NI: ATTY. JUVIC C. DEGALA
KAMAKAILAN lamang ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 28 Series of 2017, na ang opisyal na pamagat ay “Providing for the Regulation and Control of the Use of Firecrackers and Pyrotechnic Devices.”
Layunin ng kautusang ito ang mahigpit na regulasyon sa paggamit ng paputok upang maiwasan ang mga pinsala sa buhay, kapakanan at ari-arian ng mga mamamayan. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na mataas ang bilang ng mga napipinsala dahil sa maling paggamit o kaya naman ay depektibong paputok.
Kadalasan, sa tuwing pagsalubong sa Bagong Taon ay marami ang nasusugatan kaugnay ng paputok. Kapag minalas pa ay may namamatay o kaya’y nasusunugan ng bahay. Taun-taon itong nangyayari at walang kongkretong hakbang ang ginawa upang maiwasan ang ganitong mga pangyayari. Ang nababalitaan natin ay naka-red alert ang kapulisan, ang mga ospital at mga pamatay- sunog tuwing panahon ng Kapaskuhan hanggang Bagong Taon.
Naging mahigpit din ang pag-iikot ng mga awtoridad upang tingnan na ang mga ipinagbabawal na uri ng mga paputok ay hindi nagagawa at naibebenta. Sinisiguro ring ang kalidad ng mga paputok ay mataas upang maiwasan ang mga depektibong nakapagdudulot ng aksidente. Subalit kahit na anong sigasig sa pagpapatupad ng mga batas ay mataas pa rin ang bilang ng napipinsala dahil sa paputok.
Noong ang ating pangulo ay alkalde pa ng Davao City ay nakita na niya ang suliranin sa paputok. Total ban ang naging solusyon niya rito. Ngayon at siya na ang pangulo, nauunawaan niya na kapag ipinatupad ang total ban ay marami ang mawawalan ng hanapbuhay at ayaw naman niyang gawin ito. Partikular na tatamaan ay ang Lalawigan ng Bulacan, kung saan ay nakabase ang maraming gumagawa ng paputok na tanyag sa buong bansa. Ito ang dahilan kung bakit sa halip na pangkalahatang pagbabawal ay mahigpit na regulasyon ang kanyang ipinag-utos.
Batay sa EO 28, pinapayagan pa rin ang paggawa at pagbebenta ng mga paputok subalit gagamitin lamang sa ‘community fireworks display.’ Nakatakda sa nasabing kautusan na ang paggamit ng paputok ay kaugnay ng selebrasyon ng okasyon o may paligsahan o kahalintulad na pagtitipon at gagawin sa isang lugar na wala o malayo sa mga kabahayan. Ang paggamit ay dapat nasa ilalim ng superbisyon ng kuwalipikadong tao na may lisensiya mula sa Philippine National Police (PNP). Kinakailangan ding kumuha muna ng permit mula sa pamahalaang lunsod o bayan at malinaw na nakalagay kung saan, kailan at anong oras ang paggamit na kinakailangang nakasunod sa umiiral na mga batas at alituntunin.
Iwasan natin ang magreklamo nang magreklamo dahil maganda ang layunin ng batas. Kongkretong solusyon ito sa mga pinsalang nagaganap kaugnay ng paggamit ng paputok. Maiiwasan na rin ang mga awayan, lalo na ng magkakapitbahay na may kinalaman sa nakabubulahaw na mga paputok.