Iminungkahi ng Philippine Veterans Investment Development Corporation (PHIVIDEC) na palakasin pa ang computer system ng Bureau Of Customs (BOC) upang agad na maharang ang anumang kontrabando na itatangkang maipasok sa mga daungan ng Pilipinas.
Ayon kay PHIVIDEC Administrator Atty. Franklin Quijano, sa pamamagitan ng computer system ay malalaman agad ang mga isinasakay na imported goods sa mga barko.
Napapanahon na rin aniya na palakasin pa ng Pilipinas ang mga batas na magbabawal sa mga imported waste na makapasok sa mga daungan lalo pa’t paborito umano ng mas mauunlad na mga bansa ang third world o developing countries na tambakan ng kanilang mga basura.
Sinabi ni Quijano na ang tanging maitutulong lamang ng PHIVIDEC sa BOC ay kung mas maaga silang makakuha ng intelligence information kaugnay sa papasok na mga kontrabando na dadaong sa PHIVIDEC ay agad nila ito ipagbigay-alam.
Ang PHIVIDEC ay isang industrial estate na mayroong kabuuang 3,000 ektarya na lawak ng lupain sa Misamis Oriental kung saan nakabase ang BOC upang mapadali ang pagharang ng anumang mga kontrabando na dadaan sa MCT na mula pa sa ibang mga bansa.