TUMATALIMA sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Southeast Asian Games Organizational Committee (PHISGOC) Foundation Inc. kaugnay sa paghahanda ng bansa sa hosting ng biennial sports competition ngayong taon.
Sinabi ni Ramon Suzara, chief operating officer ng PHISGOC, kapwa may kinatawan ang Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) sa lupon at kasama sa lahat ng desisyon ng komite.
Ang P5-bilyong budget na inaprubahan ng Kongreso para sa SEA Games, maging ang P1-bilyong augmentation fund na aprubado ni Pangulong Duterte ay nakalagak sa PSC.
Tiniyak ni Suzara na “all systems go” pa rin ang hosting ng bansa ng SEA Games sa kabila ng mga isyu.