Ni: Joyce P. Condat
Inanunsyo ng magkasosyong Renault at Nissan ang plano nilang gumawa ng electric cars sa China kasama ang Dongfeng Motor. Dadagdag ito sa humahabang listahan ng mga automakers na naglalayong gumawa ng environment-friendly na mga sasakyan.
Ang China ang may pinakamataas na demand ng electric vehicles dahil sa mga batas nitong naglalayong bawasan ang polusyon sa kanilang bansa. Inaasahang magiging mabenta ang electric cars dahil dito.
Ang layunin ng China na bawasan ang matinding polusyon sa hangin ang naging dahilan upang magsimulang bumuo ng mga de-bateryang sasakyan ang mga automakers sa buong mundo.
Kabilang ang Ford at General Motors sa mga global automakers na gumagawa ngayon ng electric cars sa China.
Ang eGT New Energy Automotive Co ay bubuo ng electric mini-SUV na ibebenta ng Dongfeng sa darating na 2019. Gumagawa rin ng conventional vehicles ang Dongfeng kasama ang Renault-Nissan.
Magkakaroon ng sangkapat na bahagi sa magiging benta ang Nissan at Renault. Wala pang binabanggit kung magkano ang magiging presyo ng mga bubuuhing sasakyan.
Sa kasalukuyan, nangunguna ang Renault-Nissan sa produksyon ng modernong electric cars. Naging top-selling ang Nissan Leaf na nilunsad noong 2010 at Zoe ng Renault na inilunsad naman pagkaraan ng dalawang taon.