Inatasan ng pamunuan ng Manila Police District na talasan pa ang intelligence gathering nito kaugnay ng mga grupo na posibleng maghasik ng kaguluhan sa panahon ng banal na Ramadan.
Ayon kay kay Supt. Erwin Margarejo, tagapagsalita ng MPD, na wala silang na namomonitor na anumang banta sa seguridad dito sa Maynila kaugnay ng pagdiriwang ng Ramadan na magsisimula sa Sabado, a-27 ng Mayo
Subalit sa kabila nito aniya, walang dahilan upang magpakampante ang mga otoridad, lalo’t may naganap na serye ng pagsabog sa Quiapo Maynila, kabilang ang isang pagsabog sa isang peryahan, na nataon sa isinasagawang ASEAN Summit.
Ani Margarejo, kaliwa’t kanan ang isinasagwang check point hindi lamang sa paligid ng Quiapo kundi mas pinaigting pa ang tinatawag na police visibility malapit sa Manila Golden Mosque, Carlos Palanca, Parola Compound at Mosque sa port area sa Maynila at gayundin sa mga stratehikong lugar sa lungsod.
Nagpahayag naman ng pagkabahala ang mga kapatid nating Muslim sa Quiapo Maynila, sa epekto ng pagsalakay ng Maute group sa Marawi city, kung saan naninirahan ang ilan sa kanilang mga kamag-anak.
Nakakikilabot anila ang makitang nagkaroon ng exodus o paglikas ng mga tao sa takot na maipit sa bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng mga miyembro ng Maute group.