Pinaaalalahanan ng Palasyo ang taumbayan sa posibleng peligro na dala ng Tropical Depression Maring at Bagyong Lanie.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, kailangang maging handa ang lahat para makaiwas sa mga panganib na dala ng sama ng panahon.
Pinayuhan ni Andanar ang publiko na tumutok sa updates ng mga ahensiyang pamahalaan kaugnay sa bagyo tulad ng PAGASA at NDRRMC pati na rin ang mga himpilan ng radyo at telebisyon.
Hindi kailangan aniya na maging pasaway ang publiko at mainam na makinig at sumunod sa mga paalala at announcement ng kanilang mga local chief executive.
Una nang naganunsiya ng PAGASA na nag-landfall ang Bagyong Maring kaninang umaga sa Mauban, Quezon at patungo na sa direksiyon ng Luzon.
Dadaanan din ng Bagyong Maring ang Manila Bay na hahagip sa Metro Manila patungo sa Bataan at Zambales ayon na rin sa PAGASA.
Ang Bagyong Lanie naman ang nasa bahagi ng Batanes.