HINATULAN ng korte na makulong ang scientist na si He Jiankui dahil sa kanyang gene-editing experiment sa mga sanggol
QUINCY JOEL CAHILIG
HINATULANG makulong ng tatlong taon ang isang scientist sa China na gumawa ng kaunaunahang gene-edited na mga sanggol.
Pinatawan si He Jiankui ng naturang sentensya at pinagmulta ng three million yuan dahil sa kanyang paglabag sa isang government directive na nagbabawal na pag-eksperimentuhan ang human embryos.
Nagsagawa si He ng mga eksperimento kung saan binago niya ang genes ng kambal na sanggol noong Nobyembre 2018, ayon sa Xinhua news.
Hinatulan din ng korte sa Shenzhen sina Zhang Renli and Qin Jinzhou dahil sa pakikipagsabwatan nila kay He. “They’ve crossed the bottom line of ethics in scientific research and medical ethics,” ayon sa korte.
Sa isang video na kinuhanan ng Associated Press, inanunsyo ni He ang kapanganakan ng kambal na sanggol na sina Lula at Nana.
Pinageksperimentuhan ni He ang CCR5 gene ng mga sanggol para gawin silang immune laban sa human immunodeficiency virus (HIV).
“I understand my work will be controversial, but I believe families need this technology and I’m willing to take the criticism for them,” wika ni He, na sinibak din sa kanyang trabaho bilang propesor sa Southern University of Science and Technology sa Shenzhen.
Umani ang video ng negative feedback mula sa science community sa China at sa buong mundo.
Naglabas ang Chinese Academy of Science ng pahayag kung saan kinokontra nito ang gene editing sa mga tao, na siyang ginagawa ni He.
“Under current circumstances, gene editing in human embryos still involves various unresolved technical issues, [that might] might lead to unforeseen risks, and violates the consensus of the international scientific community,” nakasaad sa pahayag.