HALOS pitumpong taon ang lumipas makaraang gawing kapaki-pakinabang ng mga mapamaraang Pilipino ang military jeep ng Amerika noong panahon ng pananakop bilang ang pampasaherong Pinoy jeepney sa bansa, nananatili ang presensiya nito sa buong kapuluan.
Maaaring asahan na higit nang mamamayagpag ang mga modernong bus at tren sa malalaking siyudad tulad ng Metro Manila sa panahon ngayon ngunit patuloy na naghahari sa mga kalsada ang mga jeepney, na nagkataon namang malaki ang naiaambag sa problema sa pagsisikip ng trapiko.
Ang mga pagpupursiging igarahe na sa pagreretiro ang mga jeepney bilang pampasaherong sasakyan sa lunsod ay tinumbasan ng mga organisadong pagtutol mula sa mga tsuper ng jeep at kanilang kinaaanibang mga grupo, na tiyak na mawawalan ng kaisa-isa nilang pinagkakakitaan.
Sa bawat isang jeepney sa bansa, may dalawa hanggang tatlong tsuper na nagrerelyebo sa pamamasada partikular na sa mga ruta upang buhayin ang kani-kanilang pamilya. Dahil dito, ang pagreretiro sa mga jeepney ay magdudulot nang napakalaking problema sa trabaho.
Ito ang dahilan kaya tinawag ito ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III na isang ‘politically challenging problem.’ Maaaring sabihing ang jeepney ay isang ‘inefficient dinosaur’ na dapat nang magbigay-daan sa mga mas modernong sasakyan na may mas malinis, mas hindi nakaaapekto sa kalusugan, mas ligtas at mas tipid sa gasolinang makina. Ngunit hanggang hindi napabubuti ang programa ng gobyerno sa trabaho, mananatili sa pamamasada ang mga jeepney.