Ni: Vick Aquino Tanes
TINIYAK ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na ligtas ang mga pasahero sa pagsakay sa mga pampu-blikong sasakyan na tulad ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) , LRT-2, Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), maging ang mga pampasaherong jeepney tungo sa pagbabago na matagal nang hangad ng mga Pilipino.
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, na kailangang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero ng pampublikong sasakyan dahil hindi lamang Pinoy ang sumasakay dito kundi maging ang mga dayuhan at turista.
Kaugnay nito, bukod sa Philippine National Railways (PNR) na unang tren sa bansa, sinunod ang pagtatayo ng LRT ng panahon ng 80’s pa at sa kasalukuyan ay lumagda na naman ang pamunuan ng LRT ng kasunduan upang mas mapalawak at mapabilis ang serbisyo sa publiko.
Ito ay matapos na lumagda sa isang P450 million agreement ang Light Rail Manila Corporation (LRMC)
Ayon kay LRMC President and Chief Executive Officer Juan F. Alfonso, nasa 24 na generation 2 light rail vehicles (LRV) ang kukumpunihin sa loob ng dalawang taon katuwang ang industrial company na Voith Digital Solutions Austria GmBH and CO KGH.
Layunin nito ay para sa pagkukumpuni at rehabilitasyon ng generation trains ng LRT-1 na sakaling matapos ay inaasahang magpapabilis pa sa travel time ng mga pasahero ng linya ng tren.
Sa kasalukuyan ay mayroong 51 generation-1 LRVs na binili noong 1984 ang LRT-1, walong generation-2 LRVs at 44 generation-3 na binili naman noong 2007 at nakatakdang dumating ang 120 bagong LRVs na binili ng Department of Transportation (DOTr) sa taong 2020.
Sa ngayon, ang LRT-1 ay may tatlong henerasyon ng mga tren.
Rehabilitasyon ng LRT-2
Abala ang mga tauhan ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) para sa karagdagang konstruksyon para sa west at east bound lanes sa Marcos Highway.
Sinimulan na kasi ang konstruksyon ng platform ng LRT-2 sa west at east bound lanes ng Marcos Highway para sa platform ng Emerald Station ng LRT-2.
Ayon sa pamunuan ng LRT-2, kailangan nang madagdagan ang linya ng para sa kombinyente ng mga pasahero mula sa Taguig, Pateros, Makati, Marikina, Quezon City at Pasig area na sakop ng bagong linya.
Malaki ang maitutulong ng karagdagang dalawang istasyon dahil kaya nitong pasa-kayin ang may 80,000 pasahero sa loob ng limang taong operasyon nito.
“This increased capacity of 80,000 daily ridership of the rail line will not only provide a means to decongest our roads but, more important, offer better riding options to our daily commuters. As we improve the public’s general mobility, we also unburden them from traffic worries,” ayon pa kay Tugade.
MRT-3, walanang tirik
Sinisimulan na ng pamunuan ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) ang pagkukumpuni sa mga luma at nabubuklok na bagon at motor ng mga tren matapos na isa-isang dumating ang mga inorder na piyesa mula sa bagong maintenance provider nito na Mitsubishi ng Japan.
Inaasahang madaragdagan pa sa mga susunod na araw ang bulto ng mga spare parts na gagamitin para sa pagsasaayos ng mga depektibong bagon ng MRT-3.
Kabilang sa mga supplier ng spare parts ng MRT 3 ay ang Pink Armour Corporation na kinunan ng mga spare parts para sa power at Overhead Catenary System (OCS), Linkers Enterprises para sa spare parts ng rolling stock at Nikka Trading sa spare parts ng mga depektibong tracks
Ilan sa mga piyesang inorder ay mula sa Germany, Europe at China habang ang ilan ay mula sa supplier sa bansa, ayon sa Special Bids and Awards committee ng MRT-3.
P2P Buses, aalalay sa MRT
Samantala, sa kabila ng pagkasira ng MRT-3 ay nag-laan ang DOTr ng Point to Point bus (P2P bus) sa EDSA bilang pag-alalay sa mga pa-sahero.
Sa ngayon ay marami na rin ang sumasakay sa P2P habang nasa ilalim pa ng pagsasaayos ang mga tren ng MRT.
Ayon sa pamunuan ng MRT-3, unting-unting inaayos ang mga tren at riles ng MRT-3 mula sa bagong maintenance service provider nito na kinuha ng DOTr at asahan umano ang pagbabago sa mga pagbibiyahe ng MRT-3 sa kabila ng sunud-sunod na aberyang nangyayari mula sa North hanggang Taft Avenue stations.
E-jeepney para sa Modernisasyon
Kaugnay nito, tiniyak naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na papasada na bago matapos ang taon, ang mga bagong e-jeepney sa mga lansangan sa Metro Manila na magiging kapalit ng mga bulok na jeep.
Katuwang ang DOTr, Land Transportation Office (LTO) at Metro Manila Development Authority (MMDA), nagkaisa silang ipatupad ang programang Jeepney Modernization.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, kaila-ngan na umanong pairalin ang pagpapatupad ng public utility vehicle (PUV) modernization program sa may 180,000 jeepneys nationwide.
“Kailangan nang palitan ang mga luma at bulok sa pampasadang jeepney sa Metro Manila ay hindi na ito maganda sa paningin lalo sa pang-turismo natin, partikular pa ang polusyon na naidudulot nito,” ayon kay Chairman Delgra.
Halos lahat naman siguro ng mga Pinoy ay nakasakay ng pampasaherong jeep kaya napapanahon na rin upang baguhin sila para sa kapa-kanan ng susunod na dekada.
“Karamihan ng mga jeep ay luma na ang mga designs, umaabot na sila noon pang 1970’s, 1980s, 1960s pa. Ang iba nag-rehabilitate but it doesn’t mean na you are modernized, you are only rehabilitated,” paliwanag pa nito.
Matatandaan na noong Oktubre 12, 2017 ay nangasiwa ng Expo ng mga updated mo-dern jeepneys ang Department of Transportation (DOTr) at Department of Trade and Industry kung saan ang mga local manufacturers ay nagbuo ng mga prototype vehicles na naaayon sa DOTr specifications.
Nais ng pamahalaan na palitan ang mga bulok na jeep na may edad 15 taon pataas ng mga environment-friendly jeepneys na may mga safety features ngunit sa kabila nito, may 600,000 jeepney drivers at operators naman ang maaapektuhan sa gagawing jeepney phase out ng pamahalaan.
Karamihan sa mga tumututol sa nasabing programa ay ang grupo ng mga tsuper at drayber dahil hindi umano makatarungan ang gagawin ng pamahalaan na kung saan ay kapakanan lamang nila ang kanilang iniisip at hindi ang para sa lahat.
Sa kabila ng mariing pagtutol ng mga grupo, tuloy pa rin ang pag-iimplementa ng pamahalaan sa programang jeepney modernization program.
Ayon naman kay Transportation Secretary Arthur Tugade, sinabi nito na hindi anti-poor ang pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
“Nililiwanag ko lang ho na yung programang modernization of public utility is not anti-poor; it is not designed to phase out the jeepneys or the jeepney business. It is actually designed to strengthen and guarantee the profitability of the jeepney business,” paliwanag ni Tugade.
“Gumagawa tayo ng pamamaraan na kung saan yung jeepney ay magiging compliant sa mga specification na gusto natin sa program upang ang paghahanap-buhay ay kakambalan natin ng responsibilidad sa kapaligiran. Maghanap-buhay ka pero ‘wag mong patayin ‘yung environment. Maghanap-buhay ka pero pangalagaan mo ang henerasyon na darating,” dagdag pa ni Tugade.
Layunin kasi ng mga ahensya ng DOTr, LTFRB, LTO at MMDA na maisaayos ang public road transport system na mapakikinabangan ng lahat.