Ni: Jun Samson
SISIMULAN na daw ng Philippine Judges Association (PJA) ang pagbalangkas ng draft resolution para sa pagpasa ng batas na magbubuo ng Philippine Marshall.
Nilinaw pa ng PJA na kapag nabuo na nila ang draft ay isusumite na ito sa Kongreso para maging ganap na batas.
Ipinaliwanag ni PJA president Felix Reyes na napapanahon na para magkaroon sa Pilipinas ng pwersa na tulad ng US Marshall na nagbibigay ng seguridad sa mga justices ng Korte Suprema, Court of Appeals, mga hukom ng mababang hukuman at lahat ng opisyal ng judiciary sa bansa.
Nakakabahala na raw kasi ang magkakasunod na pagpatay sa mga Regional Trial Court judges sa Pilipinas. Katunayan base sa kanilang datos, sa nakalipas na 10 taon ay nasa 30 na ang bilang ng napatay sa kanilang hanay.
Pinakahuling insidente ng pagpatay sa isang hukom ay ang pag-ambush kay Ozamis Regional Trial Court Executive Judge Edmundo Pintac na humawak sa illegal drug cases ng pamilya Parojinog.
Maganda ang plano at layunin, pero saan naman kaya kukuhanin ang pondo para dito? Sana’y maipasa ang batas na magbibigyang daan sa pagbuo ng Philippine Marshall lalo sa panahong lubos na kailangan ito upang mabigyan ng proteksyon ang mga opisyal ng hudikatura.