Ni: Hannah Jane Sancho
Pinayuhan ng Malakanyang ang mga magulang na paalalahanan ang kanilang mga anak na lumayo sa mga iligal na aktibidad at huwag sumama sa mga kahina-hinalang mga tao.
Ang mensahe na ito ng Palasyo ay sa gitna ng napaulat na ilang serye ng pagpaslang sa mga kabataan na natatagpuan sa funeral parlor o tinatapon sa mga ilog.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, mainam na magkaroon ng malakas na relasyon ang mga magulang sa kanilang mga anak upang malayo ito sa mga masasamang impluwensiya.
Umani ng kritisismo ang anti-drug war operations ng Malakanyang matapos masangkot ang caloocan city police sa pagkakapaslang kina dating UP student Carl Arnaiz at ang mga menor de edad na sina Kian delos Santos at Reynaldo de Guzman.
Aminado ang Palasyo, na kailangan repasuhin ang ginagawang hakbang ng pamahalaan sa pagpapatupad nito ng kampanya kontra iligal na droga matapos ang serye ng pagpatay sa ilang kabataan.