ADMAR VILANDO
HIHINGI ng tulong ang Philippine National Police sa Armed Forces of the Philippines para sa pagtunton sa 80 pugante ng Maguindanao Massacre.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac, mapapabilis ang paghuli sa mga pugante kung makakatulong nila ang AFP.
Maliban sa AFP, hihingi rin ng tulong ang PNP sa iba pang ahensya ng gobyerno at law enforcement agencies.
Sa ngayon, halos walang impormasyon na nakukuha ang PNP sa pinagtataguan ng mga pugante.
Posible umanong may nagkakanlo sa mga suspek o nakapagpalit na ang mga ito ng identity.
Nilinaw naman ni Banac na bagama’t ikinukonsiderang armado at mapanganib ang mga pugante ay walang shoot-to-kill order laban sa mga ito.
Samantala, maari nang bumalik sa serbisyo ang 17 sa 36 na pulis na naabswelto sa Maguindanao Massacre.
Pero walang makukuhang back pay dahil sa “no work, no pay” policy ng PNP.
Sasailalim naman sa retraining ang mga pulis bago tuluyang makabalik sa serbisyo.