Ni: Louie C. Montemar
NAGSULPUTAN na naman ang mga political dynasties —ilang pamilyang may hawak ng kapangyarihan sa larangan ng politika sa bansa. Sila iyong mga may mga miyembro na nasa poder nang makailang ulit na at nagpapasalin-salin na ng kapangyarihan sa ilang magkakasunod na henerasyon.
Sa aklat na “Political dynasties and poverty: Evidence from the Philippines,” ipinakita ng mga Pilipinong social scientist na sa mga lugar kung saan naghahari ang mga political dynasties, karaniwan ding talamak ang katiwalian at matindi ang kahirapan. Sa madaling salita, hindi kaaya-aya ang epekto ng pagkakaroon ng mga political dynasties. Hindi sila nakatutulong sa pagyabong ng demokrasya at kaunlaran sa kalaunan ang mga ito.
Sa mga naunang pag-aaral na ginawa na hinggil sa mga political dynasty sa Kongreso, gaya halimbawa ng mga naisulat ni Dr. Julio C. Teehankee, na naging kasapi ng Komisyon na itinalaga ni Pangulong Duterte upang gumawa ng draft ng bagong Konstitusyon, lumalabas na mahigit sa walumpong porsiyento ng mga umupo nating mga kinatawan sa buong bansa ang mula sa mga political dynasty. Masasabi na isa itong dahilan kung bakit patuloy na mabagal ang pag-akda at pagpasa ng mga reporma sa ating mga batas.
Sa kabila nito, ayon na rin sa isa sa mga nagsulat ng nabanggit na aklat, si Dean Ronald Mendoza ng Ateneo University, may paraan naman para harapin ang hamong ito ng political dynasties. Para sa kanya, napakahalaga dito ng edukasyon, kasama na ang voters’ education, at reporma sa mga batas panghalalan. Kung gayon, aniya kailangan sa kagyat na panahon at sa pangmatagalan, ang pagkilos para mabuwag ang mga political dynasty, lalong-lalo na iyong mga tiwali at hindi nakakapagsulong ng makabuluhang pagbabago.
Paano na sa midterm elections sa 2019, kung saan halos walang pagpilian ang mga botante at naglipana ang mga political dynasty na nag-ugat na sa sistemang politikal ng bansa? Sagot nga ng isang grupong may adbokasya laban sa mga pamilyang ito: “Isa lang kada angkan! Iba naman! Hindi family business ang pwesto sa gobyerno.”