Isinusulong ni Senador Manny Pacquiao na gawing mandatory uli ang ROTC sa mga estudyante upang maturuan ang mga ito ng disiplina, paggalang sa awtoridad, at pagmamahal sa bayan.
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
MAUGONG ngayon ang panukalang muling gagawing mandatory para sa mga estudyante ang sumailalim sa Reserved Officers Training Course (ROTC). At mismong si Pangulong Rodrigo R. Duterte ang nangunguna sa panawagang ibalik ang programa na malaki umano ang magagawa upang madala sa tamang landas ang mga kabataan.
Noong nakaraang taon hinimok niya ang Kongreso na magpasa ng batas na gagawing requirement ang ROTC training para sa grade 11 at 12 upang maitanim sa mga kabataan ang patriotism o pagmamahal sa bayan.
Nagbanta pa ang Pangulo na kung hindi ito aaksyunan ng Kongreso, mapipilitan siyang maisakatuparan ito sa pamamagitan ng Executive Order.
“‘Pag madala ng EO siguro, Executive Order baka mapilitan ako if they do not act on it. I said that this is a constitutional requirement that you must prepare to defend your country,” wika ni Duterte.
Nakikita kasi ng Pangulo ang pangangailangan nitong ROTC program dahil sa patuloy na banta ng iba’t-ibang terrorist groups. Lalo pa’t malaki ang naitulong ng mga 524 military reservist upang masupil ng pwersa ng pamahalaan ang teroristang Maute Group sa naganap na Marawi Siege noong 2017.
KONGRESO UMAKSYON
Inaksyunan naman ng Kongreso ang panawagan ng Pangulo at kamakailan ay naipasa sa ikatlo at huling pagbasa sa House of Representatives ang ROTC bill sa botong 167-4-0.
Sa ilalim ng panukalang batas na ito, ang ROTC program ay magiging requirement para sa mga estudyante sa Grades 11 at 12 sa lahat ng pampubliko at pribadong senior high school sa buong bansa.
Subalit exempted sa ROTC ang mga estudyanteng physically or psychologically unfit; mga sumailalim na sa parehong military training; yung mga varsity players ng paaralan; at yung mga maaring i-exempt sa ibang rason na aprubado ng Department of National Defense, ayon sa rekomendasyon ng paaralan.
Mahigpit din ipinagbabawal sa paggamit ng ROTC training para sa political objectives at sa pagtuturo ng political ideology sa mga estudyante. Bawal din ang hazing o anomang uri ng physical at mental abuse.
Kabilang sa mga nagsusulong na ibalik ang ROTC program si Senador Manny Pacquiao, na naniniwalang napapanahon ito dahil nagkukulang na umano sa disiplina ang mga kabataang Pinoy ngayon.
“The youth of today lacks basic discipline due to the lack of exposure to military training. Let us remember that a disciplined youth produces a good society. Iba ang disiplina na hatid ng ROTC,” sabi ni Pacquiao.
Siya ang may akda ng Senate Bill 189 na naglalayong maibalik ang mandatory military training sa Grade 11 at Grade 12 para maihanda ang mga kabataan sa pagtugon sa national defense at natural disasters.
“Hindi natin pwedeng pabayaan ang ating mga kababayan sa panahon ng mga sakuna. Kailangan natin ng reservists upang tumulong sa relief and rescue assistance sa gitna ng mga nagbabadyang sakuna sa loob at labas ng ating bansa. Mas mabuti na yung lagi tayong handa,” ani Pacquiao.
“Our government should not compromise the security of our land and the welfare of our people. Let us remember that reinstating the ROTC is consistent with the constitutional mandate that the government may call upon the people to defend the state,” dagdag ng world boxing champ-turned-lawmaker.
Ganito rin ang pananaw ng chairman ng Senate subpanel na si Senador Sherwin Gatchalian, na naghain ng Senate Bill 200 na naglalayong mare-institutionalize ang mandatory military at civic ROTC sa lahat ng colleges, universities, at vocational schools sa bansa.
“Hopefully with the proper training, with the right program, this strong sense of discipline and strong sense of purpose, will translate to a highly skilled society that can respond when the nation calls us,” wika ni Gatchalian.
Nasa kamay na ng Senado ang pag-apruba ng batas sa pagbabalik ng mandatory ROTC. Ngayong marami ang mga senador na supporters ni Pangulong Duterte, hindi malayong matupad ang kaniyang panawagan.
PANG-AABUSO, DI NA UUBRA
Taong 1912 nagpasimula ang ROTC program sa college students sa Pilipinas. Subalit noong 2002, tinanggal ito ng noo’y pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at pinalitan ng National Service Training Program (NSTP law). Binigyang diin nito ang option ang mga estudyante kung alin sa tatlong components ng NSTP ang gusto nilang kunin, kung saan kabilang ang ROTC, na naging voluntary din.
Sa ilalim ng ROTC program, sasailalim ang mga estudyante sa military training upang maihanda sila sa emergency situations at para maging reservists at potential commissioned officers ng Armed Forces of the Philippines.
Ang pagtanggal sa mandatory ROTC ay bunsod ng maigting na panawagan na buwagin ang programa dahil sa pagkamatay ng ilang kadete dahil sa hazing. Kabilang sa mga biktima ang estudyante ng University of Santo Tomas na si Mark Welson Chua, na natagpuan ang bangkay na lumulutang sa ilog Pasig matapos niyang i-expose ang mga anomalya sa kanyang ROTC unit.
Sa paglipas ng halos dalawang dekada, umusbong ang panawagan na buhayin ang mandatory ROTC sa mga eskwelahan. Kung tatanungin si Education Secretary Leonor Briones, dapat lang na muling gawing requirement para sa graduation ang ROTC dahil kailangan umanong palakasin pa ang pwersang magtatanggol sa bansa sa oras ng panganib. Kaya naman naghahanda na ang kanyang kagawaran sa pagbalangkas ng mga provisions para sa maayos at ligtas na pagpapatupad ng military training sa mga eskwelahan.
“I think we need ROTC now so that we have a source of defense. We cannot be relying on other countries to defend us. We have to rely on ourselves,” wika ni Briones.
Para di na maulit pa ang mga pag-abuso, ipinanukala ng Department of Education (DepEd) na bumuo ng isang ROTC Instructors Academy na magtatakda sa mga instuctors mula sa DepEd, Department of National Defense (DND), at Armed Forces of the Philippines na sumailalim sa capacity-building training para protektahan ang mga estudyante laban sa korapsyon at hazing.
“DepEd has proposed and an ROTC Instructors Academy is already incorporated in the Senate version where all those who will be teaching ROTC, whether coming from the AFP or DepEd, or from DND, they will undergo capacity-building training so that all the necessary laws, policies, guidelines and approaches will be given to them,” wika ni DepEd Undersecretary Alain Pascua.
Kasama rin sa plano ang pagtatatag ng grievance committees mula district level hanggang national level. Ang mga ito ay may kapangyarihang mag-imbestiga at umusig laban sa mga reklamo ng pang-aabuso sa ROTC.
Magkakaroon ng Joint Congressional Oversight Committee kung saan magre-report ang DepEd at DND patungkol sa programa sa loob ng two-year pilot ROTC implementation sa mahigit kumulang 100 na pampubliko at pribadong paaralan sa bansa.