody Nuñez
SABI ng ilang senador kailangan nang palitan ang lyrics ng national anthem ng bansa dahil sa “defeatist” daw ang huling linya ng kanta kaya nais nila itong palitan ng mas optimistic na tono.
Una itong iminungkahi ni Senate President Vicente Sotto III sa panahong kanilang tinalakay ang pagdagdag ng isang sun ray sa Philippine flag mula sa walo ay gawin itong siyam bilang representasyon sa ating mga kababayang Muslim na kasama ring nakipagdigma laban sa gobyernong Espanya nang sinakop nito ang ating bansa.
Sinabi ni Sotto na defeatist ang linyang, “Aming ligaya na ‘pag may mang-aapi, ang mamatay nang dahil sa ‘yo,” at iminungkahi niyang palitan ang huling linya ng “ang ipaglaban kalayaan mo.”
Ngunit marami ang nagtataka kung bakit kailangang palitan ang liriko ng kanta at ang watawat ng Pilipinas maliban sa hindi pa talaga napapanahon upang talakayin ang naturang isyu dahil sa marami pang malaking suliraning kinakaharap at mas mahalagang isyu sa bansa na dapat matugunan.
Sabi nga ng ibang eksperto sa kasaysayan na ang pagpalit ng liriko ng Philippine national anthem ay may epekto sa kadakilaan ng kasaysayan ng bansa. Kinontra nila ang interpretasyon ni Sotto sa nasabing linya dahil hindi ito tunay na defeatist bagkus ay nangangahulugan lang na ang pag-alay ng buhay para sa bayan ay hindi lamang tanda ng katapangan kundi pinakadakilang pagpapamalas ng pagmamahal sa bayang sinilangan.
Walang magandang maidudulot ang mungkahi ng mga senador dahil hindi naman ito nakapagbibigay tugon sa inflation, pagtaas ng presyo ng bilihin, o maging ang hindi pagkakasundo-sundo nga iba’t ibang paksyon sa buhay pulitikal ng bansa.
Bagkus ay problema pa ito ng lahat ng mga paaralan, mga opisina, ibang institusyon at maging ng pamahalaan dahil kailangan nilang gumastos para palitan ang lumang kanta ng Lupang Hinirang at lumang watawat ng Pilipinas.
Mangangahulugan ito ng paglabas ng panibagong pondo ng pamahalaan upang palitan ang mga watawat ng mga pampublikong paaralan, opisina at mga ahensya kapag ito nga ay maipasa at maipatutupad.
Sana nga ay hindi na muna nila ipagtulakan ang isyung ito dahil mas mahalagang harapin muna nila ang hinaing ng mga tao na dapat tutukan ng gobyerno ang kahirapan ng mga mamamayan, mga walang trabaho, pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, inflation, ang aftermath ng bagyong Ompong at marami pang ibang suliranin.