HANDANG dumanas ng hirap, sakit at kahihiyan ang marami sa ating mga kabataan sa pamamagitan ng hazing sa pag-asang ito ang magiging susi para sa isang magandang samahan, kapatiran ng fraternity, sorority at iba pang organisasyon.
Tradisyon na maituturing sa marami sa mga samahan dito man sa Pilipinas at ibang bansa na bago pa mapabilang ang isang neophyte o bagong miyembro ay kailangan dumaan muna sa hazing rites upang patunayan na karapat dapat ito.
Handa silang sumailalim sa ritual ng hazing lalo na kung ang kapalit nito ay ang pagiging miyembro sa isang organisasyon, institusyon, fraternity at iba pang samahan na makapagbibigay ng magandang kinabukasan at koneksiyon sa kanila sa hinaharap.
Kabilang na sa hazing ritual ang pisikal at psychological abuse.
Halimbawa dito ang paggamit ng paddle para paluin sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang isang neophyte na minsan ay nauuwi na sa torture.
May pagkakataon pa na nauuwi sa sexual abuse, nudity at iba pang paraan ng nakapagpababa ng dangal ng pagkatao dahil naniniwala ang mga samahan na ang hazing ay isang paraan upang mapalakas ang samahan ng grupo dahil sa mga hirap na pinagdaraanan ng mga miyembro bago ito opisyal na mabapilang sa samahan.
Madali mang maghilum ang mga sugat mula sa hazing, ang psychological effects nito pagkatapos ng mga hirap na naranasan ay dala-dala ng indibidwal buong buhay nito aminin man nila o hindi.
Sa nakalipas na taon mas tumitindi ang mga paraan ng paghihirap sa hazing.
Gaya nga ng isang opisyal ng pamahalaan na nainterview noon sa telebisyon na noong panahon niya kapag sila na ang magsasagawa ng hazing ay mas lalo nilang pahihirapan ang mga baguhan para makabawi sa mga paghihirap na naranasan nila.
Pero kung nauuwi na sa aksidente at kamatayan ang mga hazing rituals, bakit kailangan pa itong ipagpatuloy gayong malinaw na walang kabuluhan ang ginagawang pasakit dito dahil hindi naman ito sukatan ng tunay na kapatiran sa samahan.
Napaulat din na isa sa dahilan kung bakit mas lumalala ang mga ginagawa sa hazing dahil sa gumagamit ang iba dito ng alcohol at ipinagbabawal na droga.
Dalawang taon na ang nakalilipas nang mapaulat ang walang katuturang kamatayan ng 22 taong gulang na law student na si Horacio “Atio” Castillo III dahil sa hazing.
Dahil sa nangyari kay Castillo nagsagawa ng congressional hearing na nauwi sa pagpasa sa Republic Act 11053 o the Anti-Hazing Act of 2018 para amyendahan ang Republic Act 8049 na nagsasaad ng mas mabigat na kaparusahan sa mga nasasangkot sa pagpatay dahil sa hazing.
Inakala ng maramai sa atin na si Castillo na ang huling buhay na masasayang nang dahil sa walang kwentang rites of passage ng mga samahan pero muling nabuhay ang usapin ng hazing dahil sa panibagong insidente.
Nangyari ang pinakabagong insidente ng pagkamatay dahil sa hazing sa loob ng Philippine Military Academy.
Nasawi si Fourth-Class Cadet Darwin Dormitorio dahil sa matinding pagdurugo ng kaniyang internal organ dulot ng hazing.
Tatlong kadete ng PMA ang itinuturing na person of interest na posibleng kasuhan ng C at iba pang patong-patong na kaso.
Posible ring kasuhan ng administrative case ang iba pang kadete na may kinalaman sa hazing at paalisin sa PMA.
Ilan pa bang buhay ng mga kabataan ang masasayang ng dahil sa walang kwentang hazing?
Ano ba ang magandang magiging resulta nito?
Maghuhubog ba ito ng magandang karakter ng isang tao o magiging daan lamang upang maging halang ang kaluluwa ng mga nakakalagpas dito sa pag-asang darating ang panahon na makakabawi sila sa mga susunod na mga baguhang sila naman ang magpapahirap?
Ang mga institusyon gaya ng PMA ay siyang humuhubog ng mga future leaders ng bansa na magtatanggol sa kapakanan ng bayan at hindi mga kriminal at mamamatay tao.
Naway si Dormitorio na ang huling biktima ng hazing at managot ang mga nasa likod ng kaniyang pagkamatay.
HANNAH JANE SANCHO