`
Ni: Dennis Blanco
ANG larong volleyball ay isa sa mga pinakasikat na laro ngayon sa Pilipinas lalong-lalo na sa mga kababaihan, ano man ang kanilang edad at katayuan sa lipunan. Kaya’t di maikakaila na ito ay humahanay na sa larong basketball kung ang pagbabatayan ay ang dami ng mga nanonood at tagasubaybay nito. Nandiyan na rin ang mga nagsusulputang mga amateur collegiate volleyball leagues tulad ng Universities Athletic Association of the Philippines (UAAP), at ang National Collegiate Athletic Association (NCAA) at ang mga semi-professional leagues gaya ng Philipppine Volleyball League (PVL) at ang Philippine SuperLiga (PSL) na nagsisilbing plataporma para sa mga manlalarong kababaihan ng volleyball na ipakita ang kanilang husay sa paglalaro ng Volleyball.
Ang larong volleyball ay naimbento ni William G. Morgan noong 1895 sa Young Men’s Christian Association (YMCA) sa Holyoke, Massachusetts at mabilis na lumaganap bilang isa sa pinaka-popular na sport sa buong mundo. Sa Pilipinas, ito ay pinakilala ni Elwood S. Brown isang physical director sa YMCA.
Nagsimula itong laruin bilang backyard sport at nang lumaon ay nilalaro na sa mga buhanginan ng dalampasigan. Kinailangan nilang magtayo ng dalawang puno ng niyog na nagsisilbing magkabilang poste na kung saan ang net ay isinasampay. Ang volleyball ay nilalaro ng isa laban sa isa, isa laban sa lima o isa laban sa sampu (Philippine Volleybal Federation, 2016).
Ang Pilipinas ang isa sa mga unang bansa na naglaro ng volleyball noong 1920s at 1930s nang dalhin ito ng mga Amerikano dito sa atin kasama ng basketball at (McDougal, 2011).
Matatandaan na bago pa man tayo naging mahilig sa basketball, ay nauna muna ang hilig natin sa paglalaro ng volleyball. Malaki din ang naging impluwensiya ng Pilipinas sa paglalaro nito. Halimbawa, ang tinatawag ngayong “spike” ay nagmula sa imbensiyon ng mga Pilipino noon na tinawag na “bomba” na nagpabago sa laro ng volleball na ginawa sa Amerika pero na-revolutionize sa Pilipinas (Frank, 2003).
Sa ngayon, sila Alyssa Valdez, Mika Reyes, Myla Pablo, Jaja Santiago, Rachel Daquis at Isa Molde ay mga household names na rin katulad ng ibang sikat na basketball players sa Philippine Basketball Association (PBA). Subalit bago pa man ang kanilang pagsikat, ay mayroon ng Liz Masakayon na itinuturing na isa sa pinakamagaling na babaeng manlalaro ng volleyball na nagmula sa Pilipinas. Bagama’t siya ay isang Fil-American, ipinanganak siya sa Pilipinong magulang sa Quezon City. Bagamat hindi siya nakapaglaro sa pambansang koponan ng Pilipinas, siya ay naging miyembro ng 1984 United States Olympic Team. Dati rin siyang nakapaglaro sa University of California in Los Angeles (UCLA) at hinirang na Female Athlete of the Year ng nasabing pamantasan (Franks, 2010).
Sa kasalukuyan, ay nangangailangan pa ng mas madaming Liz Masakayon para magwagi sa mga regional competition kalaban ang mga malalakas na koponan tulad ng China, Japan, South Korea at Thailand, ganun na rin sa international competition na kung saan tayo ay makikipagsabayan sa mga pinakamagagaling na bansa sa mundo sa larangan ng volleyball tulad ng United States, Russia, Brazil at Cuba.