POL MONTIBON
PINALAGAN ng grupo ng mga commuters ang umano’y sobrang singil ng Angkas motorcycle taxi na nagpapabigat sa mga pasahero nito.
Ito ang inihayag ni Oliver Macatangay, presidente ng Bantay Pinoy Commuters kasunod ng ilang reklamo ng mga mananakay ng Angkas.
Kabilang umano sa reklamo ang patuloy na paglabag ng Angkas sa mga kaligtasang pangtrapiko, gaya ng hindi pagsuot ng helmet at vest ng mga rider at commuter, gayundin ang paggamit ng mahinang klase at hindi awtorisadong safety gears.
Magugunita na naghain ng petisyon ang Angkas na humihiling sa Quezon City Regional Trial Court na magpalabas ng temporary restraining order laban sa desisyon ng LTFRB na nagpapataw ng 10,000 cap sa bilang ng mga rider at pagtanggal sa motorcycle-hailing apps na Joy Ride at Move It.
Itinanggi naman ni Angkas Chief Transport Advocate George Royeca na pag-aari ng negosyanteng Singaporean ang kanilang kompanya.
Inirekomenda naman ng technical working group na binuo ni DOTr Sec. Arthur Tugade na tanggalin ang Angkas bilang isang ride-hailing app dahil sa mga naitalang sunud-sunod na paglabag ng kompanya, kasama na rito ang panlilinlang sa publiko.