YNA MORTEL
PUMALO na sa mahigit 200 indibidwal ang nahuli ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa dahil sa paglabag sa vape ban sa mga pampublikong lugar.
Sinabi ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac na kabuuang 243 ang nadakip simula Nobyembre 19 hanggang Nobyembre 24.
Pinakamarami aniyang nahuli ang mga otoridad sa Central Visayas na umabot sa 195 katao.
Sinabi ni Banac na pinakawalan din ang mga dinakip matapos i-blotter sa mga himpilan ng pulis.
Nakakumpiska rin aniya ang PNP ng 318 na vape devices at 666 na vape juice products.
Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabawal ng paggamit ng vape o e-cigarette sa public places dahil sa umano’y masamang epekto nito sa kalusugan.