Ni: Edmund Gallanosa
PAGKILALA sa Pilipinas at ang henerasyon ng mga makabagong Pilipino at ang sigla nilang palakasin ang ating bansa sa lahat ng larangan ng progreso ay nagbubunga ng tagumpay at positibong resulta sa karamihan sa ating mga kababayan.
Noon, ang Pilipinas ay kilala bilang isang ‘third-world developing country,’ subalit sa kasalukuyan ay unti-unti na itong umuusad pataas sa mga listahan ng mga bansang kinakikitaan ng mabilis na pagganda ng ekonomiya, progreso sa mga mamamayan at ibayong stabilidad sa mga komunidad sa iba’t ibang sulok ng bansa, pati na sa lokal na pamahalaaan, na siya namang bumubuo sa kapuluan ng bansang Pilipinas.
Nitong mga nakaraang buwan, binulabog tayo ng isang hamong guluhin ang katahimikan ng bansa nang subukan ng mga bandidong Abu Sayaff at ISIS ang rehiyon ng Mindanao. Malaking kabawasan ito sa kita ng bansa sapagkat apektado ang turismo sa lugar at higit sa lahat, nagbago ang buhay ng mga taga-Marawi City sa sinapit ng kanilang lugar. Wasak ang mga ari-arian at nawala ang mga negosyo. Gutom at hinagpis ang iniwan ng mga bandido. Subalit hindi sila nagtagumpay. Nangibabaw ang pagmamahal sa bansa, dahil sa tapang, nagwagi ang sandatahang lakas ng Pilipinas laban sa mga bandido.
HINDI PASASAKOP SA MGA TERORISMO
Ngayon pilit bumabangon ang mga taga-Marawi City sampu ng kanilang mga karatig-pook na naapektuhan ng nagdaang giyera, dahil na rin sa pagsusumikap ng mga kababayan natin at sa ayuda na din ng pamahalaan ng Pilipinas.
Binantayan nang maigi ng mga ibang bansa ang labanan sa Mindanao. At marami ang nagdiwang nang manaig ang ating gobyerno’t mga sundalo. Dahil dito, dagdag sa puntos ito sa bansa natin bilang isa sa Asya na maikukunsiderang Pro-Democracy at hindi basta-bastang papasakop sa terorismo na galing sa ibang lupalop.
Isang malaking latay ito sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang makapasok at manggulo ang mga terorista. Subalit nanaig ang mga Pinoy at hindi nagpasakop. Dumaan ang ilang bagyo, nakabangon pa din tayo. Likas na sa mga Pilipino ang magaling bumangon mula sa pagkakadapa.
KILALA BILANG LITTLE AGGRESSIVE ECONOMIC DRAGON
Iba ang sigla ng mga Pinoy ngayon. Aminin man natin o hindi, napakalaki ng pagkakaiba ng pagpapalakad ng gobyerno natin ngayon kumpara noong mga nakaraang administrasyon. Naitaas nang malaking antas ang mga pasahod lalo na sa mga guro, alagad ng batas at mga sundalo. Kahit papaano, dumagdag ito sa pagtaas ng morale ng mga nagbibigay serbisyo-publiko. Nadagdagan ang pantustos nila sa mga pang-araw-araw na pangangailangan lalo na ng kanilang mga pamilya.
Ang mga bagong henerasyon ng mga manggagawa, kasama na ang ating mga ‘bagong bayani ay kinakikitaan din ng sigla. Nagawa ng isang pangulo sa tulong ng mga mambabatas na matanggal ang pabigat na buwis sa mga mabababa ang sahod; mabawasan ang buwis ng mga nasa gitnang antas na manggagawa, at buwisan ng sapat ang mga malalaki ang kinikita at mayayaman. Sa mga OFWs, maraming programa ang inilaan sa kanila upang mas lalong mapaayos ang kanilang pa-nanatili sa ibang bansa upang makipagsapalaran, proteksyonang maigi ang kanilang kapakanan at mapalayo sila sa mga nakaakmang peligro at pagmamalupit. Masugid na nakikipag-ugnayan ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno na tumututok sa ating mga OFWs.
Patuloy ang paghahanap ng gobyerno ng ibang merkado, upang mailako ang galing at kakayanan ng ating mga kababayan. Sa katunayan, kamakailan ay dumagdag pa sa mga ‘demands’ ng ibang bansa ang pagkuha ng Tsina sa ating mga kababayan bilang English-speaking teachers para sa kanilang mamamayan. Sa unang pagkakataon, ito na ang maituturing na pinakamalaking demand ng Filipino teachers sa ibang bansa, at malaking karangalan ito sa ating mga guro sapagkat nakikilala ang kanilang galing sa pagsalita ng Ingles na maaaring ipantapat sa mga native speaker ng salitang Ingles mula sa America at Europa.
SUMIGLA ANG EKONOMIYA
Higit sa lahat, ang ating ekonomiya ay kinakitaan din ng sigla, bunga ng pagsusumikap ng mga kumpanya sa bagong henerasyon at bagong pamunuan. Kabi-kabila ang patuloy na paglaki ng mga dating industriya, at patuloy din naman ang pagdami ng mga bagong mapagkikitaan at nagnanais magnegosyo.
Sa katunayan, noong nakaraang taon lang ay napabilang ang Pilipinas bilang ikasampu sa pinakamabilis umangat na ekonomiya sa buong mundo.
Mabilis ang arangkada ng progreso ng Pilipinas na pumapalo sa 6.5 bahagdan paakyat ng 7.5 bahagdan. Nakakagulat na dalawang beses ang bilis nito kumpara sa long term growth na inaasahan sa ating bansa. Sa unang tatlong quarter ng huling taon, nanalasa sa 6.7 bahagdan ang progreso ng Pilipinas. Hinigitan pa nito ang Tsina sa ganda ng itinatakbo ng industriya sa ating bansa.
Iba na ang Pinoy!
Dahil sa pinalawig at pinagandang tax reform program at iba’t ibang proyekto sa imprastraktura, kasabay pa ng tuloy-tuloy na daloy ng mga remittances ng ating mga OFWs, ang tumataas na consumer spending ng mga mamamayan at pagdami ng mga international-owned at local call centers na ‘very promising’ ang mga pasahod, inaasahang lalagpasan pa ang naabot na $311 bilyon kita ng nakaraang taon.
‘Big time player’ pa din at numero uno sa pagpapaganda ng ating ekonomiya ang mga kita ng ating mga manggagawa sa ibang bansa. Dahil sa dedikasyon ng mga Pinoy sa kanilang tungkulin, mapa-seaman pa sila, nurse o caregiver, todo-bigay sa dedikasyon ang mga pinoy. Kaya nga naman nawiwili ang mga karamihan sa mga dayuhan na tanggaping muli ang serbisyo ng ating mga kababayan, at hindi ipagpapalit sa iba.
Magaling ang mga Pinoy, saan mang industriya sila isabak, lalaban, magtitiyaga, nagmamahal sa trabaho ang karamihan. Kaya naman mabilis umasenso ang Pinoy sa ibang bansa. Sana nga lang, tularan ‘yan ng ating mga kababayan na nasa bansa lamang o ‘dili kaya, impluwensiyahan ng ating mga kababayan na nakapagtrabaho sa ibang bansa na ang pagmamahal sa tungkulin ay sinusuklian nang higit pa sa inaasahan. Malaking bagay ang mamarkahan kang magaling—dahil maaari mong maipagmalaki sa iyong kababayan at sa iyong pamilya.