MARGOT GONZALES
TINANGGAL na ng Bureau of Immigration (BI) ang mga terminal heads at isa pang pinuno sa paliparan sa gitna ng “pastillas modus.”
Ang nasabing kontrobersyal na modus ay nabunyag sa isinagawang pagdinig ng Senado kung saan tumatanggap ng lagay ang mga tauhan ng Immigration kapalit ng pagpasok sa bansa ng Chinese POGO workers.
Ayon kay Immigration Spokesperson Dana Mengote-Sandoval, sinibak na ang lahat ng terminal heads maging ang head ng Travel Control and Enforcement Unit sa gitna ng nakabinbin na resulta ng imbestigasyon.
Ani Sandoval, makikita nila sa binuong Fact Finding Committee kung may iba pang paliparan ang mayroong kaparehong aktibidad.
Agad ipinag-utos ni BI Commissioner Jaime Morente ang revamp sa lahat ng tauhan nito sa mga paliparan sa bansa dahil sa nabunyag na modus.
Tiniyak din ni Morente na iimbestigahan ang nasabing anomalya.
Impormante sa likod ng pastillas modus, hinamon na lumabas
Hinikayat ni House Committee on Games and Amusement Chair Eric Yap ang taong nasa likod ng videong inilabas sa Senado at patotohanan ang sinasabing pastillas scheme na nangyayari sa pagitan ng BI at mga Chinese nationals na pumapasok sa bansa.
Sa Senado ay ibinunyag ni Sen. Risa Hontiveros base sa testimonya ng impormante nito sa loob ng BI ay isinisilid umano sa isang coupon bond na parang pastillas ang perang ginagawang pampadulas para mapadali ang pagproseso ng mga tourist visa ng mga ito.
Ayon umano sa impormante ay nasa 10, 000 ang ibinabayad ng kada Chinese national para sa nasabing modus.
Ayon kay Yap, mas mainam na lumabas ang impormante at gumawa ito ng affidavit dahil mahalaga aniya ang ganitong hakbang para maiiwas ang publiko na maging biktima ng fake news na lumalabas sa mga video sa internet.
Una namang sinabi ni PNP Legal Service Police Major Catherine Tamayo Cipriano na hindi naipakita sa video ang sinasabing bigayan ng pera ng mga nasabing kliyente sa Immigration para patotohanan ang pastillas scheme.
Inutusan naman ni Cong. Elpidio Barzaga na tingnan ang posibleng paglabag ng impormante sa pagkuha ng videos sa loob mismo ng Bureau of Immigration.
Tiniyak naman ni BI Deputy Commissioner Allegre na sa loob ng 15 araw ay may findings na ang BI hinggil sa naturang scheme.
Samantala, tiniyak naman ng PNP at PAGCOR na tuloy tuloy ang ginagawang crackdown sa mahigit isandaang illegal POGO operation sa bansa at ang mga prostitution dens na karamihan aniya ng kliyente ng mga ito ay Chinese POGO workers.
Sa tala naman ng DOJ ay nasa 167 foreigners na illegal POGO workers na ang kanilang nahuli.
Napag-alaman naman sa pagdinig na 50 bilyon ang tinatayang uncollected tax ng BIR sa mga POGO operators na nag-ooperate ngayon sa bansa.