Mga kaso ng naputukan noong selebrasyon ng Bagong Taon, bumaba na.
Ni: Jonnalyn Cortez
PARTE na ng tradisyon ng mga Pilipino ang pagpapaputok tuwing magpapalit ang taon. Ngunit sa kabila ng kasiyahang dala nito, marami ring kaakibat na disgrasya ang paggamit nito.
Taon-taon, hindi nawawalan ng mga kaso ng mga naputukan tuwing selebrasyon ng Bagong Taon. May napuputulan ng kamay, daliri at minsan pa nga ay nabubulag at nalalason.
Bunsod nito, matagal nang nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag-deklara ng total firecracker ban sa buong bansa kung siya lang ang masusunod.
Sa katunayan, sinabi niya na maaaring maglabas ng bagong utos na magbabawal sa paggamit ng paputok. Kapag natuloy ito, mababago ang Executive Order No. 28 na nililimitahan ang paggamit ng mga paputok sa community fireworks display areas.
“I will issue an executive order para warning na sa lahat that I am banning firecrackers altogether,” wika ng Pangulo.
Matatandaang eksaktong isang taon na mula nang sabihin ng Pangulo na nais niyang magpasa ang Kongreso ng batas na magbabawal sa paggamit ng paputok at pyrotechnics.
Secretary Francisco Duque III iminungkahi ang masinsinang pag-uusap ukol sa firecracker ban.
Noong Oktubre ng nakaraang taon, inutusan ni Duterte ang Philippine National Police (PNP) na isara ang mga iligal na pagawaan na nagbebenta at gumagawa ng mga paputok at pyrotechnic devices. Iniutos din niya na hindi maaaring bigyan ng bagong lisensya o permit ang industriya ng paggawa nito hangga’t hindi nasusuri kung kumpleto ang kanilang mga dokumento at sumusunod sila sa batas.
Sinang-ayunan naman ng Department of Health (DOH) ang hakbang na ito at sinasabing ito ang dahilan ng pagbaba ng mga kaso ng fireworks-related injuries sa 77 porsyento noong 2018.
Total firecracker ban, iminumungkahi.
Matagal naman nang ikinakampanya ng EcoWaste Coalition ang firecracker ban sa kabuuan ng bansa. Katulad na lamang ng Davao City, kung saan matagal nang ipinagbawal ang pagpapaputok, sinabi ng grupo na maaari ring ipatupad ito sa iba pang lungsod.
Sa ngayon may ilang mga siyudad na ang nagpapatupad na ng firecracker ban.
Ang Las Piñas City ay mayroong City Ordinance No. 1484-17, na nagbibigay kapangyarihan sa Las Piñas City Police na kumpiskahin ang anumang uri ng iligal na paputok at bantayan at imbestigahan ang mga paglabag sa ordinansa.
Inatasan naman ng gobyerno ng Zamboanga City ang kapulisan na ipatupad ang total firecracker ban ordinance at hulihin maging ang mga kabataan na sumusuway dito upang masigurong maiiwasan ang mga firecracker-related accidents. Ipinagbabawal din dito ang fireworks displays sa ilalim ng Ordinance No. 431 o ang Firecracker Ban Ordinance of 2014.
Meron ding ganitong ordinansa sa Quezon City, ang City Ordinance No. SP 2618 na nagbabawal sa paggamit ng paputok at iba pang pyrotechnic devices sa lahat ng pampublikong lugar tuwing may pagdiriwang at sa anumang okasyon.
Pagbebenta ng paputok maaaring ipagbawal na sa buong bansa.
Malungkot na balita para sa ‘Fireworks Capital’
Umani naman ng iba’t-ibang reaksyon ang balak ni Duterte na nationwide total firecracker ban mula sa probinsya ng Bulacan na kilalang “Fireworks Capital” ng bansa.
Sinabi ni Malolos City Mayor Christian Natividad na ang pahayag ng Pangulo ay kabilang sa “inherent powers of the state and the police,” kaya’t wala silang magagawa kundi sundin ito.
“If the government uses these powers, it is incumbent for us to follow the order of the highest official of the land,” wika nito.
Isa namang malungkot na balita ito para sa mga fireworks manufacturers and sellers sa Bulacan, ayon kay Vice Governor Daniel Fernando.
“Many will surely be affected and lose livelihood opportunities because of the total ban on firecrackers,” sabi nito.
Bilang presiding officer ng provincial council ng Bulacan, aatasan ni Fernando ang mga miyembro ng konseho na pag-aralang mabuti ang utos ng Presidente.
Sinabi rin nitong mag-aapila sila na ipatupad lamang ang total ban sa mga paputok at hindi sa mga fireworks o mga produktong pailaw.
Dagdag naman ng presidente ng Fireworks Association of the Philippines na si Joven Ong, na sa kaniyang pagkakaintindi, ang sinasabi ng Pangulo ay ang pagtingin ng Kongreso sa mga “pros and cons” ng pagbabawal ng paputok.
Magbibigay na lamang daw ito ng pahayag kapag nasa ilalim na ng deliberasyon ang nasabing usapin.
Sa karagdagan, sinabi naman ng presidente ng Philippine Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association Inc. na si Lea Alapide na babasahin muna nito ang executive order bago magbigay ng reaksyon.
Batay sa datos ng Bulacan Polytechnic Regulatory Board (PRB), nagbibigay ng livelihood opportunities ang industriya ng paputok sa halos 100,000 katao sa lungsod. Sa tantya rin nito, halos 20,000 indibidwal ang direktang nakinabang dito noong 2017.
Gayunpaman, ibinahagi ng mga fireworks stakeholders, na ang lokal na industriya ng paputok ay nakararanas ng malaking pagbagsak ng produksyon. Pawang ilang malalaking pagawaan, na may kakayanang gumamit ng mga high-tech devices, safer mode at gumagawa ng pyrotechnics at aerial displays, na lamang ang natitira at maging sila ay nahihirapan na panatilihing buhay ang industriyang ito.
Pangkabuhayang programa sa manggagawa ng paputok
Nabanggit ni Duterte sa dating Cabinet meeting na nais nitong gumawa ang Department of Trade and Industry (DTI) ng alternative livelihood program para sa halos 75,000 indibidwal na nasa industriya ng paputok na maapektuhan ng posibleng total firecracker ban, na siya namang sinang-ayunan ng DOH.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi madaling maipatupad ang pangkalahatang pagbabawal ng mga paputok dahil na rin kailangan muna nilang makapagbigay ng alternatibong pangkabuhayan para sa mga manggagawa.
“We cannot be reckless. We have to be clear about the alternative livelihood programs for people who will be displaced because of the ban. That is the more compelling reason that we need to look into,” wika nito.
Dagdag pa niya, kailangan ng masinsinang pag-uusap tungkol sa isyung ito kasama ang mga opisyal ng Department of Trade and Industry, Department of Labor and Employment at Department of Finance dahil na rin sa malawak na implikasyon nito.
Ngayong taon, nakapagtala ang DOH ng 139 firecracker-related injuries. Bumaba ito ng 68 porsyento kumpara sa mga kasong natala noong 2018.