PNP
Pagbabalik ng Oplan Tokhang, dapat bang katakutan o ipagpasalamat?
Ni: Beng Samson
Sari-saring krimen – rape, karumal-dumal na pagpatay, holdap, pagnanakaw, at iba pa. Karamihan sa mga ito, sinasabing “Nakadroga yan kaya nagawa yan, hindi yan magagawa kung nasa normal na kundisyon.” Ang mga krimeng nabanggit lalo na ang panggagahasa sa mga menor de edad, sanggol, sariling kamag-anak at mga karumal-dumal na pagpatay ay palaging sinasabing droga ang ugat. Matagal na panahon nang talamak ito sa bansa.
Drug war, inilunsad, sagot sa problema?
Anti-illegal Drugs Campaign Plan: Double Barrel, Project Tokhang at Project High Value Target, ito ang kampanya laban sa droga na inilunsad ng pamahalaan sa unang araw pa lamang ng pag-upo ni Duterte bilang pangulo ng bansa.
Naging maingay ang kampanya dahil sa kabi-kabilang pagtimbuwang ng mga namamatay at pagdanak ng dugo sa mga kalsada ng mga diumanong suspek sa paggamit at pagbebenta ng iligal na droga.
“Forget the laws on human rights. If I make it to the presidential palace, I will do just what I did as mayor. You drug pushers, hold up men and do-nothings, you better go out, because I’d kill you. I’ll dump all of you into Manila Bay, and fatten all the fish there,” matigas na sambit ng pangulo sa panahon ng kampanya. Sa mga katagang ito naramdaman ng mga Pinoy ang sigasig ni PDU30 na masugpo ang iligal na droga sa bansa.
Operasyon ng Oplan Tokhang
nakapagsalba, nakapagbigay-hustisya, may mga namatay
Sa pagpapatupad ng Oplan Tokhang, marami ang natuwa at nabigyan ng pag-asa lalo na ang mga pamilya ng mga biktima ng mga krimeng iniuugnay sa kaso ng paggamit ng illegal drugs. Anila nabigyan na ng hustisya ang inabot ng kanilang mga nasawing kamag-anak. Hindi lang mga kamag-anak ng mga nabiktima ng mga diumano’y drug addict, kundi mismong mga dating adik o gumon sa paggamit ng iligal na droga ang nagpapasalamat sa Oplan Tokhang.
“Laking pasasalamat ko po talaga dahil nagkaron ng tokhang, kung hindi ay malamang na hanggang ngayon ay lulong pa ako sa ipinagbabawal na gamot at sira na ang buhay ko at pamilya ko,” pag-amin ni Mang Maxi, residente ng Barangay Malanday, Valenzuela City.
Si Mang Maxi, 48, ay nagsimulang nalulong sa droga nang siya ay 22 anyos pa lamang, “pero hindi naman po tuloy-tuloy ang paggamit ko ng drugs, sa twing nadedepress po ako ay gumagamit po ako. Nag-umpisa po iyon nang namatay ang aking anak’”, patuloy na kwento ni Mang Maxi.
Isa sa 142 surrenderees – first batch si Mang Maxi na ipinadala ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa Central Luzon Drug Rehabilitation na nasa Barangay Santo Niño, Magalang Pampanga, “Naisipan ko pong sumuko kay Mayor Rex Gatchalian ng hikayatin ako ng aming kapitan na sumuko, natatakot po kasi akong ma-tokhang,” dagdag ni Mang Maxi.
“Sumama lang kayo, ako ang bahala sa mga pamilya ninyo”, ito po ang salita ni Mayor Gatchalian na pinanghawakan ko kaya nagdesisyon na akong sumuko.
Ipinasok sa rehabilitation center si Mang Maxi noong Oktubre 2016 at naka-graduate noong May 2017.
“Napakalaking bagay po sa akin ang pagkakapasok ko sa center, hindi na po ako naghahanap ng drugs ngayon kahit ilang beses ako ma-depress, kahit na nung nasunugan kami ng bahay at namatay ang nanay ko,” kwento ni Mang Maxi.
“Sinagot po ni Mayor ang gastos ng pamilya ko, habang nasa loob ako ngcenter, may P5,000 kada buwan, 10 kilong bigas at mga delata kada linggo, pag-aaral ng mga anak ko na isang college at isang kinder, pati po lahat ng pangangailangan ko sa loob sinagot ni mayor,” dagdag ni Mang Maxi.
Ayon kay Mang Maxi, natuwa siya nang malamang ibabalik ang Oplan Tokhang dahil aniya marami pang Mang Maxi na maililigtas sa masamang bisyo. Ngayon aniya, ay natuto siya magdasal, nagtrabaho para sa pamilya.
“Ipinasok po ako ni mayor ng trabaho pati asawa ko kaya hindi ko na po sasayangin ang pagkakataon, sana yung mga gumagamit payo ko sa kanila tumigil na dahil masarap pala ang walang bisyo, lalo na ngayon ibabalik na ang tokhang” payo ni Mang Maxi.
Tinuligsa
Samantala, habang nagpapasalamat ang ilan, binatikos naman ang programa ng iba’t ibang human rights groups sa bansa at maging mula sa ibang bansa, mga mambabatas, United Nations dahil sa diumano’y extra judicial killings na ginawa anila ng kapulisan.
Naglabasan ang libo-libong bilang sa mga tala ng mga namatay na kinasangkutan ng ilang menor de edad, partikular na ang kontrobersiyal na kaso ni Kian delos Santos, 17 at Carl Arnaiz, 19, mga estudyante, at mga propesyunal, na naging sanhi upang lalong batikusin ang kampanya.
Kapangyarihan ng PNP sa Tokhang, inalis
Ipinasya ni President Digong noong Pebrero ng nakaraang taon na alisin ang kapangyarihan ng kapulisan sa paghuli sa mga drug suspect matapos masangkot ang mga ito sa sunod-sunod na tinaguriang “tokhang for ransom”, at sa pagkamatay ng Koreyanong si Jee Ick-Joo sa loob mismo ng Camp Crame noong Oktubre, 2016.
Naglabas ng kautusan ang pangulo na pangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang lahat ng anti-illegal drug oprations habang tumutok naman ang PNP sa internal cleansing at sa riding in tandem groups.
Pagbabalik ng kapulisan sa drug war
pinaboran, binatikos
Bago matapos ang taong 2017, buwan ng Disyembre, nilagdaan ni Duterte ang isang memorandum circular na nagbibigay pahintulot sa kapulisan na muling sumuporta sa nasabing programa ng pamahalaan kontra droga, katuwang ng PDEA.
Tinuligsa ng ilang mambabatas ang muling pagbabalik ng PNP sa drug war habang pabor naman ang iba. May nagsasabing mas mainam pa din na pangunahan pa din ito ng PDEA katuwang lamang ang PNP para sa karagdagang lakas dahil kulang sa tao ang PDEA. Karamihan naman ay nagsasabing dapat nang mag-ingat ang kapulisan sa kanilang mga susunod na hakbang at dapat na silang matuto sa kanilang kamalian sa nakaraang pagpapatupad ng operasyon. May nagbigay paalala na hindi dapat gawing lisensya ng kapulisan ang buong suporta ng pangulo sa kampanya upang magsagawa ang mga ito ng walang habas na mga pagpatay.
Nagpaalala din ang ilang mga tagapagtaguyod ng local at international human rights ukol sa muling pagdami ng insidente ng mga extra judicial killing kung muling maibabalik ang PNP sa kampanyang ito.
“Because the president returned it [to the police], he must not be satisfied. He wants more,” saad ni Malacañang spokesperson Harry Roque sa isang press briefing. Tinutukoy dito ang hindi umanong pagkasiya o pagka-satisfy ng pangulo sa pagganap ng PDEA sa pagpapatupad ng drug war.
PNP, inamin ang isinasagawang pagpaplanong pagrebisa ng war on drugs
Ayon kay PNP Deputy Spokesman Supt. Vimelee Madrid, nagsimula nang magplano ang kapulisan para sa pagrerebisa ng drug war. Aniya, sisikapin ng kanilang hanay na maipatupad ang kampanya ng hindi dadanak ang dugo. Subali’t hindi pa rin isinasaisang tabi ang pagtatanggol sa kanilang kaligtasan sakaling sila na ang inaatake ng kanilang mga inaaresto. Sinabi din ni Madrid na isinasaayos na nila ang kanilang watchlist ng mga high value target sa kalakalan ng iligal na droga.
Tala ng PNP kaugnay ng Oplan Tokhang
Simula July 1, 2016 hanggang Setyembre 26, 2017, nakapagtala ang PNP ng 76,863 anti-drug operations na nagresulta sa pagkamatay ng 3,906 drug personalities at 113,932 inaresto.
Sa tala ng Hulyo 25, 2017, pumalo na sa 1.3 milyong sumurender ang natulungan. Nasa 3,500 barangay naman ang naideklarang cleared of drugs ayon naman sa tala ng Agosto 31, 2017, ayon sa PNP.
Nakapagtala din ang pulisya ng bilang na 85 pagkamatay ng law enforcers, habang 225 naman ang nasugatan dahil sa operasyon.
Pagkalinga sa mga tagapagtanggol ng bayan
IPINAHAYAG ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbibitiw ito sa puwesto kapag hindi inaprubahan ng Kongreso ang pagtaas ng suweldo para sa mga uniformed personnel ng bansa. Ang naturang kahilingan ay isang pundasyon ng kaniyang plataporma sa kampanya nito sa pagkapangulo nakaraang taon. Sinabi ng pangulo sa mga mambabatas na gawing priyoridad ang kanyang pangako para sa mga militar sa unang pakete ng tax reform.
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
BUHAT sa pasimula ng kaniyang termino, ipinadadama ni Pangulong Rodrigo Duterte na batid niya ang hirap at sakripisyo ng kasundaluhan at pulisya sa pagpapanatili ng seguridad ng ating bayan at sa pagsugpo sa mga elementong nagnanais maghasik ng kaguluhan. Kaya isa sa mga naging prayoridad niya ang dagdagan ang sahod ng mga uniformed personnel bilang pagkilala sa kanilang kagitingan sa bansa.
Sa pagtatapos ng taon, pinatunayan ng lider ng ating bansa na ang pangakong kaniyang binitawan ay hindi napako.
“So because I promised you, I will double your salary. Sabi ko sa kanila (kongreso at senado) … ‘Unahin na muna ninyo iyung pangako ko.’ Kasi sabi ko, ‘kapag hindi niyo inilusot iyan, I will resign as a matter of principle,” ipinahayag ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa ika-82 Anibersaryo ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kung saan kaniyang ibinahagi ang pakikipagusap niya sa kanyang gabinete at ilang kongresista at senador.
Tiniyak naman ni Budget Secretary Benjamin Diokno na matatanggap na ng mga sundalo ang 100% increase sa kanilang base pay sa unang sweldo nila sa 2018 dahil pirmado na ng Pangulo ang joint resolution ng kongreso at senado na nagtatakda sa naturang ayuda.
Paliwanag ni Diokno sa ilalim ng naturang resolusyon , doble ang itataas ng base pay ng isang private sa AFP at Police Officer I (PO1) ng Philippine National Police (PNP), at mga katumbas na ranggo sa Bureau of Jail Management and Penology, Philippine Coast Guard, Philippine Public Safety College, Bureau of Fire Protection, at National Mapping and Resource Information Authority.
“A PO1 and those with equivalent ranks will enjoy a 100 percent increase, resulting in a monthly base pay of P29,668… Overall, the salary adjustments will result in a 58.7-percent average increase for all military and uniformed personnel (MUP) ranks, effective January 1, 2018,” wika ni Diokno.
Aabot sa P64.2-billion ang ilalaan para sa nakatakdang umento sa sahod ng mga sundalo, pulis, bumbero, at jail guards sa bansa na kukunin mula sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund at sa mga budget allotment ng mga responsableng ahensya.
Nakasaad din naman sa House Joint Resolution No. 18 at Senate Joint Resolution No. 11 na tataas ang sweldo ng mga may ranggo ng PO4 hanggang director general at mga katumbas na rango pag sapit ng January 2019.
Ipinunto din ni Diokno na tataas din ang take-home pay ng mga uniformed personnel ng pamahalaan sa ilalim ng bagong Tax Reform Law sa na ipapatupad sa 2018.
“Lover of Soldiers”
Talagang hindi biro ang propesyon ng pagiging isang sundalo dahil kinakailangan dito ang matinding lakas ng loob, isipan, at pangangatawan sa pagsabak sa mga iba’t ibang gawain, lalo na ang panganib ng pakikidigma. Kasama rin ang sakripisyo na mawalay sila sa kanilang mga mahal sa buhay alang-alang sa pagtugon sa tawag ng tungkulin na isulong ng kapayapaan.
Hindi na rin lingid sa kaalaman ng madla na daan-daang mga sundalo na ang nagbuwis ng kanilang mga buhay sa sari-saring engkwentro laban sa mga kaaway ng estado. Nitong taon ay saksi ang buong bansa sa sumiklab na digmaan sa lungsod ng Marawi sa pagitan ng militar at ng pwersa ng ISIS-inspired Maute Group, kung saan nasawi ang 165 na sundalo at mahigit 1,400 naman ang nasugatan. Ang limang buwang labanan, na napagtagumpayan ng mga pwersa ng pamahalaan, ay itinuturing na ‘heaviest urban battle’ mula nang matapos ang World War II.
Ang mga pangyayaring gaya nito marahil ang dahilan kung bakit gayon na lamang ang pagnanais ng Pangulong Duterte na bigyang lingap ang mga tagapagtanggol ng ating bayan. Kamakailan ay binansagan pa niya ang sarili at ang yumaong Ferdinand Marcos na “lover of soldiers”, na tanging mga pangulo ng Pilipinas na nagbigay ng buong atensyon sa mga pangangailangan ng mga sundalo.
“Hindi ako nagyayabang. Walang ibang presidente, dalawa lang, ang pagbigay na atensyon na kinakailangan para sa isang sundalo. Ako lang pati si Marcos,” sinabi ni Duterte sa harap ng mga sundalong naka-base sa Camp General Teodulfo Bautista sa Sulu nitong Disyembre.
Bilang patunay ng kanyang pagmamalasakit sa mga miyembro ng militar, naglunsad na ng mga programa at nagpamahagi na ng tulong ang Pangulo.
Inilahad ng Pangulong Rodrigo Duterte sa anibersaryo ng AFP sa Camp Aguinaldo ang mga ibayong benepisyong matatanggap ng mga sundalo, kabilang ang pag-release ng P500 milyong pondo para sa mga nasugatan at disabled na mga kawal.
Maglalaan din umano siya ng ibayong ayuda para sa V. Luna General Hospital at Veterans Memorial Medical Center upang matiyak na tuloy-tuloy ang serbisyong medikal para sa mga sundalo.
“I will subsidize yung medicines especially those who need the management for pills – it’s 50 million monthly para sa AFP pati 50 million para sa V. Luna. Para sa mga retired dun niyo na kunin yung medicines and management niyo for ailments a soldier suffers when he retires,” wika ng Pangulo.
Dagdag pa ng lider ng pangulo, nakalinya na rin ang programang Standalone Pension Fund para sa AFP. Aniya, ang perang kikitain sa pagbebenta ng ilang prime properties at kampo ng AFP ay gagamitin bilang seed money para sa nabanggit na pension fund.
Binigyang diin din ng Pangulo ang pagnanais niyang matulungan ang mga sundalo na maitawid ang edukasyon ng kanilang mga anak.
“All I want to see is that an ordinary soldier can finance his child’s education. I want a sergeant, a corporal, yung mga anak ninyo, pwede maging, as long as they have the brains, as long as they can continue to go to school, be a doctor or lawyer…”, wika ni Duterte.
Sa madaling sabi, layunin ni Pangulong Duterte na alisin ang pagkabalisa ng tagapagtanggol ng bayan patungkol sa kanilang mga pangunahing pangangailangan—at gagawin niya ang lahat upang na di mabigo ang mga ito.
“Do not worry about your families. Do not kill yourself just thinking about what will happen tomorrow…The Philippine government will always be there to see to it that your children to go to school until college time.”
Pagbalik-tanaw (time-line) ng Batas Militar kontra-terorismo sa Mindanao
Si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang state-visit sa bansang Russia, ilang sandali bago niya idineklara ang Martial Law sa buong Mindanao
Ni: John Benedict G. Vallada
SA halos pitong buwan na itinagal ng Batas Militar sa Mindanao. Mula sa madugong paglusob ng teroristang grupo na Maute, pagresbak ng militar sa kalaban, buwis-buhay na opensiba hanggang sa mabawi ang siyudad ng Marawi. Muling balikan ang Batas Militar sa Mindanao at kasalukuyan nitong estado.
Mayo 23, 2017
2:00nh—Nakarating sa militar ang ulat ng mga residente ng Barangay Basak Malutlut sa Lungsod ng Marawi na mayroong 15 kahina-hinalang mga armadong lalaki sa nasabing pook na pinaniniwalaang miyembro ng teroristang grupo ng Abu Sayyaf at Maute, dahilan upang tumugon sa pamamagitan ng surgical strike ang militar laban sa kalaban.
5:00nh-8:00ng—Lumusob at nagpakita ng lakas ang grupong Maute sa pamamagitan ng pagkubkob ng mga ito sa pampublikong ospital ng Marawi na Amai Pakpak Medical Center. Ilang oras lang ay lumusob na rin ito sa City Jail ng lungsod at pinakawalan ang mga preso at nanunog, napaulat din na ang mga bantay ng nasabing kulungan ay pinagpapatay ng grupo. 5 sundalo ang kumpiramadong sugatan habang 1 ang patay bago pasukin din ang Dansalan College at Saint Mary’s Church.
11:30ng—Kasalukuyang nasa state-visit noon si Pangulong Rodrigo Duterte sa bansang Russia nang ideklara sa buong Mindanao ang Batas Militar.
Mayo 24, 2017—Sa pag-uwi ni Pangulong Duterte mula sa bansang Russia, agad niyang sinuspinde ang prebelihiyo na habeas corpus sa buong Mindanao upang madaling mahuli ang iba pang mga miyembro ng teroristang grupo at maiwasan ang paghahasik.
Mayo 31, 2017—Ayon sa Department of National Defense, 11 sundalo ang nasawi, habang 7 ang sugatan sa maling aerial attack ng mga mismong kapwa sundalo.
Hunyo 6, 2017—Nahuli sa check-point ng mga sundalo sa Davao City ang mismong ama ng tinaguriang Maute Brothers na si Cayamora Maute.
Hunyo 9, 2017—Naaresto naman ang ina ng Maute Brothers na si Ominta Romato “Farhana” Maute kasama ang 2 sugatang miyembro ng Maute Terrorist Group sa probinsiya ng Lanao Del Sur.
Hunyo 12, 2017 (Araw ng Kalayaan)—Madamdaming paggunita sa Araw ng Kalayaan ang nasaksihan habang itinataas ang bandila ng Pilipinas habang inaawit ang ‘Lupang Hinirang’. Sa araw ding iyon naitala ang 58 na mga sundalo namatay.
Hunyo 25, 2017—Bilang pagtatapos ng Ramadan, nagbigay ng 8 oras na ceasefire ang mga militar sa mga kalabang terorista.
Hunyo 26, 2017—Bumisita si Vice President Leni Robredo sa Ilagan City upang bisitahin at kumustahin ang lagay ng mga evacuees mula sa Marawi City.
Hulyo 4, 2017—Pinagtibay ng Korte Suprema ang deklarsyon ng Batas Militar ni Pangulong Duterte sa Mindanao.
Hulyo 20, 2017—Sa kauna-unahang pagkakataon mula nang sumiklab ang giyera sa Marawi City, bumisita si Pangulong Duterte.
Hulyo 22, 2017—Napagkasunduan ng kongreso ang pagpapalawig ng Batas Militar sa Mindanao hanggang sa katapusan ng taong kasalukuyan.
Agosto 22, 2017—Muling pinayagang maka pasok sa Mindanao State University.
Agosto 25, 2017—Tagumpay kung maituturing, dahil nabawi ng mga sundalo ang Grand Mosque ng Marawi City mula ng inokupa ito ng Teroristang Maute.
Agosto 27, 2017—Pumanaw ang ama ng mga pinuno ng teroristang grupo na Maute na si Cayamora Maute, ayon sa ulat nasa kritikal na kondisyon ang matandang Maute bago dinala sa Taguig-Pateros Hospital.
Setyembre 17, 2017—Matagumpay na na-rescue ang paring Katoliko na si Father Chito Suganob, na ilang buwan ding bihag ng Maute Group. Itinanggi rin ng pamahalaan na nagbigay sila ng ransom sa teroristang grupo para sa pari.
Ilan sa mga tagpong pangyayari habang nagkakaroon ng bakbakan ang hanay ng military at teroristang Maute sa Lungsod ng Marawi.
Setyembre 22, 2017—Nabawi ng militar ang tulay na entrance-point ng mga pook na sinakop ng Maute, ang tulay ng Maraya Daya o mas kilala bilang Masiu Bridge.
Oktubre 16, 2017—Inanunsyo ng militar na napatay na nila ang mga pangunahing pinuno ng Maute Group na si Isnilon Hapilon at Omar Maute.
Oktubre 17, 2017—Idineklara ni Pangulong Duterte na malaya na ang Marawi laban sa rebelyon ng mga Maute.
Oktubre 19, 2017—Kinumpirma ni Pangulong Duterte na napatay ang isang Malaysian terrorist na si Dr. Mahmud Ahmad. Si Ahmad ay hinihinalang taga-recruit ng mga bagong miyembro ng teroristang ISIS.
Oktubre 20, 2017—Nakauwi ang nasa bilang na 288 na mga sundalong lumaban sa Maute Group.
Oktubre 21, 2017—Kinumpirma ng Fedral Bureau of Investigation (FBI) na DNA mismo ni Isnilon Hapilon ang napatay sa bakbakan noong Oktubre 16. Habang wala pang kumpirmasyon kay Omar Maute.
Muling pinalawig ang Batas Militar hanggang sa katapusan ng taong 2017 sa botong 261 na ‘yes’ ng mga mababatas at 18 ‘no’ na boto bilang pagtutol sa pagpapalawig.
Disyembre 8, 2017—Nagsumite ang Department of Interior and Local Government (DILG) kay Pangulong Rodrigo Duterte ng rekomendasyon ng Philippine National Police (PNP) na palawigin pa ng isang taon ang Martial Law sa Mindanao. Suportado ito ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa banta pa rin sa seguridad ng publiko lalo pa’t napapaulat na mayroon pa rin natitirang mga grupo ng Maute.
Disyembre 11, 2017—Humihirit ang sangay ng pamahalaang pang-ehekutibo sa pagpapalawig pa ng Batas Militar, ang dahilan ay ubusin ang natitirang miyembro ng Maute Group at pakikibaka sa bagong tinuturing ng pamahalaan na teroristang organisasyon ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CCP-NPA).
Sa ngayon, nasa kamay ng mga mambabatas sa mababa at mataas na kapulungan ang kapalaran ng Batas Militar sa Mindanao. Mapapaso ang deklarasyon ng Martial Law sa Disyembre 31, 2017.
Mag-ingat sa pagsalubong ng bagong taon: Implementasyon ng Executive Order 28, pinaigting
NANGAKO ang Philippine National Police (PNP) na paigtingin ang pagpapatupad ng Executive Order (EO) No. 28 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte nakaraang Enero ng taong ito na may layuning ikontrol ang paggamit ng mga firecrackers at pyrotechnic devices. kabilang sa ipinagbawal na mga firecrackers ang Super Lolo, Whistlebomb, Goodbye Earth, Atomic Big Triangulo, Piccolo, Juda’s Belt at iba pang malalakas na mga fireworks na inangkat mula sa ibang bansa.
Ni: Fedeluz C. Lozano
TINAGURIAN ang Bayan ng Bocaue sa Lalawigan ng Bulacan na Fireworks Capital of the Philippines.
Dahil dito taon-taon ay dinadagsa ng mga mamimiling gustong salubungin ang bagong taon na maingay ang paligid alinsunod na rin sa nakaigaliang ng mga Pilipino.
Dahil sa Bulacan naka-sentro ang simpatya ng mga karatig-bayan lalong lalo na ang Metro Manila, pinangunahan ni Bulacan Governor Wilhelmino M. Sy-Alvarado ang inspeksyon ng mga tindahan ng pailaw at paputok habang maigting na kinakampanya ang pagbibigay ng tamang kaalaman hinggil sa pagpapatupad ng Executive Order No. 28, na siyang mahigpit na nagreregula sa paggamit ng mga paputok at pailaw sa bansa.
Kaisa sina Bulacan Vice Governor Daniel R. Fernando at mga miyembro ng Provincial Pyrotechnics Regulatory Board (PPRB) at Task Force Paputok kabilang ang Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire, nagsagawa ng inspeksyon si Governor Alvarado sa mga tindahan ng mga pailaw at paputok sa Bgy. Turo sa Bocaue na kilala sa taguring “Fireworks Capital” ng bansa.
EO 28 AT RA 7183
IPINALIWANAG ni Governor Wilhelmino M. Sy-Alvarado, pinuno ng PPRB o Provincial Pyrotechnics Regulatory Board, na mahalagang maipaliwanag sa mga mamamayan ang kahalagahan ng tamang paggamit at ang kaakibat na responsibilidad sa paggamit nito. Sinabi rin nitong hindi bawal ang mga pailaw samantala ang ibang paputok naman bagaman hindi ban ay nireregula lamang at sa ilalim ng EO 28 ay maaaring gamitin sa itinalagang lugar ng lokal na pamahalaan.
“Gusto rin natin linawin na hindi bawal ang paggamit ng pyrotechnics
at mga ligal na paputok sa ilalim ng RA 7183 o Firecracker Law. The government is just strictly regulating its use to ensure public safety,” dagdag niya.
Hinikayat din ng gobernador ang mga lokal na stakeholder na bantayan ang kanilang mga pwesto at ipinahayag na ang intensyon ng pamahalaan ay mapaunlad ang lokal na industriya ng mga pailaw at paputok at mailaban sa pandaigdigang merkado sa pamamagitan ng pagkakaroon ng ligtas at dekalidad na mga produkto.
“Nais din natin ipabatid na ang paghihigpit ay naglalayong maging ligtas ang mga mamamayan at mapaunlad ang lokal na industriya ng paputok,” ani Alvarado.
Ipinaalala naman ng gobernador at bise gobernador na huwag magtinda ng mga nakamamatay na uri ng paputok gaya ng piccolo na pangunahing sanhi ng aksidente tuwing panahon ng holidays.
Gayundin, pinaalalahanan ang mga ito na huwag magbenta ng gawa ng mga patagong manggagawa.
“Bawal na ang pagtitinda sa mga kalsada at mga tulay. Hindi na sila papayagan ngayon para maiwasan ang disgrasya, they have to follow the law because no one is above the law” anila.
Sinabi naman ni Engr. Celso C. Cruz, chairman emeritus ng Philippine Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association Inc. (PPMDAI), na matagal na nilang tinatawag ang atensyon ng mga nagpapatupad ng batas
gayundin ang mga opisyal ng gobyerno ang paghuli sa mga nagii-smuggle ng mga mapanganib na uri ng paputok.
“Everybody knows that Piccolo is banned. We are not engaged in its production, It is being smuggled into the country and year after year everytime it causes harm, our group is always being dragged in the mess. There are many types of safe noisemakers and pyrotechnics that people can choose,” pahayag nito.
Nagpapasalamat din ito sa Department of Science and Technology na naglaan ng P 8M sa industriya ng paputok at pailaw upang maghasa ng mga siyentipiko at maging mga bihasa upang makasabay sa international standards.
Nilinaw din ni Cruz na sa ilalim ng EO 28, walang pagbabago sa mga ipinagbabawal na paputok.
“The law states that the ingredients for firecrackers should not exceed 200mg. If it exceed it is oversized and banned,” wika nito.
Samantala, sinabi naman ni Joven Ong, may-ari ng Dragon Fireworks at pangulo ng Philippine Fireworks Association, na nagbibigay ng maling impormasyon ang media hinggil sa probisyon ng EO 28.
“Hindi po ipinagbabawal ang mga pailaw, they can be used outside their residence, kahit na yung mga paputok na pinapayagan sa ilalaim ng RA 7183.
Malinaw po ito sa isinasaad ng EO 28, at magkaiba ang firecracker o paputok sa pyrotechnics o pailaw” pahayag ni Ong.
Sinabi rin ni Ong na isa ang Pilipinas sa pinakamagaling na manggagawa ng mga pailaw at makailang ulit na itong napatunayan sa mga pandaigdigang paligsahan.
Ipinakita rin nito ang kanilang pabrika sa pamamagitan ng isang tour bago ang inspeksyon sa Bocaue.
ILIGAL NA PAPUTOK HINDI TUTUTUKAN
TUTUTUKAN at hindi palulusutin ng Bulacan PoliceProvincial Office (BPPO) ang mga ilegal na paputok at pailaw na gawa sa mga kolorum na pagawaan dahil bantay-sarado ngayon ng PNP ang mga pangunahing lansangan sa probinsya partikular sa MacArthur Highway upang maiwasan ang iligal na pagbebenta at pagbiyahe ng mga pyrotechnics.
May direktiba na si P/Senior Supt. Romeo M. Caramat Jr., Bulacan Police Director, sa kapulisan na mas paigtingin pa ang kampanya laban sa ilegal na pagawaan ng paputok dahil puspusan at kasagsagan na ngayon ang paggawa nito sa probinsya lalo na ang mga kolorum o hindi lisensiyadong pabrika o small scale manufacturers.
Kabilang sa mahigpit na kampanya kontra paputok ang Sta. Maria police sa pangunguna ni P/Supt. Raniel M. Valones, Police Chief. Dalawang beses na silang nakasabat ng mga paputok na ilegal na ibinibiyahe palabas ng nasabing bayan at inaasahang ibebenta sa kalapit-munisipalidad gayong wala silang permiso para dito.
Nakamasid din ang Bocaue PNP, itinuturing na Firecrackers capital ng bansa, sa mga kolorum na pagawaan ng paputok at regular din ang isinasagawang inspekyon ng awtoridad sa mga lisensiyadong pabrika.
OPLAN IWAS PAPUTOK: FIREWORKS DISPLAY ANG PATOK!
ANG tetano ay nakamamatay kaya huwag balewalain ang paso at sugat na sanhi ng paputok kahit gaano man ito kaliit.
Hugasan ang sugat ng sabon at malinis na tubig.
Pumunta agad sa Health Center o ospital para sa bakuna kontra tetano.
Huwag bigyan at pagamitin ng paputok ang mga bata.
At siguruhin na hindi mamumulot ng paputok.
Dahil dito nagpaalaala ang Department of Health (DoH) para sa “Oplan Iwas Paputok, Fireworks Display ang Patok! Makiisa sa Fireworks Display sa inyong lugar” bilang paghahanda sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Kaisa ng DOH sa programa ang Department of the Interior & Local Government (DILG), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Education (DepEd), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Metro Manila Development Authority (MMDA), at EcoWaste Coalition.
Ibinahagi rin ng DOH na target nila ang “zero firecracker-related injuries” sa pagsalubong sa 2018.”
Edad 10 hanggang 14 ang madalas na nabibiktima ng paputok kung kaya’t pinili ng mga naturang ahensya ng gobyerno na sa mga estudyante partikular sa Antonio A. Maceda Integrated School na ilunsad ang kampanya kontra iwas paputok.
Kumpleto sa mascot sina ‘Berong Bumbero’ ng BFP at ‘Bato’ ng PNP sa paghataw ng sayaw sa mga kabataan upang hikayatin ang mga ito na huwag gumamit ng paputok, at naki-join din si ‘Santa Claus’ sa pagbibigay saya sa mga estudyante.
Ayon sa tala ng DOH, 30% na mas mababa sa five-year average mula 2011-2015 ang naitalang pinsala sa paputok at 32% na mas mababa noong 2016, ayon sa ulat ng Balitanghali.S
ELECTRIC FIRECRACKERS, LIGTAS GAMITIN
LIKAS na malikhain ang mga Filipino, tulad na lamang ni Francisco “POPOY” O. Pagayon, presidente ng Filipino Inventors Society Producer Cooperative (FISPC), ay lumikha ng electric firecrackers na ligtas gamitin ng gustong mag-ingay sa pagsalubong ng bagong taon.
Si Pagayon ay nanalo bilang DOST-NCR, RICE 2nd runner-up for CREATIVE RESEARCH LIKHA (PRIVATE), sa ginanap na 2017 Regional Invention Contest & Exhibits (RICE) na may temang: “Invention & Innovation for the People” ng Department of Science and Technology-National Capital Region (DOST-NCR) at Technology Application and Promotion Institute (TAPI) katuwang ang Technological Institute of the Philippines (TIP) kung saan ginanap ang nasabing okasyon kamakailan. Tumanggap ng parangal bilang 2nd Runner Up si Francisco “POPOY” O. Pagayon, sa kanyang Creative Research LIKHA Category (Private)na “electric firecrackers” na may tunog na multiple judas belt firecrackers na walang pangambang maputulan ng daliri o masaktan ang anumang bahagi ng katawan sa sinuman na gagamit nito.