EYESHA ENDAR
LIBRE na ngayon ang pagtawag sa Emergency 911 Hotline ng pamahalaan para sa mga subscriber ng PLDT, Smart, Talk ‘n Text at Sun.
Sa isang pahayag, hinimok ni DILG Secretary Eduardo Año ang publiko na huwag magdalawang-isip na i-dial ang 911 sa panahon ng emergency.
Ayon kay Año, hindi nila hahayaang ang kawalan ng load ay maging hadlang sa pagliligtas ng buhay dahil bawat segundo aniya ay mahalaga sa panahon ng emergency.
Gayunman, nagbigay babala ang kalihim sa mga prank at fraudulent caller ng hotline na maaari silang maparusahan sa ilalim ng batas.
Aniya, ang pagpa-prank call ay maaaring parusahan sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727 at ang mga mapatutunayang lumabag dito ay maaaring makulong ng hindi hihigit sa limang taon o mapagmulta ng higit sa P40,000, depende sa desisyon ng korte.
Batay sa datos mula sa DILG, halos 3,500 na emergency calls ang natatanggap ng hotline sa loob ng isang buwan at humigit-kumulang sa 100 legitimate na tawag sa loob ng isang araw.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang DILG sa PLDT at iba pang mobile network companies sa pagsunod sa isinasaad ng Executive Order No. 56 na “ang Emergency 911 Commission ang siyang titiyak na lahat ng tawag sa Emergency 911 Hotline ay libre at walang kaukulang bayad o iba pang singilin.”
Umaasa naman ang DILG na mahikayat din ang iba pang mga telecommunications company na tumugon sa nasabing executive order.