Pinas News
May panukala tayo sa ating pamahalaan. Kung talagang naniniwala tayong may ma-tinding pagsuporta sa atin ang mamamayan gaya ng sinasabi ng mga sarbey at tama ang ating ginagawa sa “Build, Build, Build,” bakit kailangang muling imbentuhin ang gulong sa ngayon? May linyang Ingles nga na nagsasabi “Let us not reinvent the wheel.”
Malinaw at malakas ang pagdadahilan ng mga nagtutulak sa pagbabago ng Konstitusyon—kailangan daw natin ito higit sa lahat upang palakasin at paunlarin ang mga lugar na naiwan na ng kalakhang Maynila sa paglago ng ekonomiya. Subalit ang mga kritiko ng pamahalaan ay malinaw din ang mensahe—baka naman tinutulak ang adyendang ito upang mapalawig pa ang termino ng Pangulo, palakasin lamang ang mga tiwaling pamilya na may hawak sa mga probinsiya at kanayunan, at padulasin pa ang labis na pagpapapasok sa mga dayuhang interes sa ating ekonomiya.
Tama namang bansot pa rin ang ekonomiya ng mga pamayanang nasa labas ng lungsod, lalo na sa Visayas at Mindanao, subalit ang pagbabago ba sa batas ang tamang tugon dito? Mahina ang mga lokal na pamahalaan sa kanayunan ngunit bagong pambansang batas ba ang magpapalakas sa kanila?
Sa pambansang antas, lumulubog ang ranggo ng bansa sa pandaigdigang kompetisyon, hindi natamo ang target noong 2017 sa paglikha ng mga trabaho, mabagal pa rin talaga ang pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura habang umaaray ang taumbayan sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Hindi ba talaga makasasapat ang kasalukuyang Konstitusyon sa pagtugon sa mga bagay na ito lalo na kung may Local Government Code naman na nagbibigay ng oportunidad at mandato sa mga lokal na lider upang maging malikhain sa kanilang pamamahala at paglilinang sa kanilang lokal na ekonomiya?
Baka naman, sa pansamantala, mas mainam na lakihan na lamang ng pambansang liderato ang badyet ng mga lokal ng gobyerno. Isipin na lamang natin na ayon mismo sa PIDS o Philippine Institute for Development Studies (isang government think tank), kakailanganin ng pamahalaan ng mula 44 hanggang 72 bil-yong piso upang pondohan ang transisyon patungong Pederalismo kung sakaling mabago ang saligang batas para dito.
Palakasin na muna natin ang ating ekonomiya sa pambansang antas nang maharap ang kagyat na alalahanin ng mga karaniwang mamamayan, itulak ang “Build, Build, Build,” sanayin pa ang mga lokal na pinuno sa pangangasiwa at ipagpaliban sa huling dalawang taon ng Pangulo ang usapin sa pagbabago ng Konstitusyon kung kalian maaaring mas may pondo na tayo at posibleng mas susuporta na ang mamamayan.