SINIBAK sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 19 na kawani ng Bureau of Immigration na sangkot sa “Pastillas Scandal” na pinapalusot ang mga illegal Chinese POGO workers sa bansa kapalit ang suhol na PHP10,000 kada tao. (Larawan mula sa PNA)
Ni: Quincy Joel Cahilig
MINSAN nagbiro si Pangulong Rodrigo R. Duterte “Province of Philippines, Republic of China” sa isang pulong kasama ang grupo ng Filipino-Chinese businessmen. Binitawan ni Duterte ang naturang joke matapos siyang personal na pangakuan ni Chinese President Xi Jinping na hindi magtatayo ang China ng anumang structure sa Scarborough Shoal. May mga natuwa, mayroon din nagtaas ng kilay.
Subali’t magmula noon, naging isang running joke na ang “Philippines, province of China” sa lipunan dahil naglipana sa Metro Manila ang mga libo-libong Chinese workers. Ang pagdagsa nila sa bansa ay bunsod ng pagyabong ng sector ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ang mga POGO ay mga online gambling companies or internet casinos kung saan pwede makapagsugal ng Blackjack, Roulette, at Think Poker, kung saan may virtual dealer na totoong tao. Ngayon ay mayroong 60 POGOs sa bansa, kung saan nagtatrabaho ang nasa mahigit 250,000 Chinese nationals, na sumusweldo ng PHP80,000 hanggang PHP150,000 kada buwan. Di pa kasama sa mga bilang na ito yung mga illegal POGO.
Kahit pinapahintulutan ng gobyerno na mag-operate ang mga POGO, nakablock naman ang mga gambling websites nila dito sa Pinas at bawal tumaya sa mga ito ang mga Pinoy batay sa alituntunin ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Mula nang magsimula ang mga POGO sa bansa noong 2016, limpak-limpak na salapi ang ipinapasok nila sa gobyerno kada taon. Sa unang taon ng operations, kumita na ang pamahalaan sa mga ito ng PHP 657 milyon; PHP 3.924 bilyon noong 2017; PHP 7.365 bilyon noong 2018; at tinatayang nasa PHP8 bilyon sa taong 2019.
Dahil din sa pagdagsa ng mga Mandarin-speaking POGO workers, sumirit ang demand sa real estate at office and accommodation spaces sa Manila, Makati, at Pasay na tumaas ng 80 porsyento ang presyo ng renta. Dinaig na nga umano ng POGO sector ang Business Process Outsourcing (BPO) industry pagdating sa pagrerenta ng mga espasyo. Ang BPO tenants ay nakapagbibigay ng 6 months advance payment, samantalang ang POGO ay kayang-kaya magbigay ng 12 hanggang 24 months advance payment, kaya talaga namang tiba-tiba ang mga real estate companies sa mga ito.
Hirit ng maraming Pinoy, wala namang masama na magtrabaho ang mga Chinese sa bansa kung hindi sila mga pasaway. Subali’t hindi gano’n ang nangyayari. Makailang beses nang nag-viral sa social media ang maraming insidenteng caught-on-cam kung saan binabastos ng mga Chinese ang mga Pinoy at maging mismong mga alagad ng batas. Nagkaroon din ng isyu ng diskriminasyon sa mga Pilipino sa isang Chinese only food park sa Las Pinas City; at maging mga kaso ng kidnapping, at prostitusyon sa loob ng POGO sector.
Kamakailan ay pumutok ang “Pastillas Scandal” na kinasasangkutan ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI). Sa isang Senate hearing, ibinulgar ni Senador Risa Hontiveros ang naturang modus kung saan nagbibigay ng PHP10,000 padulas ang ilang Chinese POGO workers sa mga tauhan ng BI para sila ay makapasok at makapagtrabaho sa Pilipinas kahit walang permit. Ang naturang suhol ay iniaabot sa mga immigration personnel nang narolyo at nakabalot sa papel na parang pastillas. Ayon kay Hontiveros, pumapalo na sa PHP10 bilyon ang nakukurakot ng mga tiwaling tauhan ng BI mula 2016.
WALONG Chinese nationals ang inaresto ng Philippine National Police noong Nobyembre dahil sa pag-kidnap sa mga empleyado na nagtatrabaho sa isang Philippine Offshore Gaming Operator. Ang ganitong uri ng POGO-related crime ay isang ikinababahala ng maraming Pinoy. (Photo courtesy of PNP-AKG)
POGO REGULATION, IKINASA
Dahil sa mga kaso ng corruption, extortion, kidnapping, Nais i-regulate ni Pangulong Rodrigo Duterte and POGO sa bansa. Sinibak din niya ang 19 na BI personnels na sangkot sa “Pastillas Scandal.”
“I have been insisting on the ouster of all who are connected (to the illegal scheme). I think we have terminated, but there will be more. I think mayroon atang napaalis na but they should be replaced, all of them,” sabi ni Duterte, na minsang nagpahayag ng galit sa sugal.
“It’s a game for the overseas Chinese, but the thing is, this kind of, especially gambling, breeds so many things: corruption, increase in crimes of extortion and kidnapping. If you add more to this number, presently operating, you will not be able to police them all. So you have to set a number for that. It cannot be in every town and city about so many POGO games going on,” wika pa ng Pangulo.
Maging ang China mismo ay sinimulan nang tutukan ang mga POGO, na pinamumugaran umano ng ilang mga sangkot sa mga illegal activities, na tumatakas mula sa kanilang bansa. Handa din silang makipagtulungan sa gobyerno ng Pilipinas na resolbahin ang problemang ito.
“To crack down on cross-border telecom fraud, [China’s] Ministry of Public Security has obtained a list of Chinese nationals suspected of committing long-term telecom fraud crimes abroad, who are classified as the persons prohibited from exiting China,” pahayag ng Chinese Embassy in Manila.
Ayon naman sa Bureau of Internal Revenue (BIR), mayroong P27 bilyon na tax liabilities na di pa nako-kolekta mula sa POGO sector. Sinampolan nga ng ahensya ang kanilang crackdown sa mga pasaway ng offshore gaming companies nang ipinasara nito ang Synchronization Anywhere For You, Inc., sa Pasay City, na may PHP114 milyong utang sa pamahalaan.
Hirit naman ng ilan, lalo na ang mga nasa real estate sector at mga landlords, hinay-hinay lang sa paghihigpit sa mga POGO dahil maaring magkaroon ito ng negatibong impact sa kanilang negosyo. Pero para kay Senator Sherwin Gatchalian, dapat mas unahin pa rin ng pamahalaan na pangalagaan ang seguridad ng mas nakararaming mga Pilipino.
“The situation now, as it seems, the POGO two years ago and the POGO now has typically changed. In the beginning, my sentiment is different because you see, the POGO coming here, there’s employment, there’s taxes but now, with the crime coming here, my views are totally different now. The situation has changed and we want to protect our own people from criminal syndicates coming here,” aniya.
“First option is to enforce, meaning, collect taxes, arrest the criminals. Two, if things are not happening, then we have to think whether to continue to allow POGO or not.”