By: Wally Peralta
MALAKI ang pasasalamat ng host/actress/dancer na si Regine Tolentino sa PMPC Star Awards for Music ngayong taon sa pagkilala sa kanyang Moving to the Music bilang best dance album sa unang paglahok nito sa Star Awards. At dahil dito ay mas lalong na-inspire ang dance-fitness diva na gumawa pa ulit ng panibagong album early next year.
Marami rin ang nakakapuna na bukod sa kanyang dancing career, abala rin Regine sa kanyang mga show bilang dancer at zumba instructor at nagiging peg nito ang international singer na si Jennifer Lopez. Mula sa mga kilos, ayos at pananamit ni JLo ay halos di na sila nagkakalayo ni Regine. Di rin pwedeng isnabin ang kagandahan at kaseksihan ni Regine kumpara kay JLo.
“Wow, she’s my super, super idol. Halos lahat ng kanyang mga gamit, sapatos at damit, maging mga accessories niya ay ginagaya ko dapat mayroon din ako… ha ha ha,” pambungad ni Regine.
May insidente pa nga raw na dahil sa sobrang pag-iidolo at panggagaya sa kanyang idol na si JLo ay nakaltasan ng daan libo sa kanyang bank account itong si Regine.
SI Regine kasama ang kaniyang dalawang anak na sina Azucena Reign at Alyysandra Reigen.
“Oo, naloka ang byuti ko,” aniya.
“Nasa States ako that time, nang mapadaan ako sa isang shoe store. Sabi sa akin ng sales lady na kaaalis lang daw ni Jennifer Lopez at nagshopping ng mga sapatos.”
“May tinuro pa ngang sapatos yung sales lady at nagsabing sinukat daw iyon ni JLo at sa hindi malamang dahilan ay hindi ito napasama sa mga nabili niya.”
“Ako naman sa sobrang fan ni JLo ay sinukat ko agad yung shoe at eksakto naman na nagfit saken. Wala nang tanong-tanong ay binayaran ko agad ito. Labas ang credit card. Pay ang lola mo.”
“At nang makita ko na ang resibo, shock ako, naglalaro sa $2,000 ang halaga. Grabe. Hindi na ako nakaatras, hayun, kaltas sa account ko. Ha ha ha ha.”
Not getting younger at 40
Kahit sabihin pa na 40 na si Regine ay panalo pa rin ang kanyang aura. Pwedeng lumaban ng sabayan sa millennial beauties at seksing seksi pa rin siya. At simula nang magkahiwalay sila ng kanyang mister na si Lander Vera Perez ay never pang nabalitaan na nakipagrelasyon sa iba itong si Regine?
“Well, sabi naman di ba na life begins at 40 and para sa mga millennials, 40 is the new 20. So feeling ko ay I’m now at the prime of my life. Lalo pa ngayon I feel more healthy, more confident and wise. And also, very independent pa ako, It makes me do anything,” aniya.
“At pagdating naman sa lovelife, eh, for me baka I guess it’s not my time yet. So for now, work na muna tayo,” dagdag pa ni Regine.
Tutol ba ang kanyang dalawang anak na makipagrelasyon siya sa iba? Mga dalagita na ang mga anak ni Regine at kadebut pa lang kamakailan ng kanyang panganay. “Hindi. Sila pa nga ang nag-eencourage sa akin na magkaroon ng someone special. Matagal na ngang sinasabi sa akin ng mga bagets ‘Mommy have fun’ kasi nakikita naman ng mga anak ko na after ng shows or tapings ko ay diretso na agad ako ng bahay.”
“Pag gusto kong magrelax tulad ng pagpapamasahe ay doon din lang sa bahay, home service din, yun ganun.”
Simula nang nagkahiwalay sila ni Lander ay na kay Regine na ang dalawa nilang babaeng anak. Siya rin ang solong nagtataguyod ng pangangailangan ng mga anak. “Walang support. Late na nang maibigay yung kaunting tulong para sa debut kamakailan ng kanyang anak, ganun. Pero okey na rin kasi at least kahit papaano ay nagbigay na rin after four years,” aniya.
Finding Mister Right
Kamusta naman kaya ang lagay ng usapin nilang legal ng kanyang mister? Si Sunshine Cruz na kaibigan ni Regine ay na-grant ang annulment ng kasal sa dating mister na si Cesar Montano.
“Im not supposed to talk about it. Kasi the last time na nagsalita ako ng may kinalaman doon ay ‘naano’ ako, ha ha ha ha, kaya no comment na lang talaga ako pagdating sa bagay na yan.”
Maagang nag-asawa sina Regine at Lander. “18 years go na rin yun at never akong nakaranas na magpunta ng bar or gumimik. Never akong nakipagdate sa ibang guy. Kaya hindi ko alam kung where to begin kung finding Mr. Right ang tatanungin,” sabi niya.
Meron din naman daw siyang mga manliligaw ngunit nasa industriya rin. “Ayoko na. Huwag na sa isang showbiz guy. Saka iba na rin kasi ngayon ang preference ko pagdating sa pakikipagrelasyon ulit.”
“Kung dati ay love lang talaga ang feel ko, dati tall dark and handsome and so cute, kilig ika nga. Ngayon medyo choosy na ako, not actually talagang choosy, I just want to be smart now pagdating sa lovelife,” aniya.