PROTEKTAHAN ang iyong bank account laban sa mga hackers.
Ni: Ana Paula A. Canua
HALOS lahat sa atin ngayon ay gumagamit na ng Internet para magbayad ng bills, mag money transfer, magpa-reserve sa hotel o restaurant, at bumili ng tiket. Mas pinadadali ng online banking ang proseso sa pagbili at pag-iipon, kaya naman marami sa atin ang tinatangkilik ito.
Simple lamang, hindi na kailangang pumila at magpresent ng valid ID, tanging account information lamang ang kailangan upang ma-access ang lahat ng online transactions na ito sa credit, debit card payments o kahit sa money transfer.
Upang maprotektahan ang pera at ipon ng mga kliyente ng bawat banko, mayroong security encryption na sinusunod ang mga ito.
Ngunit gaano man kahigpit ang seguridad may paraan pa rin ang mga masasamang loob tulad ng mga sindikato para makuha at manlimas ng pera ng iba. Narito ang ilang uri ng bank account hacking at ilang online security measures na pwedeng gamitin para maiiwasan ang mga ito.
PROSESO ng session hijacking.
-
PHISHING. Ito ay paraan ng paghack ng password at login details gamit ang isang website. Ang phish websites ay pekeng mga websites na
karaniwang kinokopya ang mga orihinal na websites. Ngunit paano malalaman na nasa phish website ka pala? Ang tanging paraan lamang ay suriing mabuti kung tama ba ang address bar link o ang mismong pangalan ng URL.
Paano makakasigurado na nasa original kang URL? Maaring mag-install sa iyong computer o cellphone ng web security tool bar gaya ng AVG at Crawler Web security tool bars.
-
TROJANS. Isang uri ng computer virus na maaring makakuha ng inyong impormasyon. Maari kayong mabiktima ng Trojans sa dalawang paraan —sa pamamagitan ng keyloggers at RATs o remote administration tools.
Ang keylogger ay paraan ng mga hackers para mamonitor nila ang galaw sa inyong keyboard at ang lahat ng inyong pinipindot na letra, numero at simbolo. Samantala gamit naman ang RAT, kayang komonekta ng hacker sa inyong computer system na hindi ninyo nalalaman. Paano makakaiwas dito? Siguraduhin na laging updated ang inyong antivirus software. Maaari rin na mag-install ng keyscrambler na iniiba-iba ang inyong keystrokes log.
Kapag nakapasok ang Trojans ang tanging paraan lamang ay i-format ang system, ibig sabihin buburahin mo ang lahat ng records at data na nasa inyong computer o cellphone.
-
SESSION HIJACKING. Ito ay paghack gamit ang wireless networks o ang mismong Internet.
May kakayahan ang mga hackers na kontrolin ang inyong internet data transfer. Naranasan niyo na ba na mapunta sa ibang website gayong gmail o facebook naman ang URL na inyong tina-type? Kung oo, agad na isara ang website at magdisconnect muna sa Internet. Maigi rin kung i-hide sa inyong Internet setting ang SSID o ang BSSID network, upang maiwasan na matrack ka ng hackers.
HUWAG basta-basta ibigay ang detalye ng iyong bank account sa mga ‘suspicious websites’.
Narito ang iba pang paraan upang maprotektahan ang inyong online bank accounts.
- Protektahan ang inyong password o PIN, tiyakin na walang makakakita sa tuwing magtatype kayo. Maari rin na mag-install ng password manager gaya ng Pro”Dashlane 4,” “LastPass 4.0 Premium,” “Sticky Password Premium,” at “LogMeOnce Ultimate,” upang mamonitor ang inyong login details at malaman kung kailan at kung may nagtangka ba na hulaan ang inyong passcode.
Ugaliin din ang pagpapalit ng passcode ilang beses kada taon.
- Huwag magbubukas ng email scams o spams, gaya halimbawa kung makatanggap ka ng notification na nahack ang inyong bank account at kailangang iverify ang inyong impormasyon. Kapag nakatanggap nito huwag buksan ang link sa halip ay tumawag o pumunta sa bangko upang makasigurado sa seguridad ng account.
- Kung ichecheck ang account huwag gumamit ng public Wifi. Magduda lalo na sa mga wifi na walang password.
- I-verify ang web address. Tiyakin na nasa orihinal na online banking system, icheck
ang URL kung ito ba ay tama. Isa sa mga tips upang malaman na nasa original website ay “https” ang simula ng URL at hindi “http”, isang letra man ang pinagkaiba, malaking isyung seguridad naman ang nakasalalay.
- Maglagay ng passcode sa inyong phone o computer. Paano na lamang kung nanakaw o hindi kaya ay may nangialam ng inyong cellphone? Ang paglalagay ng code sa mismong telepono ay unang hakbang upang pangalagaan ang inyong seguridad.
- Madalas na icheck ang inyong account, maigi kung ilang beses sa isang linggo.
- Mag-logout sa account kapag tapos ng gamitin ito.
- Mag-install ng anti-virus at tiyakin na lagi itong updated.
- Huwag bumisita sa mga kahina-hinalang websites.
- Huwag magdownload ng kahina-hinalang files.
Maiigi rin na magkaroon ng multiple bank accounts sa iba’t ibang bangko. Kapag malaki na ang ipon, ihiwalay ito sa iba’t ibang bank accounts. Tandaan na mainit sa mata ng mga hackers ang malaking pera, maari na maging target ka kung alam nila na malaki ang kanilang makukuha.
Isaalang-lang din ang pagkakaroon ng ibang paraan ng investments, hindi lamang sa pera, mag-invest din sa lupa, bumili ng ari-arian o hindi kaya ay mag-invest sa stocks.