NI: JANNETTE AFRICANO
Pinangunahan ni Sen. Grace Poe ang chairman ng Senate committee on public services ang pagdinig ng senado sa isyu sa pagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board at ng Uber at Grab kaugnay sa pagpapatigil ng pagkakaloob ng provisional authority o permit para makapasada ang mga ito sa buong bansa.
Maliban sa mga senador, dumalo sa pagdinig sina Atty. Aileen Lizada ang Board member ng LTFRB , Brian Cu Country Head ng Grab, Atty. Yves Gonzales ang head ng public policy ng Uber sa bansa, Philippine National Taxi Operators Association President Bong Suntay at mga kinatawan ng mananakay at driver.
Ipinunto ni Atty. Lizada sa kanyang unang pananalita sa pagdinig na ang LTFRB ay hindi salungat sa operasyon ng Uber at Grab ngunit nais lamang na magkaroon ng regulasyon at accountability ang mga ito gaya ng ipinatutupad ng ahensya sa mga ibang pampublikong sasakayan.
Dagdag pa ni Atty. Lizada na nais lamang ng LTFRB na mag-comply ang mga ito sa terms and condition sa 2015 na isinumite.
Ayon naman kay Atty. Gonzales, handa naman silang sumunod sa mga patakarang ipatutupad ng LTFRB basta magkaroon lang ng mga malinaw at maayos na sistema sa pagbibigay ng permit sa mga aplikasyon na hanggang ngayon ay nakabinbin.
Umalma naman si Suntay bilang kinatawan ng mga taxi driver at operator na naapektuhan ang kanilang kita dahil sa pagdami ng Uber at Grab.
Ayon kay Suntay nakabase sila sa taxi meter sa paniningil ng pamahase na matagal nang panahon nang mareview ng LTFRB ang flag down rate sa mga taxi, samanatalang ang Uber at Grab ay may sinusunod lamang na algorithym at dynamic pricing para sa pamasahe.
Aminado naman ang mga senador namalaki ang maitutulong ng Uber at Grab upang maibsan ang traffic at mapunan ang kakulangan ng pamahalaan na mabigyan ng mabuting serbisyo ng public transport ang mga mananakay.
Ayon kay Sen. Poe na s’yang nanguna sa pagdinig, kailangan lang ay agad nang desisyunan ng LTFRB sa Oktubre kung ilan ba ang mabibigyan ng permit na makapamasada mula sa Uber at Grab.
Sa huli tinyak naman ni Sen. Poe babalangkas sila ng batas sa pamamagitan ng isinagawang pagdinig na magbibigay ng patas na pagtrato sa transport sector.