Sinabi ni Philippine Olympic Committee (POC) President Ricky Vargas, na makukuha ng Pilipinas ang target na 120 gold medals sa gaganaping 30th Southeast Asian Games.
Ang pahayag ay ginawa ni Vargas sa harap ng mga kinatawan ng national sports associations (NSA) na dumalo sa pulong kamakailan na pinangunahan ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman at 2019 SEA Games chef de mission William Ramirez.
Ayon kay Vargas, hindi raw malayo na makuha ng Pinas ang kanilang target lalo na kung magkakaisa ang mga sports officials sa iisang layunin.
Nanawagan ng pagkakaisa ang POC chief kasunod ng kontrobersya kung saan natanggal sa mga posisyon sina dating POC president Jose ‘Peping’ Cojuangco at ilan nitong mga kaalyado.
Bukod dito, binabalak din ni Vargas ang pagpapatupad ng isang incentive scheme upang mas lalo pang i-motivate ang mga atleta ng bansa para sa multi-sport event.