Ni: DV Blanco
SA nakaraang artikulo pinaghambing at pinaghalintulad natin ang mga katangian at sangkap ng isang presidensyal at parlyamentaryong anyo ng pamahalaan sa aspeto ng sangay ng gobyerno, prinsipyo, doktrina, kapangyarihan, panunungkulan at paraan ng pagpapatalsik sa pinuno ayon sa Saligang Batas. Ang mga susunod namang talakayan ay iikot sa mga advantages at disadvantages ng presidensyal at parlyamentaryong pamahalaan para makamit ang adhikain at pantay na pananaw kung ano nga ba ang nararapat o angkop na anyo ng pamahalaan para sa mamamayang Pilipino.
Sa aking pananaw, ang mga ilan sa advantages ng presidensyal na pamahalaan ay ang mga sumusunod: 1) nagagarantiyahan nito ang awtonomiya at kalayaan ng bawat sangay ng gobyerno (ehekutibo, lehislatibo at hudikatura) na tupdin ang kanilang mga partikular na gampanin, 2) sinisiguro nito na my hangganan at limitasyon ang kapangyarihan ng bawat sangay ng pamahalaan, at 3) nagbibigay ito ng kapangyarihan sa mga mamamayan na mamili ng pinuno ng gobyerno.
Samantala, ang ilan sa mga disadvantages nito ay 1) nagtutunggali at nagbabanggaang posisyon at interes ng mga sangay ng pamahalaan lalo na sa pagitan ng pangulo at kongreso o kaya’y sa pagitan ng mga miyembro ng mababang kapulungan o ng mga kongresista at mataas na kapulungan o ng mga senador hinggil sa kung anong batas, proyekto at programa ang ipapasa at isasakatuparan, 2) malaking posibilidad nitong masangkot sa paraang hindi naaayon sa itinalagang paraan sa Saligang Batas sa pagpapatalsik ng pangulo tulad ng kudeta o military adventurism at lakas sambayanan o people power at, 3) ang sobra at labis na kapangyarihan ng pangulo batay sa Konstitusyon ay nagiging daan para ma-consolidate at ma-centralize ang kapangyarihan sa kamay niya at ng kanyang pamilya at ilang malalapit na kaalyado, kaibigan at katiwala.
Ang mga ilan naman sa advantages ng parlyamentaryong pamahalaan ay ang mga sumusunod, 1) madali ang pagsulong ng mga batas, programa at proyekto dahil nagkakaisa ang istruktura ng liderato ng sumusulat (lehislatibo) at nagpapatupad (ehekutibo) nito, 2) sinisiguro at pinanatili nito na ang punong ministro ay maging matalas ang pag-iisip, magaling at mahusay dahil kahit anong oras ay pwede siyang mapaalis sa pwesto ng mekanismo ng pagboto ng kawalang tiwala o vote of no-confidence at ang oras ng pagtatanong o question hour ng mga miyembro ng parlyamento at, 3) wala gaanong pagkakakataon na mapalitan ang punong ministro sa pamamagitan ng kudeta at lakas sambayanan dahil ang bomoto o pumili dito ay ang mga miyembro ng parlyamaneto at hindi ang mga taumbayan o militar.
Ang mga disadvantages naman ng parlyamentaryong gobyerno ay,
1) maaring magsabwatan at magsanib ng puwersa ang punong ministro, ang kanyang gabinete at mga miyembro ng parlyamento na kanyang kaalyado para i-consolidate ang kapangyarihan, sa kanilang grupo, 2) isinasantabi nito ang kakayahan ng taumbayan na bumoto at pumili ng kanilang pinuno sa gobyerno na sa palagay nila ay karapatdapat sa puwesto at, 3) Ikinokompromiso nito ang regularidad at stabilidad ng pamumuno at pamamahala dahil sa mabilis na pagpapalit ng punong ministro.
(Itutuloy)