Natitiyak na hindi tataas ang presyo ng mga bilihin at pamasahe kung sakaling maisabatas ang panukalang Comprehensive Tax Reform Package (CTRP) o reporma sa buwis.
Ito ang sinabi kamakailan ni Rep. Dakila Carlo Cua ng Lone District of Quirino, isa sa pangunahing may-akda ng panukala.
Ayon sa mambabatas na chairman ng Ways and Means Committee sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, pinag-aralan niya umano nang mabuti ang lahat ng datos mula sa Department of Finance, (DOF) bago niya ito iniakda upang siguruhing hindi magiging dagdag sa pasanin ng mahihirap ang CTRP.
Sa ilalim ng panukala, na pangunahing prayoridad na maipasa ng Administrasyong Duterte, hindi na magbabayad ng buwis ang lahat ng kumikita na di-higit sa P20,800 bawat buwan o P250,000 bawat taon, kumpara sa kasalukuyang tax exemption bracket na P10,000 kita bawat taon lamang.
“Ibig sabihin nito ay iuuwi mo na nang buo ang suweldo mo na P20,800,” paliwanag pa ni Cua. “So, hindi na mababawasan pa ng buwis na 32% ang iyong kita. This means more money for the family to invest sa kanilang mga tahanan, sa edukasyon ng kanilang mga anak at iba pang mga pangangailangan.”
Ayon din sa mambabatas, kahit pa man doon sa mga kumikita nang mahigit pa rito, sa ilalaim ng CTRP ay hindi pa rin nila babayaran ng buwis ang unang P250,000 ng kanilang yearly income.
Mananatiling tax-free rin umano ang taunang 13th month pay at mga bonus na hindi tataas sa P82,000.
Subalit para sa mga kumikita ng P5 milyon bawat taon o ang mga tinatawag na ‘ultra-rich’ ay magbabayad na ang mga ito sa pamahalaan ng 35% ng buong halaga ng kanilang kita bilang buwis.
TATAAS ANG BUWIS SA PETROLYO
Nangangamba ang marami dahil sa ilalim ng naturang tax reform bill, tataasan pa ng pamahalaan ang buwis sa lahat ng uri ng petrolyo — katulad ng gasolina, diesel, kerosene at LPG.
“Excise tax for diesel is going to be P6.00/liter spread over 3 years,” ayon kay Cua. Ang ibig sabihin ay tataas ng P3 bawat litro sa unang taon, P2/litro sa susunod na taon at P1/litro sa pangatlong taon.
“Pero hindi ibig sabihing tataas din ang presyo ng mga bilihin,” sabi ng mambabatas. “Dahil kung pag-aaralan natin ang datos mula sa DOF, makikita natin na noong taong 2016, tumaas ang presyo ng diesel ng P12 bawat litro ngunit hindi tumaas ang presyo ng mga bilihin tulad ng bigas at pagkain,” paliwanag pa ni Cua.
Ayon sa solon, ito ay dahil 2.7% lamang ang inflation rate noong nakaraang taon bunsod ng pagtaas ng presyo ng diesel. Aniya, “That meant only P2.70, say for a P100 commodity.”
Ngunit dahil may iba pang prosesong dadaanan ang isang pirasong produkto bago ito umabot sa kamay mismo ng magtitinda, maaari umanong ‘higupin’ ang maliit na halaga ng trucking company o kaya ng may-ari ng tindahan.
“Kasi, when competition is healthy, then they are forced to just absorb these small hits. Kung nakayanan ng ekonomiya ang pagtaas ng presyo ng diesel ng P12 noong 2016, ano pa kaya kung P6 lang at nahati pa sa loob ng 3 taon,” wika pa ni Cua.
Sa presyo naman ng pamasahe, ayon umano sa DOF, kailangang umabot muna ng P0.50 sentimos ang epekto sa pamasahe bago ito maaaring itaas ng transport sector. At sa P3/bawat litro, ang epekto ay P0.10 sentimos lang o P0.20 sentimos lang sa P6/bawat litro. Hindi umano sapat upang itaas ang pamasahe.
LPG, VAT AT SOCIAL BENEFIT CARDS
Kung LPG naman ang pag-uusapan ayon kay Cua, kakayanin pa umano ng mga konsyumer na pasanin ang pagtaas ng halaga kung ang itataas nito ay kahit hanggang P30 bawat tangke dahil isang beses lamang nila bibilhin ito sa loob ng isa o dalawang buwan.
Gayunpaman, ayon sa mambabatas, mayroon din aniyang pondong ilalaan ang pamahalaan upang proteksiyonan ang mahihirap katulad umano ng fare subsidy para sa pinakamahihirap na pamilya, rice subsidy para sa mga walang trabaho, maging sa mga fuel voucher para sa mga lehitimong transport operators.
“These are just in case there are other factors contributing to inflation aside from this,” dagdag pa ni Cua.
Hindi rin dapat aniyang ipangamba ang paglawak ng saklaw ng VAT.
“Hindi totoo na tataas ang halaga ng VAT,” wika ni Cua. “At mananatili pa ring VAT-free ang mga senior citizen at persons with disabilities.”
Tataas din umano ang VAT-free exemptions ng micro-businesses na sa kasalukuyang sistema ay dapat na hindi hihigit ang iyong kabuuang kita sa P1.9 milyon ngunit sa ilalim ng CTRP ito’y magiging P3 milyon.
“Kung hindi aabot ng P3 milyon ang iyong gross income, hindi ka magbabayad ng buwis,” paliwanag pa ni Cua.
“Dahil sa mga datos na ito ng DOF na ibinigay sa akin at pinag-aralan ko, nakita ko na hindi talaga tatamaan ang mahihirap, na this plan of the president is really pro-poor,” pahayag pa ng mambabatas.
KAILANGAN PARA SA MGA PROYEKTO NG PAMAHALAAN
Mahalagang bahagi ng mga plano ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas ang reporma sa sistema ng buwis.
Kasalukuyang may income tax rate ang Pilipinas na 32% at corporate tax rate na 32%, pinakamataas na singil ng buwis sa buong Timog-Silangan ng Asya samantalang nananatiling isa sa pinakamahihirap na bansa sa rehiyon.
Laganap naman ang kurapsiyon sa Bureau of Internal Revenue (BIR) samantalang madaling nakaiiwas na magbayad ng tamang buwis ang malalaking korporasyon at pinakamayayamang mamamayan.
Dahil umano nakatuon ang pamahalaan sa mga plano ng pangulo, kasama sa mga planong ito ang linisin ang kawanihan ng buwis at dadagdagan nito ng P100 bilyon bawat taon ang koleksiyon mula sa mga tax evader.
Kung isasama rito ang halagang malilikom dahil sa CTRP na aabot ng nasa P190 bilyon, magkakaroon ang pamahalaan ng dagdag na kita na halos P300 bilyon taun-taon. Ang lahat ng ito ay mapupunta umano sa mga proyekto ng pamahalaan.
“So, if the issue is do we need to reform the tax system? Yes, we do,” pagdidiin pa ni Cua. “Because we have ambitious plans. Gusto nating ayusin ‘yung MRT, gusto nating magkaroon ng mga tulay along Metro Manila to decongest traffic, gusto nating magkatulay ang ating mga isla, gusto natin ng bagong airport, gusto nang pangulong doblehin ang badyet para sa edukasyon, kalusugan, social services at iba pa… so we need to do this.”
Ginagawa aniya ito ng pangulo upang matupad ang pangakong ibaba sa ‘grassroots’ o sa mahihirap ang kaginhawahan ng ekonomiya.
“And we can do this by taxing the rich a little bit more so that we have more collections to return to the country’s economy,” pagtatapos ni Cua.