Bunsod sa anti-drug campaign ni Pres. Duterte magmula noong 2016 ang simula ng pagtaas ng bilang ng female detainees sa QC jail.
Ni: Maynard Delfin
NAKAABANG na ang pagbabago sa Enero ng susunod na taon kapag natapos na ang pagpapatayo ng P58-milyong pasilidad para sa Quezon City (QC) jail sa tabi ng lumang kulungan.
Sinimulan ang proyektong ito noong Nobyembre 2017 mula sa pondo ng Quezon City.
Sa kasalukuyan, lubhang napakaliit ang espasyong nakalaan para sa mga babaeng bilanggo. Nakapanlulumo ang siksikan sa mga selda. Batay sa mga datos, higit isang libong kababaihan ang naghahati-hati sa limitadong kwarto sa Quezon City Female Dormitory sa Camp Karingal.
Ang bilang ng bilanggo sa dormitoryo ay dapat 90 lamang. Tinatayang ang paglobo ng populasyon sa mga kulungan ay bunsod ng kampanya laban sa droga na sinimulan ng Duterte administration noong 2016.
Pagsugpo sa droga ng rehimeng DU30
Naniniwala si Presidente Duterte na ang mga detention centers at mga bilangguan ay dapat magsilbilng paalala na mahirap mabuhay sa mga lugar na ito bilang babala sa mga nagbabalak gumawa ng krimen, drug dealers at users.
Ipinagdiinan niya na sa pamamagitan ng pagpapakulong sa mga kriminal, matututo sila sa kanilang mga pagkakamali at magbabayad sa kanilang sala.
Sa maraming hindi sumusunod sa batas, tulad ng mga gumagamit ng droga sa kabila ng paulit-ulit na babala at nanlalaban sa pag-aresto ng pulisya, hinihimok ng pangulo ang pagpapatupad ng batas sa marahas na paraan.
Bilang ng preso sa Pilipinas pinakamalala sa mundo
Sa isang pagsasaliksik para sa Philippine Center for Investigative Journalism ni Dr. Raymund Ang Narag, visiting professor mula sa Department of Criminology and Criminal Justice ng Southern Illinois University, isiniwalat niya ang nakapanghihilakbot na datos na kaniyang nalaman mula sa mga training seminar sa mga jail personnel at non-government organizations na nangangalaga sa kapakanan ng mga nakakulong.
Simula noong Hunyo 30, 2016, nang umupo si Duterte bilang pangulo ng bansa, ang populasyon ng mga bilanggo o Persons Deprived of Liberties (PDLs) ng BJMP ay nasa 96,000. Pagkatapos ng dalawang taon at tatlong nakaraang State of Nation Address (SONA), tinatayang may 160,000 PDLs sa kasalukuyan. Ito ay may nakalululang paglago na 64 percent sa loob lamang ng dalawang taon.
Bagong pasilidad para sa female detainees sa Quezon City jail na inaasahang makapagbibigay kaginhawahan sa lumulobong populasyon sa kulungan sa lungsod.
Female detainees di ligtas sa isyu ng congestion
Maging ang mga babaeng bilanggo ay nakakaranas din ng iba’t ibang problema sa kulungan.
Para sa mga QC female detainees, marami ang umaasang makaramdam ng ginhawa sa napipintong pagpapatayo ng bagong pasilidad na inaasahang makapagbabawas ng kalahati sa siksikan sa mga bilangguan.
Programa sa mga drug suspects
Ayon kay Supt. Marie Rose Laguyo na isang jail warden, magbibigay ang bagong pasilidad ng mas kapaki-pakinabang na rehabilitasyon at kabuhayan para sa mga bilanggong babae.
Dagdag pa niya kahit anong programa ang ipatupad kung walang sapat na espasyo at wastong istraktura hindi ito maisasagawa nang maayos. Sa kasalukuyan, nasa 1,014 percent ang congestion rate ng mga babaeng nakabilanggo sa Quezon City.
Nabanggit ni Laguyo na mabilis na lumago ang populasyon ng kulungan matapos ipatupad ni Duterte ang anti-drug campaign noong 2016. Pinaniniwalaang 90 percent ng female detainees ay sangkot sa droga.
Walang espasyo, pagkalat ng mga sakit
Lumobo ang populasyon ng mahigit sa 1,200 kababaihang nakakulong noong 2017 na nanatili sa dalawang palapag ng kasalukuyang pasilidad na nahahati sa tatlong dormitoryo.
Bunsod ng kakulangan ng espasyo, walang tamang lugar or prison cells para sa mga female detainees. Dahil dito, pinahihintulutan na lang silang magpalaboy-laboy sa mga dorm at sa pagitan ng mga kahoy na bunk bed.
Maari na rin silang kumain sa mga dorm dahil walang lugar para sa kanila sa kainan.
Para makaiwas sa posibleng nakakahawang sakit pinagsusuot sila ng masks. Isang pansamantalang istraktura ang itinayo na nagsisilbing klinika at ginagamit upang maibigay ang medikal na pangangailangan ng mga kababaihan lalo na ang mga buntis.
May mga libreng gamot at mga probisyon para sa kalinisan ang ipinatutupad gaya ng pagbibigay ng mga sanitary pad.
Bagong klinika, kantina, at bulwagan
May apat na palapag ang bagong gusali para sa 600 detainees. Makapagbibigay ito ng 15 karagdagang cells na maaaring gamitin ng 20 katao bawat isa.
Ang bagong pasilidad ay may 1,500 metro kuwadrado na pagtatayuan ng multi-purpose hall, kantina, at labahan.
Magkakaroon ng medical clinic at ihihiwalay ang mga detainee na may sakit na maaaring makahawa tulad ng tuberculosis.
Ayon kay Laguyo, sa bagong pasilidad maaari nang maihiwalay nang maayos ang pangangasiwa ng mga bilanggo gaya ng mga may sakit sa pag-iisip o mga may espesyal na pangangailangan. Maging ang mga buntis ay magkakaroon din ng maayos na pahingahan.
Livelihood programs, alternative learning
Sa bagong gusali, nabanggit ni Laguyo ang planong pagtatayo ng istraktura para sa kabuhayan o livelihood projects upang palakasin ang iba’t ibang kasanayan ng mga female detainees gaya ng candle-making, paggawa ng sabon at pagmamasahe.
Dagdag pa niya na maaaring isaayos ang lumang pasilidad para maging kaaya-ayang lugar lalo na sa mga detainees na nag-aaral sa ilalim ng Alternative Learning System ng Department of Education.
Sa kabila ng kalunos-lunos na kondisyon sa QC jail, sabi ni Laguyo napapanatili pa rin ang kaayusan sa kulungan.
Sa katunayan, sa taong ito, kinilala ito bilang pinakamagaling na bilangguan para sa mga kababaihan sa Metro Manila ng Bureau of Jail Management and Penology.
Labis na ipinagbabawal ang mga gang at walang mga riot ang naiiulat. Subalit may iilang nababalitang sabunutan at pagtatalo sa pagitan ng ilang mga nakakulong.