Ni: Jonnalyn Cortez
Handa na si Jerwin Ancajas na sungkitin ang International Boxing Federation super flyweight crown ngayong taon. Tatlong beses susubukan ng 28-taong-gulang na manlalaro na panalunan ang naturang titulo na magsisimula sa Marso sa Estados Unidos.
Hindi pa naman tiyak kung sino ang makakalaban ni Ancajas. Ayon sa mga ulat, naghahanap pa si MP (Manny Pacquiao) Promotions President Sean Gibbons, na isa ring international matchmaker, ng pinaka-mahusay na katunggali.
Sa kabila ng nagdaan na Pasko at Bagong Taon, hindi naman hinayaan ni Ancajas na mapabayaan ang kanyang sarili. Matapos ang holiday season, agad nitong inihanda ang kanyang jogging suit at sinimulang tumakbo upang umpisahan ang kaniyang pisikal na preperasyon para sa mga darating na laban.
Kung matatandaan, tinalo ni Ancajas ang kanyang katunggaling Chilean na si Miguel Gonzales noong Disyembre 7, Disyembre 8 naman ito sa oras sa Pilipinas, sa Puebla City, Mexico. Matapos nito, sinamantala ng boksingero ang holiday season upang makasama ang kanyang pamilya sa Survival Camp sa Barangay Rodqiguez, Magallanes, Cavite.
Bilang pagtanaw ng utang na loob sa kanyang mga taga-suporta, nagsagawa si Ancajas at ang kanyang chief trainer na si Joven Jimenez ng isang boxing tournament para sa mga boksingero sa Survival Camp sa Rodriguez covered basketball court, kung saan namigay din s’ya ng mga pagkain at regalo.