Ni: Dennis Blanco
ISANG taon na naman ang lumipas at isang bagong taon na naman ng pagsubok at hamon ang haharapin ng sambayanang Pilipino. Subalit ano mang pagsubok ang dumating, bagyo, baha, lindol, pagputok ng bulkan at iba pang kalamidad ay kayang kayang lampasan ng mga Pilipino basta’t magkakasama at nagkakaisa ang lahat. At, isa sa pangunahing boluntaryong samahan na tumutulong sa mga nasasalanta ng mga kalamidad ay ang Philippine Red Cross (PRC) at Philippine Red Crescent (PRCr).
Maaring mas kilala ng nakararami ang Philippine Red Cross dahil bago siya yumao, ang batikang aktres at civic leader na si Rosa Rosal and naging “driving force and face ng Red Cross.” Sa halos lahat ng sakuna o kalamidad naroon si Ms. Rosa Rosal at ang Red Cross. At kahit walang sakuna, naroon siya na pinangungunahan ang “bloodletting” sa mga sundalo at sa mga orinaryong mamamayan.
Nakilala rin siya bilang host ng long-running public service program noon, ang Kapwa Ko Mahal Ko. Naging tagapangulo rin siya ng Red Cross bago ang kasalukuyang namumuno rito na si Senador Richard Gordon.
Ang Red Crescent naman ay mas kilala sa mga pamayanan ng mga kababayan nating Muslim at sa lahat ng mga bansang may malaking populasyon na Muslim. Ngunit ang mahalaga ay ang pagkakakilanlan na ang PRC at PRCr ay hindi binubuo lamang ng mga indibidwal subalit ang mga ito ay pandaigdigang institusyon na nakaugnay sa mga pinakamalawak na humanitarian organizations sa buong mundo — ang International Committee of the Red Cross (ICRC) at ang International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies (IFRC). Ang mga ito ay buong tapang na naglilingkod sa sangkatauhan na walang diskriminasyon batay sa nasyonalidad, lahi, relihiyon, estado sa buhay at ideolohiyang politikal.
Ito ay lubusang pagkakaisa at pagsasanib puwersa ng iba’t ibang tao sa mundo mula sa iba’t ibang bansa na handang paglingkuran ang lahat ng may pagmamahal sa sangkatauhan, pagkapantay-pantay, katarungan, kalayaan, pagkakakaisa at bukas-loob na paglilingkod sa may taong naiipit sa digmaan o nakakaranas ng mga sakuna tulad ng lindol, bagyo, pagputok ng bulkan, malaking baha at persekusyong pampolitikal.
Batay sa website ng International Committee of the Red Cross na icrc.org, ang International Red Cross at Red Crescent Movement ay binubuo ng pandaigdigang humanitarian network ng 80 milyon at 191 National Red Cross at Red Crescent Societies.
Sa Pilipinas mas kilala ang Red Cross sa mga serbisyo nitong may kinalaman sa blood donation, disaster management seminars and trainings, safety health and social services.
Halimbawa, sa aspeto ng blood donation, ang PRC at ang mga Department of Health accredited hospitals lamang ang itinuturing na accredited blood banks sa bansa. Kaya’t napakahalaga ng serbisyong ito ng Red Cross dahil sa bawat onsa ng dugo na inaaalay ng isang indibidwal, ang katumbas ay kaligtasan ng marami. Bukod pa rito ang pagsasagawa ng mga seminar at mga pagsasanay hinggil sa first aid, basic life support, at emergency preparedness drills.
Sadyang lubos na makabuluhan ang mga serbisyo ng Red Cross At Red Crescent sa mga mahihirap nating kababayan, kaya’t kung minsang sumakay ka sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) at mapnsin mo ang isang Red Cross o Red Crescent volunteer na nakangiting hinihikayat kang maghulog ng donasyon sa anumang halaga sa isang lata, huwag ka nang mag-atubili pa, dahil malaking tulong ito upang ang misyon at bisyon ng Red Cross at Red Crescent na tulungan ang mga nangangailangan nating kababayan ay maisakatuparan. Huwag ka nang manghinayang, dahil sa bawat pisong inaaalay mo, ay buhay ang sadya mong maililigtas.